M’Cheyne Bible Reading Plan
Naging Hari si David sa Israel(A)
11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. 2 Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” 3 Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
4 Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon 5 ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[a] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.
6 Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.
7 Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. 8 Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. 9 Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.
Ang Matatapang na Tauhan ni David(B)
10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[b] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[c] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.
15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.
20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[d] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[e] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.
22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[f] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
26 Ito ang matatapang na kawal:
si Asahel na kapatid ni Joab,
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,
27 si Shamot na taga-Haror,[g]
si Helez na taga-Pelon,
28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,
si Abiezer na taga-Anatot,
29 si Sibecai na taga-Husha,
si Ilai[h] na taga-Ahoa,
30 si Maharai na taga-Netofa,
si Heled[i] na anak ni Baana na taga-Netofa,
31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,
si Benaya na taga-Piraton,
32 si Hurai[j] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,
si Abiel[k] na taga-Arba,
33 si Azmavet na taga-Baharum,[l]
si Eliaba na taga-Shaalbon,
34 ang mga anak ni Hashem[m] na taga-Gizon,
si Jonatan na anak ni Shagee[n] na taga-Harar,
35 si Ahiam na anak ni Sacar[o] na taga-Harar,
si Elifal na anak ni Ur,
36 si Hefer na taga-Mekerat,
si Ahia na taga-Pelon,
37 si Hezro na taga-Carmel,
si Naarai[p] na anak ni Ezbai,
38 si Joel na kapatid ni Natan,
si Mibhar na anak ni Hagri,
39 si Zelek na taga-Ammon,
si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,
40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[q]
41 si Uria na Heteo,
si Zabad na anak ni Alai,
42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,
43 si Hanan na anak ni Maaca,
si Joshafat na taga-Mitna,
44 si Uzia na taga-Ashterot,
sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,
45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,
46 si Eliel, na taga-Mahav,
sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,
si Itma na taga-Moab,
47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.
Ang mga Tao na Sumama kay David at ang Kanyang mga Sundalo
12 Ito ang mga tao na pumunta kay David doon sa Ziklag nang siyaʼy nagtatago kay Saul na anak ni Kish. Kasama sila sa mga tumulong kay David sa labanan. 2 Armado sila ng mga pana at mahuhusay silang pumana at manirador, kanan o kaliwang kamay man. Mga kamag-anak sila ni Saul mula sa lahi ni Benjamin. 3 Pinamumunuan sila nina Ahiezer at Joash na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea. Ito ang mga pangalan nila:
sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet,
sina Beraca at Jehu na mga taga-Anatot,
4 si Ishmaya na taga-Gibeon, na isa sa mga tanyag na sundalo at isa rin sa matatapang na pinuno ng 30 matatapang na tao,
sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad na taga-Gedera,
5 sina Eluzai, Jerimot, Bealia, Shemaria, at Shefatia na taga-Haruf,
6 sina Elkana, Ishia, Azarel, Joezer, at Jashobeam na mga angkan ni Kora,
7 sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
8 May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:
9 si Ezer ang pinuno nila,
si Obadias ang pangalawa,
si Eliab ang pangatlo,
10 si Mishmana ang pang-apat,
si Jeremias ang panglima,
11 si Atai ang pang-anim,
si Eliel ang pampito,
12 si Johanan ang pangwalo,
si Elzabad ang pangsiyam,
13 si Jeremias ang pangsampu,
at si Macbanai ang pang-11.
14 Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo. 15 Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.
16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya. 17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”
18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,
“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”
Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.
19 May mga tao rin na mula sa lahi ni Manase ang sumama kay David nang pumunta siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul. Pero hindi pumayag ang mga Filisteo na sumama si David at ang mga tauhan niya, dahil iniisip nila na baka muling pumanig si David sa amo niyang si Saul. Kaya pagkatapos nilang mag-usap, pinabalik nila si David sa Ziklag.
