Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 23

Ang Gawain ng mga Levita

23 Nang matandang-matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon. Ipinatipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at mga Levita. Binilang ang mga Levita na nasa edad 30 pataas, at ang bilang nilaʼy 38,000. Sinabi ni David, “Ang 24,000 sa kanila ay mamamahala ng mga gawain sa templo ng Panginoon, ang 6,000 ay maglilingkod bilang mga opisyal at mga hukom, ang 4,000 ay maglilingkod bilang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang 4,000 ay magpupuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga instrumentong ipinagawa ko para sa gawaing ito.” Hinati ni David sa tatlong grupo ang mga Levita, ayon sa mga pamilya ng mga anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.

Ang mga Angkan ni Gershon

Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan[a] at Shimei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya,[b] si Zetam at si Joel. Sila ang mga pinuno ng mga pamilya ni Ladan.

Si Shimei ay may tatlo ring anak na lalaki na sina Shelomot, Haziel at Haran. 10-11 Nagkaroon pa ng apat na anak na lalaki si Shimei: ang pinakapinuno ng kanilang pamilya ay si Jahat, ang pangalawa ay si Zina,[c] at sumunod sina Jeush at Beria. Kakaunti lang ang mga anak ni Jeush at Beria, kaya binilang sila na isang pamilya lang.

Ang mga Angkan ni Kohat

12 Si Kohat ay may apat na anak na lalaki na sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Ang mga anak na lalaki ni Amram ay sina Aaron at Moises. Ibinukod si Aaron at ang kanyang mga angkan para sa pagtatalaga ng mga pinakabanal na bagay, sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon, sa paglilingkod sa kanya at sa pagbabasbas sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon. Ito ang magiging tungkulin nila magpakailanman. 14 Ang mga anak na lalaki ni Moises na lingkod ng Dios ay kabilang sa mga Levita. 15 Ang mga anak niyang lalaki ay sina Gershom at Eliezer. 16 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Gershom ay si Shebuel na pinakapinuno ng kanilang pamilya. 17 Si Eliezer ay may kaisa-isang anak na lalaki, si Rehabia na pinakapinuno rin ng kanilang pamilya. Marami ang mga angkan ni Rehabia.

18 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Izar ay si Shelomit na pinakapinuno ng kanilang pamilya.

19 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Jeria na pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jekameam ang ikaapat.

20 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Micas na pinakapinuno ng kanilang pamilya, at Ishia ang pangalawa.

Ang mga Angkan ni Merari

21 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga anak na lalaki ni Mahli ay sina Eleazar at Kish. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki kundi puro babae. Silaʼy napangasawa ng kanilang mga pinsan na mga anak ni Kish.

23 Si Mushi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.

24 Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad na 20 pataas para makapaglingkod sa templo ng Panginoon. 25-26 Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”

27 Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad 20 pataas ay itinala para maglingkod. 28 Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa templo ng Dios. 29 Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat ng handog. 30 Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi sa templo para magpasalamat at magpuri sa Panginoon. 31 Tutulong din sila sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga, tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista. May mga sinusunod silang tuntunin kung ilang mga Levita ang gagawa ng gawaing ito at kung paano nila ito gagawin.

32 Kaya ginawa ng mga Levita ang tungkulin nilang alagaan ang Toldang Tipanan at ang Banal na Lugar, at sa pagtulong sa mga kamag-anak nilang pari na mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon.

1 Pedro 4

Ang Bagong Buhay

Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.

Gamitin Ninyo ang Kaloob na Ibinigay ng Dios

Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan. Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa puso. 10 Binigyan ng Dios ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios. 11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis Bilang Cristiano

12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. 13 Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat. 14 Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Dios. 15 Kung pinarusahan man kayo, sanaʼy hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kayaʼy nakialam sa ginagawa ng iba. 16 Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Cristiano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Dios dahil tinatawag kayo sa pangalang ito. 17 Dumating na ang panahong magsisimula na ang Dios sa paghatol sa mga anak niya. At kung itoʼy magsisimula sa atin na mga anak niya, ano kaya ang sasapitin ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Dios? 18 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Kung ang mga matuwid ay halos hindi maligtas, ano pa kaya ang mangyayari sa mga makasalanan at hindi kumikilala sa Dios?”[a]

19 Kaya kayong nagtitiis ngayon, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo, ay magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ipagkatiwala ninyo ang sarili nʼyo sa Dios na lumikha sa inyo, dahil hinding-hindi niya kayo pababayaan.

