Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 28

Ang Plano ni David para sa Templo

28 Ipinatawag ni Haring David sa Jerusalem ang lahat ng opisyal ng Israel: Ang mga opisyal ng mga lahi, ang mga kumander ng bawat grupo ng mga sundalo na naglilingkod sa hari, ang iba pang mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, ang mga opisyal na namamahala sa lahat ng ari-arian at mga hayop ng hari at ng kanyang mga anak, ang mga opisyal ng palasyo, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng mahuhusay na sundalo.

Nang nagtitipon na sila, tumayo si David at sinabi, “Makinig kayo, aking mga kapatid at tauhan. Gusto ko sanang magpatayo ng templo para paglagyan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na ating Dios, upang magkaroon ng tungtungan ang kanyang mga paa. At nakapagplano na ako para sa pagpapatayo nito. Pero sinabi ng Dios sa akin, ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan dahil isa kang sundalo at marami kang napatay.’ Ngunit sa kabila nito, pinili ako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa aming pamilya na maging hari ng Israel magpakailanman. Pinili niya ang lahi ni Juda bilang pinuno ng mga lahi. At mula sa lahing ito, pinili niya ang aking pamilya, at mula sa aking pamilya ikinalugod niya ang pagpili sa akin bilang hari ng buong Israel. Binigyan niya ako ng maraming anak na lalaki, at mula sa kanila, pinili niya si Solomon na maghari sa kanyang kaharian, ang Israel. Sinabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magpapatayo ng aking templo, at ng mga bakuran nito. Sapagkat pinili ko siya na maging aking anak, at akoʼy magiging kanyang ama. At kung patuloy siyang susunod sa mga utos ko at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon, paghahariin ko ang kanyang angkan magpakailanman.’

“Kaya ngayon, inuutusan ko kayo sa harap ng lahat ng Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon, at sa presensya ng ating Dios, na maingat nʼyong sundin ang lahat ng utos ng Panginoon na inyong Dios. Kung gagawin nʼyo ito, patuloy na kayo ang magmamay-ari ng magandang lupaing ito, at ipamamana ninyo ito sa inyong mga angkan magpakailanman.

“At ikaw, Solomon na anak ko, kilalanin mo at paglingkuran ang Dios ng iyong ama nang buong puso mo at isip, dahil nakikita ng Panginoon ang bawat puso ng tao at nalalaman niya ang ating layunin at pag-iisip. Kung dudulog ka sa kanya, tutulungan ka niya, pero kung tatalikod ka sa kanya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Kaya pag-isipan mo itong mabuti. Pinili ka ng Panginoon para ipatayo ang templo para roon siya sambahin. Magpakatatag ka, at gawin mo ang gawaing ito.”

11 Pagkatapos, ibinigay ni David kay Solomon ang lahat ng plano sa pagpapatayo ng templo at ng mga balkonahe nito, mga gusali, mga bodega, mga silid sa itaas, mga silid sa loob, at ang Pinakabanal na Lugar na kung saan pinapatawad ang mga kasalanan ng mga tao. 12 Ibinigay niya ang lahat ng plano na itinuro sa kanya ng Espiritu[a] para sa pagpapatayo ng mga bakuran ng templo ng Panginoon, sa lahat ng silid sa paligid nito, sa mga bodega ng templo ng Dios, kasama na ang mga bodega para sa mga bagay na inihandog. 13 Tinuruan din niya si Solomon kung paano igugrupo ang mga pari at mga Levita, at ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, ganoon din ang lahat ng mga gagamitin sa paglilingkod. 14 Itinuro rin niya kung gaano karaming pilak at ginto ang gagamitin sa paggawa ng mga gamit na ito: 15 sa mga ilawang ginto at mga lagayan nito; sa mga ilawang pilak at mga lagayan nito; 16 sa mga mesang ginto kung saan ilalagay ang tinapay na inihahandog sa Dios; sa mesang pilak; 17 sa mga malaking gintong tinidor; sa mga mangkok at mga pitsel; sa mga platong ginto at pilak; 18 at sa gintong altar na pagsusunugan ng insenso. Tinuruan din ni David si Solomon kung paano gawin ang gintong kerubin na nakalukob ang mga pakpak sa itaas ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon.

19 Sinabi ni Haring David, “Ang mga planong ito ay isinulat ayon sa gabay ng Panginoon, at tinuruan niya ako kung paano gawin ang lahat ng ito.”

20 Sinabi rin ni David sa anak niyang si Solomon, “Magpakatatag ka at magpakatapang. Simulan mo na ang pagpapagawa. Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan hanggang sa matapos ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon. 21 Nakahanda na ang grupo ng mga pari at mga Levita para sa lahat ng gawain sa templo ng Dios, at may mga tao rin na may kakayahang gumawa ng anumang gawain na handang tumulong sa iyo. Ang mga opisyal at ang lahat ng tao ay handang sumunod sa iyo.”

2 Pedro 2

Ang mga Huwad na Guro

Ngunit nagkaroon din ng mga huwad na propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin. Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita para kwartahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.

Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[a] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

17 Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Inilaan na sila ng Dios sa kadiliman. 18 Mayabang silang magsalita, pero wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, pero sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya. 20 Ang mga taong nakakilala na kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Bagay sa kanila ang kasabihan,

    “Ang asoʼy kumakain ng suka niya.”[b]
    At, “Ang baboy, paliguan man ay babalik din sa kanyang lubluban.”

Micas 5

Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.

Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem

Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[a] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”

Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[b] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[c] ang kanyang kadakilaan. Bibigyan niya ng mabuting kalagayan[d] ang kanyang mga mamamayan.

Kalayaan at Kapahamakan

Kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa at pasukin ang matitibay na bahagi ng ating lungsod, lalabanan natin sila sa pangunguna ng ating mga mahuhusay na pinuno. Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila[e] tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.

Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao. Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya. Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.

Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita

10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”

Lucas 14

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya. Doon ay may isang lalaking minamanas. Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?” Hindi sila nakasagot sa tanong niya.

Matutong Magpakababa

Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. 13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Ang Talinghaga tungkol sa Malaking Handaan(A)

15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!” 16 Kinuwentuhan siya ni Jesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at marami ang inimbita niya. 17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’ 18 Pero nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangang puntahan ko at tingnan.’ 19 Sabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng sampung baka, at susubukan ko kung mabuting ipang-araro. Pasensya na.’ 20 At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’ 21 Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at nag-utos ulit sa alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’ 22 Nang natupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’ 23 Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. 24 Tinitiyak ko sa inyo, ni isa man sa mga una kong inimbita ay hindi makakatikim ng handa ko.’ ”

Ang Pagsunod sa Panginoon(B)

25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Lumingon siya at sinabi sa kanila, 26 “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 27 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[a] ay hindi maaaring maging tagasunod ko. 28 Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito. 29 Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na maipatapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito. 30 Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng bahay ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’ 31 Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway. 32 At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga sugo para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway. 33 Ganyan din ang gawin ninyo. Isipin muna ninyong mabuti ang pagsunod sa akin, dahil kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod ko.”

Ang Aral Mula sa Asin(C)

34 “Mabuti ang asin, pero kung mag-iba ang lasa,[b] wala nang magagawa para maibalik ang lasa nito. 35 Wala na itong pakinabang kahit ihalo sa dumi para maging pataba sa lupa, kaya itinatapon na lang ito ng mga tao. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong unawain!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®