Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 2

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)

Nag-utos si Solomon na magpatayo ng templo, para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Nagpatawag siya ng 70,000 tagahakot, 80,000 tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at 3,600 kapatas.

Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram[a] ng Tyre: “Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya. Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, hinahandugan ng banal na tinapay, pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan[b] at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Dios. Ang tuntuning itoʼy dapat tuparin ng mga Israelita magpakailanman.

“Napakalaki ng templo na itatayo ko, dahil makapangyarihan ang aming Dios kaysa sa ibang mga dios. Ngunit sino nga ba ang makakagawang magpatayo ng templo para sa kanya? Sapagkat kahit ang pinakamataas na kalangitan, hindi magkakasya para sa kanya. Kaya sino ba ako na magpapatayo ng templo para sa kanya? Ang maitatayo ko lang ay ang lugar na pinagsusunugan ng mga handog sa kanyang presensya. Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay gumawa sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David. Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang templo na itatayo ko. 10 Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng 100,000 sako ng trigo, 100,000 sako ng sebada, 110,000 galon ng katas ng ubas at 110,000 galon ng langis ng olibo.”

11 Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tyre kay Solomon:

“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang mga bayan, ginawa ka niyang hari nila. 12 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng templo para sa Panginoon at nang palasyo para sa kanyang sarili.

13 “Ipapadala ko sa iyo si Huram Abi na isang mahuhusay na manggagawa. 14 Ang kanyang ina ay mula sa Dan at ang kanyang amaʼy mula sa Tyre. Dalubhasa siya sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa paggawa ng telang kulay ube,[c] pula at asul, at pinong telang linen. Dalubhasa siya sa kahit anong uri ng pag-ukit, at makakagawa siya ng anumang uri ng disenyo na ipapagawa mo sa kanya. Gagawa siya kasama ng iyong manggagawa at ng mga manggagawa na pinili ng kagalang-galang[d] na si David, na iyong ama.

15 “Ngayon, kagalang-galang na Solomon, ipadala mo sa amin ang trigo, sebada, alak at langis ng olibo na iyong ipinangako, 16 at puputulin namin ang maraming kahoy na kailangan mo. Pagkatapos, idudugtong namin na parang balsa at palulutangin sa dagat papunta sa Jopa. At kayo na ang magdadala nito sa Jerusalem.”

17 Sinensus ni Solomon ang lahat ng dayuhan gaya ng ginawa ni David na kanyang ama, at ang bilang ay 153,600. 18 Ginawa niya ang 70,000 sa kanila na tagahakot, 80,000 tagatabas ng bato sa mababang bahagi ng bundok, at ang 3,600 kapatas na mamamahala sa mga manggagawa.

1 Juan 2

Mga anak, sinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung may magkasala man, may tagapamagitan tayo sa Ama – siya ay si Jesu-Cristo, ang Matuwid. Siya ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng mga kasalanan natin kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo. Nakatitiyak tayong kilala natin ang Dios kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing nakikilala niya ang Dios ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit sa sinumang sumusunod sa salita ng Dios, lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig ng Dios. At sa ganitong paraan natin malalaman na tayoʼy nasa kanya: ang sinumang nagsasabing siya ay sa Dios, dapat siyang mamuhay nang tulad ni Jesu-Cristo.

Mga minamahal, hindi bago ang ibinibigay kong utos na magmahalan kayo, kundi dati na. Ang utos na ito ay walang iba kundi ang mensaheng narinig at tinanggap ninyo mula nang sumampalataya kayo. Ngunit masasabi rin natin na ang utos na itoʼy bago, dahil lumilipas na ang kadiliman at nagliliwanag na ang tunay na ilaw. At ang katotohanang ito ay nakita sa buhay ni Cristo at maging sa inyo. Ang sinumang nagsasabing siyaʼy nasa liwanag ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa rin. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay namumuhay sa liwanag, at walang anuman sa buhay niya ang magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan dahil binulag siya ng kadilimang ito.

12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil pinatawad na ng Dios ang mga kasalanan ninyo dahil kay Cristo.
13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.[a]
    Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil nalupig na ninyo si Satanas.[b]
14 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil nakilala nʼyo na ang Ama.
    Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.
    Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil matatag ang inyong pananampalataya. Sinusunod ninyo ang salita ng Dios, at nalupig na ninyo si Satanas.

Huwag Ibigin ang Mundo

15 Huwag ninyong ibigin ang mundo o ang mga makamundong bagay. Ang umiibig sa mga ito ay hindi umiibig sa Ama. 16 Sapagkat ang lahat ng kamunduhan – ang masasamang hilig ng laman, ang pagnanasa sa mga nakikita ng mata, at ang anumang pagmamayabang sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa mundo. 17 Ang mundo at lahat ng bagay dito na hinahangad ng tao ay mawawala, ngunit ang taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay mabubuhay magpakailanman.

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw. 19 Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.

20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan. 22 At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak. 23 Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.

24 Huwag ninyong kalimutan ang mga natutunan ninyo mula pa noong una, upang patuloy kayong mamuhay nang may pagkakaisa sa Anak at sa Ama. 25 Sa ganoon, mapapasainyo ang ipinangako ni Cristo: ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[c] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon. 29 Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.

Nahum 1

Ang mensahe ng aklat na ito ay tungkol sa Nineve.[a] Itoʼy ipinahayag ng Panginoon kay Nahum na taga-Elkosh.

Ang Galit ng Panginoon sa Nineve

Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios.[b] Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila. Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa. Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon. Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig. Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.

Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya. Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.[c] Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa. 10 Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami. 11 Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.

12 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli. 13 Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”

14 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”

15 Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.

Lucas 17

Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit[a] na ito. Kaya mag-ingat kayo.

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”

Tungkol sa Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[b] ka ng pananampalataya mo.”

Ang tungkol sa Paghahari ng Dios.(B)

20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios. 21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”[c]

22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako. 24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.

26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat. 28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom. 30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa. 36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” 37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”[d]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®