M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Gawain ng mga Pari
24 Ito ang mga grupo ng mga angkan ni Aaron:
Ang mga anak na lalaki ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 2 Pero unang namatay sina Nadab at Abihu sa kanilang ama, at wala silang anak, kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang mga pari. 3 Sa tulong nina Zadok na mula sa angkan ni Eleazar, at Ahimelec na mula sa angkan ni Itamar, pinagbukod-bukod ni Haring David ang angkan ni Aaron ayon sa kanilang tungkulin. 4 Ang angkan ni Eleazar ay hinati sa 16 na grupo at ang angkan ni Itamar sa walong grupo, dahil mas marami ang mga pinuno sa pamilya ng angkan ni Eleazar. 5 Ang lahat ng gawain ay hinati sa mga grupo sa pamamagitan ng palabunutan, kaya may mga opisyal ng templo na naglilingkod sa Dios mula sa mga angkan ni Eleazar at mula sa mga angkan ni Itamar.
6 Si Shemaya na anak ni Netanel na Levita ang kalihim. Itinala niya ang pangalan ng mga pari sa harap ng hari at ng mga opisyal na sina Zadok na pari, Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari at ng mga Levita. Salitan sa pagbunot ang angkan nina Eleazar at Itamar.
7 Ang unang nabunot ay si Jehoyarib,
ang ikalawa ay si Jedaya,
8 ang ikatlo ay si Harim,
ang ikaapat ay si Seorim,
9 ang ikalima ay si Malkia,
ang ikaanim ay si Mijamin,
10 ang ikapito ay si Hakoz,
ang ikawalo ay si Abijah,
11 ang ikasiyam ay si Jeshua,
ang ikasampu ay si Shecania,
12 ang ika-11 ay si Eliashib,
ang ika-12 ay si Jakim,
13 ang ika-13 ay si Huppa,
ang ika-14 ay si Jeshebeab,
14 ang ika-15 ay si Bilga,
ang ika-16 ay si Imer,
15 ang ika-17 ay si Hezir,
ang ika-18 ay si Hapizez,
16 ang ika-19 ay si Petahia,
ang ika-20 ay si Jehezkel,
17 ang ika-21 ay si Jakin,
ang ika-22 ay si Gamul,
18 ang ika-23 ay si Delaya,
at ang ika-24 ay si Maazia.
19 Ginawa nila ang kanilang mga tungkulin sa templo ng Panginoon ayon sa tuntunin na ibinigay ng ninuno nilang si Aaron mula sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita
20 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng iba pang lahi ni Levi:
Mula sa angkan ni Amram: si Shubael.
Mula sa angkan ni Shubael: si Jedeya.
21 Mula sa angkan ni Rehabia: si Ishia, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya.
22 Mula sa angkan ni Izar: si Shelomot.
Mula sa angkan ni Shelomot: si Jahat.
23 Mula sa angkan ni Hebron: si Jeria ang pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo at si Jekameam ang ikaapat.
24 Mula sa angkan ni Uziel: si Micas.
Mula sa angkan ni Micas: si Shamir.
25 Mula sa angkan ni Ishia na kapatid na lalaki ni Micas: si Zacarias.
26 Mula sa angkan ni Merari: sina Mahli at Mushi.
Mula sa angkan ni Jaazia: si Beno.
27 Mula sa angkan ni Merari sa pamamagitan ni Jaazia: sina Beno, Shoham, Zacur at Ibri.
28 Mula sa angkan ni Mahli: si Eleazar, na walang mga anak na lalaki.
29 Mula sa angkan ni Kish: si Jerameel.
30 Mula sa angkan ni Mushi: sina Mahli, Eder at Jerimot.
Iyon ang mga Levita ayon sa kanilang mga pamilya. 31 Katulad ng ginawa ng mga angkan ni Aaron, nagpalabunutan din sila para malaman ang mga tungkulin nila, anuman ang kanilang edad. Ginawa nila ito sa harap nina Haring David, Zadok, Ahimelec at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari at mga Levita.
Ang mga Musikero
25 Pumili si David at ang mga kumander ng mga sundalo mula sa mga anak ni Asaf, Heman at Jedutun para ipahayag ang mensahe ng Dios na tinutugtugan ng mga alpa, lira at pompyang. Ito ang talaan ng mga pangalan nila at gawain:
2 Mula sa mga anak na lalaki ni Asaf: sina Zacur, Jose, Netania at Asarela. Naglingkod sila sa ilalim ng pamamahala ng kanilang ama. Si Asaf ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios kung ipinag-uutos ito ng hari.
