M’Cheyne Bible Reading Plan
9 Nailista ang lahat ng Israelita sa talaan ng mga lahi sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Ang mga mamamayan ng Juda ay binihag sa Babilonia dahil hindi sila naging tapat sa Panginoon. 2 Ang unang nakabalik sa kanilang mga bayan sa sariling lupain ay ang mga ordinaryong Israelita, mga pari, mga Levita, at mga utusan sa templo.[a]
3 Ito ang mga lahi nina Juda, Benjamin, Efraim at Manase na nakabalik at tumira sa Jerusalem:
4 Si Utai na anak ni Amihud (si Amihud ay anak ni Omri; si Omri ay anak ni Imri; si Imri ay anak ni Bani na mula sa angkan ni Perez na anak ni Juda).
5 Sa mga Shilonita: si Asaya (ang panganay) at ang mga anak niya.
6 Sa mga Zerahita: ang pamilya ni Jeuel.
Silang lahat ay 690 mula sa lahi ni Juda.
7 Sa lahi ni Benjamin: si Salu na anak ni Meshulam (si Meshulam ay anak ni Hodavia; si Hodavia ay anak ni Hasenua), 8 si Ibneya na anak ni Jeroham, si Elah na anak ni Uzi (si Uzi ay anak ni Micri), at si Meshulam na anak ni Shefatia (si Shefatia ay anak ni Reuel; si Reuel ay anak ni Ibnia).
9 Silang lahat ang pinuno ng kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Benjamin, ang lahat ng nakabalik na lalaki ay 956 ayon sa talaan ng kanilang mga lahi.
10 Sa mga pari: si Jedaya, si Jehoyarib, si Jakin, 11 si Azaria na pinakamataas na opisyal sa templo ng Dios (anak siya ni Hilkia; si Hilkia ay anak ni Meshulam; si Meshulam ay anak ni Zadok; si Zadok ay anak ni Merayot; si Merayot ay anak ni Ahitub), 12 si Adaya na anak ni Jeroham (si Jeroham ay anak ni Pashur; si Pashur ay anak ni Malkia), at si Maasai na anak ni Adiel (si Adiel ay anak ni Jazera; si Jezera ay anak ni Meshulam; si Meshulam ay anak ni Meshilemit; si Meshilemit ay anak ni Imer).
13 Ang mga pari na nakabalik ay 1,760 lahat. Mahuhusay silang pinuno ng kanilang mga pamilya. Sila ang mga pinagkatiwalaan sa paglilingkod sa templo ng Dios.
14 Sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub (si Hashub ay anak ni Azrikam; si Azrikam ay anak ni Hashabia na mula sa angkan ni Merari), 15 si Bakbakar, si Heres, si Galal, si Matania na anak ni Mica (si Mica ay anak ni Zicri; si Zicri ay anak ni Asaf), 16 si Obadias na anak ni Shemaya (si Shemaya ay anak ni Galal; si Galal ay anak ni Jedutun), at si Berekia na anak ni Asa at apo ni Elkana, na tumira sa baryo ng mga Netofatno.
17 Ang mga guwardya ng pintuan: sina Shalum, Akub, Talmon, Ahiman, at ang kanilang mga kamag-anak.
Si Shalum ang pinuno nila.
18 Hanggang ngayon, sila pa rin ang guwardya ng Pintuan ng Hari sa bandang silangan ng lungsod. Sila noon ang mga guwardya ng pintuang papasok sa kampo ng mga Levita.
19 Si Shalum ay anak ni Kore at apo ni Ebiasaf,[b] na mula sa pamilya ni Kora. Si Shalum at ang kanyang mga kamag-anak na mula sa angkan ni Kora ang pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng Tolda katulad ng kanilang mga ninuno na pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng bahay[c] ng Panginoon.
20 Si Finehas na anak ni Eleazar ang namamahala noon sa mga guwardya ng pintuan, at sinamahan siya ng Panginoon.
21 Si Zacarias na anak ni Meshelemia ay guwardya rin ng pintuan ng Toldang Tipanan.
22 Ang mga guwardya ng pintuan ay 212 lahat, at itinala sila ayon sa talaan ng mga angkan nila sa kanilang bayan. Ang nagbigay ng tungkulin sa kanilang mga ninuno bilang mga guwardya ng pintuan (dahil maaasahan sila) ay sina David at Propeta Samuel. 23 Sila at ang kanilang mga angkan ang pinagkakatiwalaang magbantay sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon – na tinatawag ding Tolda. 24 Nagbabantay sila sa apat na sulok: sa silangan, kanluran, hilaga at timog. 25 Kung minsan ang mga kamag-anak nilang nakatira sa mga bayan ang pumapalit sa kanila na magbantay sa loob ng pitong araw. 26 Pero ang apat na pinuno ng mga guwardya ng pintuan, na mula sa mga Levita, ang siyang responsable sa mga kwarto at mga bodega ng templo. 27 Nagpupuyat sila sa pagbabantay sa paligid ng templo dahil kailangan nila itong bantayan at sila ang tagabukas ng pinto tuwing umaga.
