M’Cheyne Bible Reading Plan
1 Akong si Santiago ay isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo. Binabati ko ang labindalawang lipi ni Israel na nakakalat sa iba’t ibang bansa.
Mga Pagsubok at mga Tukso
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang uri ng pagsubok.
3 Nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ngunit hayaan ninyong ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang ganap na gawa upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay maging ganap at lubos na walang anumang kakulangan. 5 Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat at hindi nagagalit. 6 Ngunit kapag siya ay humingi, humingi siyang may pananampalataya at walang pag-aalinlangan sapagkat ang taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7 Ang taong nag-aalinlangan ay hindi dapat mag-isip na siyaay tatanggap ng anuman mula sa Panginoon. 8 Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa lahat ng kaniyang mga lakad.
9 Magmapuri ang kapatid na may mababang kalagayan dahil sa kaniyang pagkakataas. 10 Magmapuri din naman ang mayaman dahil sa kaniyang pagkakababa sapagkat tulad ng bulaklak ng damo, siya ay lilipas. 11 Ito ay sapagkat ang araw ay sumisikat na may matinding init at tinutuyo ang damo. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at sinisira ng araw ang kaakit-akit na anyo nito. Gayundin naman ang mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad.
12 Pinagpala ang taong nagtitiis ng pagsubok dahil kapag siya ay nasubok na, tatanggap siya ng putong ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa kanila na umiibig sa kaniya.
13 Huwag sabihin ng sinumang tinutukso: Ako ay tinutukso ng Diyos. Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi maaaringmatukso ng mga kasamaan at hindi niya tinutukso ang sinuman. 14 Ang bawat tao ay natutukso kapag siya ay nahihila ng kaniyang masidhing pita at siya ay nasisilo nito. 15 Kapag ang masidhing pita ay naglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan. Kung ang kasalanan ay naganap, ito ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong padaya kaninuman. 17 Ang bawat mabuting pagbibigay at bawat ganap na kaloob ay mula sa itaas at nagbubuhat sa Ama ng mga liwanag na walang pagbabago, ni anino man ng pagtalikod. 18 Sa kaniyang sariling kalooban ay ipinanganak niya tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan upang maging isang uri tayo ng mga unang-bunga ng kaniyang mga nilikha.
Pakikinig at Pagsasagawa
19 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, ang bawat tao ay dapat maging maagap sa pakikinig at maging mahinahon sa pagsasalita at hindi madaling mapoot.
20 Ito ay sapagkat ang poot ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya nga, hubarin ninyo ang lahat ng karumihan at ang pag-uumapaw ng kasamaan. Tanggapin ninyo nang may kababaan ng loob ang salitang ihinugpong sa inyo na makakapagligtas sa inyong mga kaluluwa.
22 Maging tagatupad kayo ng salita at huwag maging tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili. 23 Ang sinumang tagapakinig ng salita ngunit hindi tagatupad nito ay natutulad sa isang taong minamasdan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Pagkatapos niyang masdan ang kaniyang sarili, siya ay lumisan at kinalimutan niya kaagad kung ano ang uri ng kaniyang pagkatao. 25 Ngunit ang sinumang tumitingin sa ganap na kautusan ng kalayaan at nananatili rito ay tagapakinig na hindi nakakalimot sa halip siya ay tagatupad ng salita. Ang taong ito ay pagpapalain sa kaniyang ginagawa.
26 Kung ang sinuman sa inyo ay waring relihiyoso at hindi niya pinipigil ang kaniyang dila, subalit dinadaya niya ang kaniyang puso, ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at walang dungis na relihiyon sa harapan ng Diyos Ama ay ang pagdalaw sa mga ulila at sa mga babaeng balo sa kanilang paghihirap. Ito ay upang maingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng sanlibutan.
Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo
3 Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka[a] sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia.
2 Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. 3 Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. 4 Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:
May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
5 Tatambakan ang bawat bangin at papatagin ang bawat bundok at burol. Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga baku-bako ay papantayin. 6 Makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.
7 Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? 8 Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. 9 Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
10 Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.
12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?
13 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.
14 Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?
Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.
15 Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16 Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig.Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18 Marami pang mga bagayang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.
19 Ngunit pinagwikaan ni Juan si Herodes na tetrarka patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe. Pinagwikaan din niya si Herodes patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa niya. 20 Ang kasamaang ito ay nadagdagan pa nang si Juan ay kaniyang ipabilanggo.
Binawtismuhan ni Juan si Jesus
21 Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan.
22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo.
Ang Talaan ng Angkan ni Jesus
23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang na. Siya ay ipinalagay na anak ni Jose, na anak ni Eli.
24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki. Si Melki ay anak ni Janna, na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nage. 26 Si Nage ay anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei. Si Semei ay anak ni Jose, na anak ni Juda. 27 Si Juda ay anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam. Si Cosam ay anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam, na anak ni Eliakim. 31 Si Eliakim ay anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon, na anak ni Naason. 33 Si Naason ay anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom. Si Esrom ay anak ni Fares, na anak ni Juda. 34 Si Juda ay anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nacor. 35 Si Nacor ay anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg. Si Peleg ay anak ni Heber, na anak ni Selah. 36 Si Selah ay anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared. Si Jared ay anak ni Mahalalel, naanak ni Cainan. 38 Si Cainan ay anak ni Enos, na anak ni Set, na anak niAdan. Si Adan ay anak ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International