M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Panalangin ni Solomon para sa Mamamayang Israel(A)
12 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay. 13 Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay. 14 Nanalangin siya,
“O Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad nʼyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na sumusunod sa inyo ng buong puso. 15 Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito. 16 At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’ 17 Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.
18 “Ngunit makakatira nga po ba kayo, O Dios, sa mundo kasama ng mga tao? Hindi nga kayo magkakasya kahit sa pinakamataas na langit, ano pa kaya kung sa templo na ipinatayo ko? 19 Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya. 20 Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong kayoʼy pararangalan. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin sa harap ng altar na ito. 21 Pakinggan nʼyo po ang mga kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.
22 “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya, 23 dinggin nʼyo po ito riyan sa langit at hatulan ang inyong mga lingkod – ang nagbintang at ang pinagbintangan. Parusahan nʼyo po ang nagkasala ayon sa kanyang ginawa at palayain ang walang sala para mahayag na inosente siya.
24 “Kung ang mga mamamayan nʼyong Israelita ay matalo ng mga kalaban nila dahil nagkasala sila sa inyo at kung manumbalik sila at magpuri sa inyo at manalangin sa templong ito, 25 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo sila sa kanilang kasalanan at dalhin ninyo sila pabalik sa lupaing ibinigay ninyo sa kanila at sa mga ninuno nila.
26 “Kung hindi nʼyo pauulanin, dahil nagkasala ang inyong mga mamamayan sa inyo, at kung manalangin po silang nakaharap sa templong ito at magpuri sa inyo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan dahil pinarusahan nʼyo sila, 27 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo po sila na inyong mga lingkod, ang inyong mga mamamayang Israelita. Turuan nʼyo po sila ng matuwid na pamumuhay, at padalhan ng ulan ang lupain na inyong ibinigay sa kanila bilang pag-aari.
28 “Kung may dumating pong taggutom sa lupain ng inyong mga mamamayan, o salot, o malanta ang mga tanim, o peste sa mga tanim gaya ng mga balang at mga uod, o palibutan ng mga kalaban ang alinman sa kanilang mga lungsod, o sumapit man sa kanila ang kahit anong karamdaman, 29 at kung mayroon po sa kanila na mananalangin o hihiling sa inyo, dinggin nʼyo po sila. Kung kinikilala po nilang dahil sa kanilang mga kasalanan dumating ang mga pagtitiis at sakuna sa kanila, at manalangin po sila ng nakataas ang kanilang mga kamay, na nakaharap sa templong ito, 30 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. Patawarin nʼyo po sila at gawin sa bawat isa ang nararapat sa kanilang mga ginawa, dahil alam nʼyo po ang bawat puso nila. Tunay na tanging kayo lamang po ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. 31 Gawin nʼyo po ito para gumalang sila sa inyo at sumunod sa inyong pamamaraan habang nakatira sila sa lupaing ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno.
32 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 33 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
34 “Kung ang inyo pong mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 35 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.
36 “Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar, 37 at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’ 38 dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo ng buong pusoʼt isipan, doon sa lugar na pinagbihagan sa kanila, at manalangin po sila na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na pinili po ninyo, at sa templong aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 39 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan laban sa inyo.
40 “O aking Dios, sagutin nʼyo po sana ang mga dalangin na ginawa sa lugar na ito.
41 “Ngayon, Panginoong Dios, pumunta na po kayo sa templo nʼyo kasama ng Kahon ng Kasunduan na simbolo ng inyong kapangyarihan. Sanaʼy lagi pong magtagumpay ang inyong mga pari at magsaya ang mga mamamayan ninyo sa inyong kabutihan. 42 O Panginoong Dios, huwag nʼyo pong itakwil ang pinili nʼyong hari. Alalahanin nʼyo po ang inyong ipinangako kay David na inyong lingkod na iibigin siyang lubos.”
Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay
5 Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. 2 Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. 3 Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. 4 Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios. 6 Si Jesus na naparito sa mundo ay napatunayang Anak ng Dios sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa tubig kundi sa pamamagitan din ng dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan din sa atin ng Banal na Espiritu, dahil ang Espiritu ay katotohanan. 7 Kaya may tatlong nagpapatotoo tungkol kay Jesus: 8 ang Banal na Espiritu, ang tubig nang magpabautismo siya, at ang dugo nang mamatay siya. At ang tatlong itoʼy nagkakaisa. 9 Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ngunit higit na maaasahan ang patotoo ng Dios dahil siya mismo ang nagpatotoo tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay naniniwala sa patotoo ng Dios. Ang sinumang hindi naniniwala sa patotoong ito ay ginagawang sinungaling ang Dios dahil hindi siya naniniwala sa patotoo ng Dios tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo ng Dios: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na itoʼy nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang nasa kanya ang Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang sinumang wala sa kanya ang Anak ng Dios ay walang buhay na walang hanggan.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Dios upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan. 14 At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban. 15 At kung alam nating nakikinig sa atin ang Dios, alam nating tinatanggap na natin ang hinihiling natin sa kanya.
16 Kung nakikita ninyo ang inyong kapatid kay Cristo na gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan, ipanalangin ninyo siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay. Ito ay para lang sa mga nakagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan. May mga kasalanang nagdudulot ng espiritwal na kamatayan. Hindi ko sinasabing ipanalangin ninyo ang mga taong nakagawa ng ganitong kasalanan. 17 Ang lahat ng gawaing hindi matuwid ay kasalanan, ngunit may mga kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan.
18 Alam nating ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Iniingatan siya ng Anak ng Dios, at hindi siya maaaring saktan ng diyablo. 19 Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo, ngunit alam nating tayoʼy mga anak ng Dios. 20 Alam din nating ang Anak ng Dios ay naparito sa mundo, at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Dios. At tayo nga ay nasa tunay na Dios sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga dios-diosan.
1 Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
Ang Unang Hinaing ni Habakuk
2 Sinabi ni Habakuk, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? 3 Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. 4 Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
5 Sumagot ang Dios, “Tingnan ninyong mabuti ang mga nangyayari sa mga bansa at talagang magtataka kayo sa inyong makikita. Sapagkat may gagawin ako sa inyong kapanahunan na hindi ninyo paniniwalaan kahit may magbalita pa nito sa inyo. 6 Sapagkat pamamahalain ko ang mga taga-Babilonia,[a] na kilala sa kalupitan at karahasan. Mabilis nilang sinasalakay ang mga bansa sa buong mundo upang agawin ang mga lugar na hindi kanila. 7 Kinatatakutan sila ng mga tao. Ginagawa nila ang gusto nila at walang makakapigil sa kanila. 8 Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis kaysa sa mga leopardo at mas mabangis kaysa sa mga lobo na gumagala sa gabi. Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar, parang agilang mabilis na lumilipad para dagitin ang kanyang biktima. 9 Paparating ang kanilang mga sundalo na handang gumawa ng kalupitan. Para silang malakas na hangin mula sa silangan. Ang kanilang mga bihag ay kasindami ng buhangin. 10 Hinahamak nila ang mga hari at mga pinuno. Tinatawanan lamang nila ang mga napapaderang lungsod, dahil kaya nila itong akyatin sa pamamagitan ng pagtambak ng lupa sa tabi nito. Sa ganitong paraan, nakakapasok sila at nasasakop nila ang lungsod. 11 Pagkatapos, aalis sila na parang hangin lang na dumaan. Nagkasala sila, dahil wala silang kinikilalang dios kundi ang sariling kakayahan.”
Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk
12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)
20 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4 kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[a] o sa tao?” 5 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 7 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(B)
9 Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. 10 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. 11 Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. 12 Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas. 13 Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’ 14 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 15 Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.
“Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? 16 Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.” Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!” 17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan:
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’[b]
18 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(C)
19 Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. 20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. 22 Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[c] o hindi?” 23 Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 “Patingin nga ng pera.[d] Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 25 Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 26 Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)
27 May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 28 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[e] 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30-31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” 34 Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’[f] 38 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” 39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Cristo(E)
41 Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan
43 hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[g]
44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(F)
45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[h] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®