M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan
15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[a] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. 2 Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” 3 Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. 4 Ipinatawag din niya ang mga pari[b] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:
5 Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.
6 Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.
7 Mula sa mga angkan ni Gershon,[c] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.
8 Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.
9 Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.
10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.
11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[d] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”
14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.
Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)
25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[e] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.
29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.
Babala Laban sa mga May Pinapaboran
2 Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Jesu-Cristo, dapat wala kayong pinapaboran. 2 Halimbawa, dumating sa inyong pagtitipon ang isang mayaman na may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit naman ang damit. 3 Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at bibigyan ng upuan, samantalang ang mahirap ay patatayuin na lang ninyo o pauupuin sa sahig, 4 hindi baʼt may pinapaboran kayo ayon sa masama ninyong pag-iisip?[a]
5 Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagpaparatang sa inyo? 7 Hindi baʼt sila ang nanlalait sa marangal na pangalan ni Jesu-Cristo, at sa pangalang ito kayo nakilala?
8 Pero kung sinusunod nʼyo ang utos ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,”[b] mabuti ang ginagawa ninyo. 9 Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag nʼyo ang utos na ito. 10 Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan. 11 Sapagkat ang Dios na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.”[c] Hindi ka nga nangangalunya, pero pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa nʼyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ng Dios ang hindi marunong maawa; pero ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol.
Ang Pananampalataya at Mabuting Gawa
14 Mga kapatid, ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya? 15 Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid, 16 at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Dios at hindi ka sana ginawin at magutom,” pero hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti? 17 Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan.[d]
18 Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabuti kong gawa. 19 Naniniwala ka na may iisang Dios? Mabuti iyan! Pero kahit ang masasamang espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot. 20 Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa? 21 Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Dios ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay[e] ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Dios.”[f] 24 Dito nʼyo makikita na itinuturing na matuwid ng Dios ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25 Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan para makatakas sila.
26 Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang mabuting gawa.
Walang Makakatakas sa Parusa ng Dios
9 Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya, “Hampasin mo ang itaas na bahagi ng mga haligi ng templo upang mawasak ang bubong[a] at nang mabagsakan ang mga tao. Ang matitirang buhay ay mamamatay sa digmaan. Wala ni isa mang makakatakas o makakaligtas. 2 Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa, sa lugar ng mga patay, kukunin ko pa rin sila. Kahit na umakyat pa sila sa langit, hihilahin ko pa rin sila pababa. 3 Kahit na magtago pa sila sa tuktok ng Bundok ng Carmel, hahanapin ko sila roon at huhulihin. Magtago man sila sa kailaliman ng dagat, uutusan ko ang ahas na tuklawin sila. 4 Kahit na bihagin sila ng kanilang mga kaaway, ipapapatay ko pa rin sila. Dahil desidido na akong lipulin sila at huwag nang tulungan.”
5 Kapag hinipo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang lupa, mayayanig ito at mag-iiyakan ang lahat ng naninirahan dito. Ang pagyanig nito ay parang pagtaas at pagbaba ng tubig sa Ilog ng Nilo sa Egipto.
6 Ang Dios ang gumawa ng kanyang sariling tirahan sa langit.
At siya ang gumawa ng kalawakan sa itaas ng lupa.
Siya rin ang nag-iipon ng tubig-dagat sa mga alapaap at pinauulan ito sa lupa.
Ang pangalan niyaʼy Panginoon.
7 Sinabi ng Panginoon, “Ang turing ko sa inyo na mga taga-Israel ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.[b] Totoong inilabas ko kayo sa Egipto, pero inilabas ko rin ang mga Filisteo sa Caftor[c] at ang mga Arameo[d] sa Kir. 8 Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9 Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10 hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.
Muling Itatayo ang Israel
11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”
13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[e] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[f] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. 2 Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. 3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” 4 Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ”[a]
5 Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. 6 At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. 7 Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” 8 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ”[b]
9 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. 11 Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ”[c] 12 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[d]
13 Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(B)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(C)
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[e]
20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” 22 Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. 25 Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, 26 pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. 27 Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat,[f] ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” 28 Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. 29 Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. 30 Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)
31 Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad. 33 Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.” 35 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At sa harapan ng lahat, itinumba ng masamang espiritu ang lalaki at saka iniwan nang hindi man lang sinaktan. 36 Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, “Anong uri ang ipinangangaral niyang ito? May kapangyarihan at kakayahan siyang magpalayas ng masasamang espiritu, at sumusunod sila!” 37 Kaya kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus(E)
38 Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. 39 Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.
40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. 41 Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.
42 Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila. 43 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Kailangang ipangaral ko rin ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios sa iba pang mga bayan, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” 44 Kaya nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga sambahan ng mga Judio sa Judea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®