Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 5:1-6:11

Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.

Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(A)

Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at ng mga pamilya sa Israel, para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, nang ikapitong buwan.

4-5 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon, ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito. Dinala nilang lahat ito sa templo. Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.

Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin kaya natatakpan ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 10 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.

11 Pagkatapos, lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar. Ang lahat ng pari na naroon ay nagpakalinis, oras man ng kanilang paglilingkod o hindi. 12 Ang mga musikerong Levita na sina Asaf, Heman, Jedutun at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak ay tumayo sa bandang silangan ng altar. Nakasuot sila ng pinong linen at tumutugtog ng pompyang, alpa at lira. Sinasamahan sila ng 120 pari na nagpapatunog ng trumpeta. 13 Ang mga mang-aawit ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon na tinutugtugan ng mga trumpeta, pompyang at iba pang mga instrumento. Ito ang kanilang inaawit:

“Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”

Pagkatapos, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 14 Hindi na makaganap ang mga pari ng kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil binalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang kanyang templo.

At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap. Nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”

Ang Mensahe ni Solomon sa mga Mamamayan ng Israel(B)

At humarap si Haring Solomon sa buong kapulungan ng Israel na nakatayo roon at silaʼy binasbasan. Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sapagkat sinabi niya, ‘Mula nang araw na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo sa pagpaparangal sa akin, at hindi rin ako pumili ng haring mamamahala sa mga mamamayan kong Israelita. Ngunit ngayon, pinili ko ang Jerusalem para doon pararangalan ang aking pangalan, at pinili ko si David para mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’

“Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

10 “Tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa pangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 11 Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mamamayan ng Israel.”

1 Juan 4

Ang Espiritu ng Dios at ang Espiritu ng Anti-Cristo

Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nilaʼy mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo. Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung ang espiritung sumasakanila ay mula sa Dios: kung kinikilala nila na si Jesu-Cristoʼy naging tao, ang Dios mismo ang nagsugo sa kanila. Ngunit ang hindi kumikilala na si Jesus ay naging tao ay hindi isinugo ng Dios kundi ng espiritu ng anti-Cristo. Narinig ninyo na darating na ang anti-Cristo, at naririto na nga sa mundo. Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. Itong mga huwad at sinungaling na propetaʼy makamundo, kaya ang mga bagay ng mundo ang kanilang itinuturo, at nakikinig sa kanila ang mga makamundo. Ngunit tayo naman ay sa Dios. Ang mga kumikilala sa Dios ay nakikinig sa mga itinuturo natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi nakikinig sa atin. Sa gayong paraan natin makikilala kung sino ang nangangaral ng mula sa Espiritu ng katotohanan o sa espiritu ng kasinungalingan.

Ang Dios ay Pag-ibig

Mga minamahal, mag-ibigan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Dios. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Dios at kumikilala sa Dios. Ang sinumang hindi umiibig sa kanyang kapwa ay hindi kumikilala sa Dios dahil ang Dios ay pag-ibig. Ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang[a] anak dito sa mundo, upang sa pamamagitan niya ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: hindi tayo ang umibig sa Dios kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin.

11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang tao na nakakita sa Dios. Ngunit kung nagmamahalan tayo, ang Dios ay sumasaatin at lubos na natupad ang kanyang pag-ibig sa atin.

13 Nalalaman nating tayoʼy nasa Dios at ang Dios ay sumasaatin dahil ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng mundo. 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nasa kanya at siya naman ay nasa Dios. 16 Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.

Ang Dios ay pag-ibig. At ang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Dios at nananatili rin sa kanya ang Dios. 17 Sa ganitong paraan ay naging ganap ang pag-ibig sa atin, kaya panatag tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom, dahil ang pamumuhay natin dito sa mundo ay tulad ng kay Cristo. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.

19 Umiibig tayo sa Dios dahil siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing mahal niya ang Dios ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Dahil kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya mahal, paano pa kaya niya magagawang mahalin ang Dios na hindi naman niya nakikita? 21 Kaya ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: ang taong nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid.

Nahum 3

Kahabag-habag ang Nineve

Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6-7 Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”

Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. Ang Etiopia[a] at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya. 10 Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11 Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12 Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13 Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.

14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15 Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.

Dumami kayo na parang balang! 16 Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17 Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18 Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19 Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.

Lucas 19

Si Zaqueo

19 Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”

Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)

11 Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12 Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’

14 “Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15 Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17 Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’[a] 22 Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24 Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25 Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26 Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(B)

28 Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32 Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34 Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36 Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37 Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.[b] Mayroon na tayong magandang relasyon[c] sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”

39 Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40 Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”

Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem

41 Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42 Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43 Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44 Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(C)

45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[d] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[e]

47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®