20 Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase. 21 Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David. 22 Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.[r]
23-24 Ito ang bilang ng mga armadong sundalo na pumunta kay David sa Hebron upang tumulong sa kanya na maagaw ang kaharian ni Saul, ayon sa ipinangako ng Panginoon:
Mula sa lahi ni Juda: 6,800 sundalo na may mga dalang sibat at pana.
25 Mula sa lahi ni Simeon: 7,100 mahuhusay na sundalo.
26 Mula sa lahi ni Levi: 4,600 sundalo, 27 kabilang na si Jehoyada na pinuno ng pamilya ni Aaron at ang kanyang 3,700 tauhan, 28 at si Zadok na isang matapang at kabataang mandirigma at ang 22 opisyal mula sa kanyang pamilya.
29 Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.
30 Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.
31 Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.
32 Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.
33 Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.
34 Mula sa lahi ni Naftali: 1,000 opisyal at 37,000 sundalo na may dalang mga pananggalang at sibat.
35 Mula sa lahi ni Dan: 28,600 sundalo na handa sa labanan.
36 Mula sa lahi ni Asher: 40,000 mahuhusay na sundalo na handa sa labanan.
37 At mula sa lahi sa silangan ng Ilog ng Jordan, ang lahi ni Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.
38 Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David. 39 Nanatili sila roon ng tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain. 40 Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Naftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola[s] at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, katas ng ubas at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.
Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios
13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. 3 Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4 Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.
5 Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[a] 6 Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[b]
7 Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. 8 Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong padadala sa kung anu-anong mga aral na iba sa natutunan ninyo. Mas mabuting patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Dios kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.
10 Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila. 11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. 12 Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang. 15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.
17 Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espiritwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Dios sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo.
18 Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay. 19 At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon. 20 Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan. 21 Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
Huling Bilin
22 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito. 23 Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga pinabanal[c] ng Dios. Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italia.
25 Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Balang, Apoy at Hulog
7 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita kong nagtipon siya ng napakaraming balang. Nangyari ito matapos maibigay sa hari ang kanyang parte mula sa unang ani sa bukid. At nang magsisimula na ang pangalawang ani,[a] 2 nakita kong kinain ng mga balang ang lahat ng tanim at walang natira. Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako na patawarin nʼyo na ang mga lahi ni Jacob. Paano sila mabubuhay kung parurusahan nʼyo sila? Mahina po sila at walang kakayahan.” 3 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at kanyang sinabi, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
4 May ipinakita pa ang Panginoong Dios sa akin: Nakita kong naghahanda siya upang parusahan ang kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng apoy. Pinatuyo ng apoy ang pinanggagalingan ng tubig sa ilalim ng lupa, at sinunog ang lahat ng nandoon sa lupain ng Israel. 5 Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako sa inyo na huwag nʼyong gawin iyan. Paano mabubuhay ang mga lahi ni Jacob kung gagawin nʼyo po iyan? Mahina po sila at walang kakayahan.” 6 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at sinabi niya, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
7 Ito pa ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na hulog[b] na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader. 8 Tinanong ako ng Panginoon, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Hulog po.” Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan. 9 Gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar[c] na sinasambahan ng mga Israelita na lahi ni Isaac. At ipapasalakay ko sa mga kaaway ng Israel ang kaharian ni Haring Jeroboam.”
Si Amos at si Amazia
10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[d] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan. 16-17 Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Dios sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo: ‘Ang iyong asawa ay magiging babaeng bayaran sa lungsod at ang iyong mga anak ay mamamatay sa digmaan. Ang iyong lupain ay paghahati-hatian ng iyong mga kaaway, at mamamatay ka sa ibang bansa. At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
Ang Kapanganakan ni Jesus(A)
2 Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. 2 (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) 3 Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.
4 Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. 5 Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. 6 At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.
Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol
8 Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. 9 Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, 10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo[a] na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” 16 Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.
Pinangalanang Jesus ang Sanggol
21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.
Inihandog si Jesus sa Templo
22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[b] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[c]
25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[d] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.
39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[e] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®