M’Cheyne Bible Reading Plan
1 Akong si Simon Pedro ay alipin at apostol ni Jesucristo. Sumusulat ako sa kanila na kasama naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya katulad ng aming pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo.
2 Sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Tiyakin Ninyong Kayo ay Tinawag at Hinirang ng Diyos
3 Ayon sa kaniyang kapangyarihan, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa pagkamaka-Diyos sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kapangyarihan.
4 Sa pamamagitan nito, ibinigay niya sa atin ang kaniyang mga mahalaga at dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa banal na kalikasan ng Diyos. Yamang nakaiwas na kayo sa kabulukan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, nakabahagi kayo sa banal na kabanalan ng Diyos.
5 Dahil dito, pagsikapan ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kagandahang-asal at sa kagandahang-asal, ang kaalaman. 6 Idagdag ninyo sa kaalaman ang pagpipigil, at sa pagpipigil ay ang pagtitiis, at sa pagtitiis ay ang pagkamaka-Diyos. 7 Idagdag ninyo sa pagkamaka-Diyos ay ang pag-ibig sa kapatid at sa pag-ibig sa kapatid ay ang pag-ibig. 8 Ito ay sapagkat kung taglay ninyo at nananagana sa inyo ang mga katangiang ito, hindi kayo magiging tamad o walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo. 9 Ngunit ang sinumang wala ng mga katangiang ito ay bulag, maiksi ang pananaw. Nakalimutan na niyang nalinis na siya sa mga dati niyang kasalanan.
10 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong lalo na maging tiyak ang pagkatawag at pagkahirang sa inyo sapagkat kung gagawin ninyo ito, kailanman ay hindi na kayo matitisod. 11 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay ibibigay sa inyo ang masaganang pagpasok sa walang hanggang paghahari ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang Kasulatan ay Sinabi na Noong Una Pa
12 Kaya nga, hindi ako magpapabaya sa pagpapaala-ala sa inyo ng mga bagay na ito bagamat alam na ninyo ang mga katotohanan at matatag na kayo sa katotohanan na inyo nang tinaglay.
13 Aking minabuti na pakilusin kayo upang maala-ala ninyo ito samantalang nabubuhay pa ako sa toldang ito na pansamantalang tirahan. 14 Yamang alam kong hindi na magtatagal at lilisanin ko na ang aking tirahan ayon sa ipinakita sa akin ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Sisikapin ko ang lahat upang sa aking pag-alis ay maala-ala pa ninyo ang mga bagay na ito.
16 Ito ay sapagkat hindi kami sumunod sa mga kathang-isip na maingat na ginawa nang ipakilala namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesucristo, kundi nasaksihan namin ang kaniyang kadakilaan. 17 Ito ay sapagkat nakita namin nang ipagkaloob sa kaniya ng Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito ay nangyari nang marinig niya ang gayong uri ng tinig na dumating sa kaniya mula sa napakadakilang kaluwalhatian: Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalugdan. 18 Narinig namin ang tinig na ito mula sa langit nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Taglay namin ang salita ng mga propeta na lubos na mapagkakatiwalaan. Makakabuting isaalang-alang ninyo ito. Ang katulad nito ay isang ilawan na nagliliwanag sa kadiliman hanggang sa mabanaag ang bukang-liwayway at ang tala sa umaga ay sumikat sa inyong mga puso. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong unang malaman na alinmang pahayag sa kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling paliwanag. 21 Ito ay sapagkat ang mga pahayag ay hindi dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao ngunit nagsalita ang mga banal na tao ng Diyos nang sila ay ginabayan ng Banal na Espiritu.
Magsisi o Mapahamak
13 Sa oras na iyon, naroroon ang ilan na nagsalaysay sa kaniya patungkol sa mga taga-Galilea. Ang dugo nila ay inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain.
2 Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Sa palagay ba ninyo ang mga taga-Galileang ito ang pinakamakasalanan sa lahat ng mga taga-Galilea dahil dinanas nila ang mga bagay na ito? 3 Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan. 4 May labingwalong tao ang nabagsakan ng tore sa Siloe at namatay? Sa palagay ba ninyo ay higit silang may pagkakautang sa Diyos kaysa lahat ng nanirahan sa Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan.
