Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 29

Ang mga Regalo sa Pagpapatayo ng Templo

29 Pagkatapos, sinabi ni Haring David sa lahat ng mamamayan ng Israel, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Dios ay bata pa at wala pang karanasan. Malaki ang gawain na ito, dahil ang ipapatayong gusali ay hindi para sa tao kundi para sa Panginoong Dios. Ginawa ko ang lahat para maihanda ang mga materyales para sa templo ng aking Dios – maraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, mamahaling bato na onix, at iba pang mamahaling hiyas at mga batong may ibaʼt ibang kulay, at marami ring marmol. At dahil sa kagustuhan kong maitayo ang templo ng aking Dios, ibibigay ko pati ang personal kong mga ginto at pilak, bukod pa ang mga materyales na naipon ko para sa banal na templo. Ang ibibigay ko ay 100 toneladang ginto mula sa Ofir, at 250 toneladang pilak. Ito ay gagamiting pangtapal sa mga dingding ng templo, at para naman sa lahat ng mga kagamitan na gagawin ng mga platero. Ngayon, sino ang gustong magbigay para sa Panginoon?”

Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari. Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal. May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.

Ang Panalangin ni David

10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,

“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob,[a] sa inyo ang kapurihan magpakailanman! 11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat! 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.

13 “Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan. 14 Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin. 15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.

16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito! 17 O aking Dios, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Kaya tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.

18 “O Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo. 19 Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”

20 Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios.” Kaya pinuri nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa Panginoon at sa kanilang hari.

Kinilala si Solomon Bilang Hari

21 Nang sumunod na araw, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog: 1,000 toro, 1,000 lalaking tupa at 1,000 batang tupa. Nag-alay din sila ng mga handog na inumin at iba pang mga handog para sa mga Israelita. 22 Masaya silang nagkainan at nag-inuman sa presensya ng Panginoon nang araw na iyon.

Muli, idineklara nilang hari si Solomon na anak ni David. Pinahiran si Solomon ng langis sa presensya ng Panginoon bilang hari, at pinahiran din ng langis si Zadok bilang pari. 23 Kaya umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari, kapalit ng ama niyang si David. Naging maunlad si Solomon, at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nangako ang lahat ng opisyal, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng anak na lalaki ni Haring David na magpapasakop sila kay Haring Solomon. 25 Niloob ng Panginoon na maging tanyag si Solomon sa buong Israel at binigyan ng karangalang hindi nakamit ng ibang hari sa Israel.

Ang Pagkamatay ni David

26-27 Naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel sa loob ng 40 taon – 7 taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, mayaman at marangal. Namatay siya nang matandang-matanda na at ang anak niyang si Solomon ang pumalit sa kanya bilang hari. 29 Ang kasaysayan tungkol sa paghahari ni Haring David, mula sa simula hanggang katapusan ay nakasulat sa mga aklat ng mga propeta na sina Samuel, Natan at Gad. 30 Naisulat dito kung paano siya naghari, at kung gaano siya naging makapangyarihan, at ang lahat ng nangyari sa kanya at sa Israel, at sa mga nakapaligid na kaharian.

2 Pedro 3

Ang Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa. Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.” Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.[a] At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.

Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[b], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.

Micas 6

Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita

Sinabi ni Micas: Pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon sa inyo:

“Sige na, ilahad ninyo ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol[a] ang inyong sasabihin. At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.”

Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. Inilabas ko pa nga kayo sa Egipto kung saan inalipin kayo. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam para pangunahan kayo. Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas[b] ko kayo.”

Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya[c] bilang handog na sinusunog? Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”

Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.

Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita

Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:

“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. 10 Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. 11 Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. 12 Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. 13 Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway. 15 Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito. 16 Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”

Lucas 15

Ang Nawawalang Tupa(A)

15 Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa kanya. Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Ang taong itoʼy tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.” Kaya kinuwentuhan sila ni Jesus, “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? At kapag nakita na ninyo, masaya ninyo itong papasanin pauwi. Pagkatapos, tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.’ ” At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya sila roon dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.”

Ang Nawawalang Salaping Pilak

“Halimbawa naman, may isang babaeng may sampung salaping pilak at nawala ang isa. Hindi baʼt sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay, at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa makita niya ito? Pagkatapos, tatawagin niya ang mga kaibigan at kapitbahay niya at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong salapi.’ ” 10 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya ang mga anghel ng Dios dahil sa isang makasalanang nagsisi.”

Ang Naglayas na Anak

11 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang pagkukwento, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay nʼyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko!’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon niya ginastos ang lahat sa walang kwentang pamumuhay. 14 Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya. 15 Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang taga-roon. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, parang gusto na niyang kainin kahit pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain.

17 “Nang mapag-isip-isip niya ang lahat, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sapat na pagkain at sobra pa, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom. 18 Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang akong isa sa mga utusan ninyo.” ’ 20 Kaya bumalik siya sa kanyang ama. Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Pero tinawag ng ama ang mga utusan niya, ‘Madali! Dalhin nʼyo rito ang pinakamagandang damit at bihisan siya. Lagyan ninyo ng singsing ang daliri niya at suotan ninyo ng sandalyas ang mga paa niya. 23 At kumuha kayo ng batang baka na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo 24 dahil ang anak ko na akala koʼy patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita.’ Kaya nagsimula silang magdiwang.

25 “Samantala, nasa bukid noon ang anak na panganay at nagtatrabaho. Nang pauwi na siya at malapit na sa kanila, narinig niya ang tugtugan at sayawan sa bahay nila. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Anong mayroon sa bahay?’ 27 Sumagot ang utusan, ‘Dumating ang kapatid nʼyo kaya ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang baka upang ihanda, dahil bumalik siyang ligtas at nasa mabuting kalagayan.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapang pumasok. 29 Pero sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo ng tapat sa loob ng maraming taon at kailanman ay hindi ko sinuway ang utos ninyo. Pero kahit minsan ay hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang batang kambing para makapaghanda ako at makapagsaya kasama ang mga kaibigan ko. 30 Pero nang dumating ang anak ninyong lumustay ng kayamanan ninyo sa mga babaeng bayaran, ipinagpatay nʼyo pa ng pinatabang baka.’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi tayong magkasama at ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. 32 Dapat lang na magsaya tayo dahil ang kapatid mo na inakala nating patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita!’ ”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®