Micas 2

Parurusahan ng Panginoon ang Gumigipit sa mga Dukha

Nakakaawa kayong nagpupuyat sa pagpaplano ng masama. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong planong masama dahil may kakayahan kayong gawin iyon. Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao para makuha ninyo ang kanilang bahay o lupaing minana. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na kasabihan: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng Panginoon ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ”

Kaya wala na kayong angkan na magmamana ng inyong bahagi sa oras na hatiin ng sambayanan ng Panginoon ang lupain na ibabalik sa kanila. Ngayon, pinapangaralan pa ninyo kami. Sinasabi ninyo, “Huwag na ninyo kaming pangaralan tungkol sa kapahamakang iyon, dahil hinding-hindi kami mapapahiya. Bakit, isinusumpa na ba ng Panginoon ang lahi ni Jacob? Ubos na ba ang kanyang pasensya? Gawain ba niya ang pumuksa?”

Ito ang sagot ng Panginoon, “Kung ginagawa lang sana ninyo ang mabuti, matatanggap ninyo ang aking mga pangako. Pero nilulusob ninyo ang aking mahihirap na mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, pero iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapala na ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. 10 Kaya ngayon, umalis na kayo rito sa Israel dahil ang lugar na ito ay hindi na makapagbibigay sa inyo ng kapahingahan, sapagkat dinungisan ninyo ito ng inyong mga kasalanan. Masisira ang lugar na ito at hindi na mapapakinabangan.[a] 11 Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”

Ang Ipinangakong Kalayaan sa mga Taga-Israel at Taga-Juda

12 Sinabi ng Panginoon, “Kayong natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda,[b] titipunin ko kayo gaya ng mga tupa sa kulungan o kawan ng mga hayop sa pastulan. Mapupuno ng mga tao ang inyong lupain. 13 Bubuksan ko ang pinto ng lungsod na bumihag sa inyo, at pangungunahan ko kayo sa inyong paglabas. Ako, ang Panginoon na inyong hari, ang mangunguna sa inyo.”

Lucas 11

Ang Turo Tungkol sa Panalangin(A)

11 Minsan ay nananalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo:

    ‘Ama, sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
    Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari.
Bigyan nʼyo po kami ng makakain sa araw-araw.
At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
    dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
    At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ”

Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay, dahil dumating ang isang kaibigan ko na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’ Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Dios, at bibigyan niya kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang inyong hinahanap, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. 10 Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Kayong mga magulang,[b] kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo? 12 At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”

Si Jesus at si Satanas(B)

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao. 15 Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas[c] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 16 Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[d] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 17 Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 18 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.[e] 19 Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo. 20 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

21 “Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya. 22 Pero kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.

23 “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(C)

24 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar para maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. 25 Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat, 26 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”

Ang Tunay na Mapalad

27 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!” 28 Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”

Humingi ng Himala ang mga Tao(D)

29 Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ako na Anak ng Tao sa henerasyong ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[f] ang Reyna ng Timog[g] at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya. 32 Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.”

Ang Ilaw ng Katawan(E)

33 “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 34 Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, maliliwanagan ang buo mong katawan. Pero kung malabo ang mata mo, madidiliman ang buo mong katawan. 35 Kaya tiyakin mong naliwanagan ka, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan(F)

37 Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain. 38 Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio. 39 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob? 41 Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.

42 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu[h] ng mga pampalasa[i] at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.

43 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar. 44 Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”

45 Sinagot si Jesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.” 46 Sumagot si Jesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong mahihirap na kautusan, pero kayo mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 47 Nakakaawa kayo! Pinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila. 49 Kaya ito ang sinabi ng Dios ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’ 50 Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Dios mula nang likhain ang mundo – 51 mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar[j] at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.

52 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”

53 Umalis si Jesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay, 54 upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®