6 At sinabi ni Jesus ang talinghagang ito: May isang lalaking nagtanim ng igos sa kaniyang ubasan. Pumunta siya roon at naghanap ng bunga at wala siyang nakita. 7 Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan: Narito, tatlong taon na akong pumaparito na naghahanap ng bunga ng puno ng igos na ito at wala akong nakitang bunga. Putulin mo iyan. Bakit sinasayang niya ang lupa?
8 Sumagot ang tagapag-alaga at sinabi: Panginoon, pabayaan mo muna iyan diyan sa taong ito, hanggang mahukay ko ang paligid nito at lagyan ng pataba. 9 Maaring ito ay magbunga, ngunit kung hindi, saka mo na ito putulin.
Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Lumpo sa Araw ng Sabat
10 Si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat. 11 At narito, may isang babae roon na labingwalong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay hukot na at hindi na niya maiunat ng husto ang kaniyang sarili. 12 Pagkakita ni Jesus sa kaniya, tinawag siya nito. Sinabi niya sa kaniya: Babae, pinalaya ka na sa iyongkaramdaman. 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay kaagad na umunat. Niluwalhati niya ang Diyos.
14 Ang pinuno sa sinagoga ay lubhang nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat. Sinabi niya sa mga tao: May anim na araw na ang mga tao ay dapat gumawa. Sa mga araw ngang ito kayo pumaritoat magpagamot at hindi sa araw ng Sabat.
15 Sumagot nga ang Panginoon sa kaniya. Sinabi niya:Mapagpaimbabaw! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong toro o asno mula sa kulungan sa araw ng Sabat at pagkatapos nito ay pinapainom? 16 Ang babaeng ito ay ginapos ni Satanas ng labingwalong taon. Narito, bilang anak na babae ni Abraham, hindi ba dapat siyang palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?
17 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng kumakalaban sa kaniya ay napahiya. Nagalak ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga maluwalhating bagay na ginawa niya.
Ang Talinghaga Patungkol sa Binhi ng Mustasa at sa Pampaalsa
18 Pagkatapos, sinabi niya: Sa ano ko maitutulad ang paghahari ng Diyos? Saan ko ito ihahambing?
19 Ito ay tulad sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan. Ito ay tumubo at naging isang malaking punong-kahoy. Ang mga ibon sa himpapawid ay nagpugad sa mga sanga nito.
20 Sinabi niyang muli: Saan ko maihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.
Ang Makipot na Daan
22 Sa pagdaan ni Jesus sa mga lungsod at nayon, siya ay nagtuturo at patuloy na naglalakbay patungong Jerusalem.
23 May nagsabi sa kaniya: Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?
24 Sinabi niya sa kanila: Pagsikapan ninyong pumasok sa pamamagitan ng makipot na tarangkahan. Sinasabi ko ito sa inyo dahil marami ang maghahanap upang pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Sa oras na tumindig ang may-ari ng sambahayan at maisara na niya ang pinto kayo ay magsisimulang tumayo sa labas. Kakatok kayo sa pinto na nagsasabi: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.
Sasagot siya at magsasabi sa inyo: Hindi ko kayo kilala. Hindi koalam kung saan kayo nanggaling.
26 Sa oras na iyon ay magsasabi kayo: Kami ay kumain at uminom na kasama ka. Nagturo ka sa aming mga lansangan.
27 Sasabihin niya: Sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala. Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na mga manggagawa ng hindi matuwid.
28 Magkakaroon ng pananangis at pangangalit ng mga ngipin.Mangyayari ito kapag nakita ninyo si Abraham, si Isaac, si Jacob at lahat ng mga propeta na nasa paghahari ng Diyos ngunit kayo ay itataboy palabas. 29 Sila ay manggagaling mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at timog. Sila ay uupo sa paghahari ng Diyos. 30 Narito, may mga huli na mauuna at may mga una na mahuhuli.
Nagdalamhati si Jesus Dahil sa Jerusalem
31 Sa araw ding iyon, may ilang Fariseo ang pumunta sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya: Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.
32 Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo at sabihin sa tusong soro na iyon: Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ito. 33 Gayunman, kinakailangan kong magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw. Ito ay sapagkat hindi maaari sa isang propeta ang mamatay sa labas ng Jerusalem.
34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw ang pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Madalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng inahing manok na nagtitipon ng kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 35 Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyong wala nang nakatira. Katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mong: Papuri sa kaniya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International