3 Mula sa mga anak na lalaki ni Jedutun: sina Gedalia, Zeri, Jeshaya, Shimei,[a] Hashabia at Matitia – anim silang lahat. Naglingkod din sila sa ilalim ng pamamahala ng ama nilang si Jedutun, na nagpahayag ng mensahe ng Dios na tinutugtugan ng alpa, na may pasasalamat at papuri sa Panginoon.
4 Mula sa mga anak na lalaki ni Heman: sina Bukia, Matania, Uziel, Shebuel,[b] Jerimot, Hanania, Hanani, Eliata, Giddalti, Romamti Ezer, Joshbekasha, Malloti, Hotir at Mahaziot. 5 Silang lahat ang anak ni Heman na propeta ng hari. Pinarangalan siya ng Dios sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng 14 na anak na lalaki at tatlong anak na babae, ayon sa ipinangako ng Dios sa kanya.
6 Ang lahat ng lalaking ito ay pinamahalaan ng kanilang ama sa pagtugtog nila ng mga pompyang, lira at alpa bilang paglilingkod sa bahay ng Dios. Sina Asaf, Jedutun at Heman ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. 7 Sila at ang mga kamag-anak nila, na 288 lahat ay mahuhusay na musikero para sa Panginoon. 8 Nagpalabunutan sila para malaman ang kanya-kanyang tungkulin, bata man o matanda, guro man o mag-aaral.
9 Ang unang nabunot sa pamilya ni Asaf ay si Jose at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak[c] – 12 sila.
Ang ikalawa ay si Gedalia at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
10 Ang ikatlo ay si Zacur at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
11 Ang ikaapat ay si Izri[d] at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
12 Ang ikalima ay si Netania at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
13 Ang ikaanim ay si Bukia at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
14 Ang ikapito ay si Jesarela[e] at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
15 Ang ikawalo ay si Jeshaya at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
16 Ang ikasiyam ay si Matania at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
17 Ang ikasampu ay si Shimei at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
18 Ang ika-11 ay si Azarel[f] at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
19 Ang ika-12 ay si Hashabia at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
20 Ang ika-13 ay si Shebuel[g] at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
21 Ang ika-14 ay si Matitia at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
22 Ang ika-15 ay si Jerimot[h] at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
23 Ang ika-16 ay si Hanania at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
24 Ang ika-17 ay si Joshbekasha at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
25 Ang ika-18 ay si Hanani at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
26 Ang ika-19 ay si Malloti at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
27 Ang ika-20 ay si Eliata at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
28 Ang ika-21 ay si Hotir at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
29 Ang ika-22 ay si Gedalti at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
30 Ang ika-23 ay si Mahaziot at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
31 Ang ika-24 ay si Romamti Ezer at ang mga anak niyang lalaki at mga kamag-anak – 12 sila.
Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan
5 Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. 2 Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. 3 Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. 4 At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.
5 At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] 6 Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. 7 Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. 8 Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. 9 Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.
Mga Pangangamusta
12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.
13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]
Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.
Sinaway ni Micas ang mga Pinuno at mga Propeta
3 Sinabi ni Micas:[a] Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda![b] Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan? 2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain. 4 Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
5 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: 6 “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. 7 Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”
8 Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[c] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.
Babala Laban sa mga Pakitang-tao(A)
12 Libu-libong tao ang dumagsa kay Jesus, kaya nagkakasiksikan na sila. Binalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo at baka mahawa kayo sa ugali[a] ng mga Pariseo na pakitang-tao. 2 Walang natatago na hindi malalantad, at walang nalilihim na hindi mabubunyag. 3 Kaya anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng kwarto ay malalaman ng lahat.”
Ang Dapat Katakutan(B)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang kaya lang nilang patayin ay ang katawan ninyo, at pagkatapos ay wala na silang magagawa pa. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo ang Dios, dahil pagkatapos niyang patayin ang katawan nʼyo ay may kapangyarihan pa siyang itapon kayo sa impyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang dapat ninyong katakutan. 6 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios. 7 Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”
Ang Pagkilala kay Cristo(C)
8 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios. 9 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.
11 “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo. 12 Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Mayamang Hangal
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” 14 Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” 16 At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. 17 Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. 18 Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. 19 At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ 20 Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”
Manalig sa Dios(D)
22 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. 23 Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”
Kayamanan sa Langit(E)
32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[b] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(F)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[c] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[d] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(G)
49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[e] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.
51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”
Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(H)
54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?
Makipagkasundo sa Kaaway(I)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[f] mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®