28 Ang iba sa kanilaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng mga gamit sa pagsamba. Binibilang nila ito bago at pagkatapos gamitin. 29 Ang ibaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng iba pang mga gamit sa templo gaya ng harina, katas ng ubas, langis, insenso at mga pampalasa. 30 Ngunit katungkulan ng mga pari ang pagtitimpla ng mga pampalasa. 31 Si Matitia na Levita, at panganay na anak ni Shalum na mula sa angkan ni Kora, ang pinagkatiwalaan sa pagluluto ng tinapay para ihandog. 32 Ang ibang angkan ni Kohat ang pinagkatiwalaan sa paghahanda at paglalagay ng mga tinapay sa mesa tuwing Araw ng Pamamahinga. 33 Ang mga musikero sa templo na mga pinuno rin ng mga pamilyang Levita ay doon na rin tumira sa mga silid sa templo. At wala na silang iba pang gawain, dahil ginagawa nila ito araw at gabi. 34 Silang lahat ang pinuno ng mga pamilyang Levita, nailista sila sa talaan ng kanilang lahi. Tumira sila sa Jerusalem.
Ang Angkan ni Saul(A)
35 Si Jeyel na ama ni Gibeon ay tumira sa Gibeon. Ang pangalan ng asawa niya ay Maaca. 36 Ang mga anak niyang lalaki mula sa panganay hanggang sa pinakabata ay sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab, 37 Gedor, Ahio, Zacarias at Miklot 38 (na ama ni Shimeam). Tumira sila malapit sa mga kamag-anak nila sa Jerusalem. 39 Si Ner ang ama ni Kish, si Kish ang ama ni Saul, at si Saul ang ama nina Jonatan, Malki Shua, Abinadab at Eshbaal. 40 Ang anak ni Jonatan ay si Merib Baal[d] na ama ni Micas. 41 Ang mga anak na lalaki ni Micas ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz.[e] 42 Si Ahaz ang ama ni Jada,[f] at si Jada ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 43 at si Moza ang ama ni Binea. Ang anak ni Binea ay si Refaya, ang anak ni Refaya ay si Eleasa, at ang anak ni Eleasa ay si Azel. 44 Si Azel ay may anim na anak na sina: Azrikam, Bokeru, Ishmael, Shearia, Obadias at Hanan.
Pinatay ni Saul ang Sarili(B)
10 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. 2 Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. 3 Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. 4 Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[g] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili.
5 Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay siya. 6 Kaya namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang lahat ng pamilya niya.
7 Nang panahong iyon, may mga Israelitang nakatira sa lambak ng Jezreel. Nang makita nilang nagsitakas ang mga sundalo ng Israel at patay na si Saul pati ang mga anak niya, iniwan nila ang mga bayan nila at nagsitakas din. Kaya pinasok ng mga Filisteo ang mga bayan at tinirhan nila ang mga ito.
8 Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. 9 Kinuha nila ang mga armas ni Saul at pinutol ang ulo nito. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa kanilang mga dios-diosan at mga kababayan na patay na si Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng kanilang mga dios, at isinabit ang ulo niya sa templo ng dios nilang si Dagon.
11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul. 12 Kaya lumakad ang lahat ng kanilang matatapang na tao at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak, at dinala nila ito sa Jabes. Pagkatapos, inilibing nila ang mga bangkay sa ilalim ng malaking punongkahoy sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat sa Panginoon. Hindi niya tinupad ang utos ng Panginoon, at dumulog pa siya sa mga espiritista 14 sa halip na humingi siya ng payo sa Panginoon. Kaya pinatay siya ng Panginoon at ibinigay ang kaharian kay David na anak ni Jesse.
Ang Dios na Ama Natin
12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.
3 Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. 4 Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. 5 Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:
“Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]
7 Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? 8 Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. 9 Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at Bilin
12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. 15 Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. 16 Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng sekswal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espiritwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan.[b] 17 At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya.
18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. 19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila 20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”[c] 21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”[d]
22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. 23 Lumapit kayo sa pagtitipon[e] ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.
25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? 26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”[f] 27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, 29 dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok.[g]
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
6 Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo lumalapit ang inyong mga mamamayan na nangangailangan. 2 Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?
3 Kawawa kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinadadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.
4 Kawawa kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama[a] at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.
5 Kawawa kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.
6 Kawawa kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, pero hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.[b] 7 Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.
Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel
8 Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”
9 Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[c] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[d] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.
12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”
Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabet
39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. 41 Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet 42 at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.”
Ang Awit ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
“Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”
56 At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.
Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.
Ang Pahayag ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:
68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
“Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79 upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”
80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®