Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 7-8

Ang Lahi ni Isacar

May apat na anak na lalaki si Isacar: sina Tola, Pua, Jashub at Shimron. Ang mga anak na lalaki ni Tola ay sina Uzi, Refaya, Jeriel, Jamai, Ibsam at Shemuel.[a] Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nang si David ang hari, 22,600 ang bilang ng mga lalaking handa sa paglilingkod sa militar mula sa mga angkan ni Tola.

Ang anak na lalaki ni Uzi ay si Izrahia. Si Izrahia at ang kanyang apat na anak na sina Micael, Obadias, Joel at Ishia, ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Marami silang asawaʼt anak, kaya ayon sa talaan ng kanilang mga angkan, mayroon silang 36,000 lalaking handa sa paglilingkod sa militar. Ang bilang ng mga lalaking handa sa paglilingkod sa militar mula sa lahat ng pamilya ni Isacar ay 87,000, ayon sa talaan ng kanilang lahi.

Ang Lahi ni Benjamin

May tatlong anak na lalaki si Benjamin: sina Bela, Beker at Jediael. Si Bela ay may limang anak na lalaki na sina Ezbon, Uzi, Uziel, Jerimot at Iri. Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Ang bilang ng kalalakihan nilang handa sa paglilingkod sa militar ay 22,034, ayon sa talaan ng kanilang mga lahi. Ang mga anak na lalaki ni Beker ay sina Zemira, Joash, Eliezer, Elyoenai, Omri, Jeremot, Abijah, Anatot at Alemet. Silang lahat ang anak ni Beker. Ang bilang ng kalalakihan nilang handa sa paglilingkod sa militar ay 20,200. Ito ang mga pinuno ng mga pamilya nila na nakatala sa talaan ng kanilang mga lahi. 10 Ang anak na lalaki ni Jediael ay si Bilhan. Ang mga anak na lalaki ni Bilhan ay sina Jeush, Benjamin, Ehud, Kenaana, Zetan, Tarshish at Ahishahar. 11 Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. May 17,200 silang kalalakihang handa sa paglilingkod sa militar. 12 Ang mga anak na lalaki ni Ir ay sina Shupim at si Hupim,[b] at ang anak ni Aher ay si Hushim.

Ang Lahi ni Naftali

13 Ang mga anak na lalaki ni Naftali kay Bilha ay sina Jahziel,[c] Guni, Jezer at Shilem.[d] 14 May dalawang anak si Manase sa asawa niyang Arameo. Sila ay sina Asriel at Makir. Si Makir ang ama ni Gilead, 15 at siya ang naghanap ng asawa para kina Hupim at Shupim.[e] May kapatid na babae si Makir na ang pangalan ay Maaca. Ang isa pang anak ni Makir ay si Zelofehad na ang mga anak ay puro babae. 16 May mga anak ding lalaki si Makir kay Maaca na ang mga pangalan ay Peresh at Sheresh. Ang mga anak na lalaki ni Peresh ay sina Ulam at Rakem. 17 Ang anak na lalaki ni Ulam ay si Bedan. Sila ang mga angkan ni Gilead na anak ni Makir, at apo ni Manase. 18 Ang kapatid na babae ni Gilead na si Hammoleket ay may mga anak na lalaki na sina Ishod, Abiezer at Mala.

19 Ang mga anak na lalaki ni Shemida ay sina Ahian, Shekem, Likhi at Aniam.

Ang Lahi ni Efraim

20 Ito ang lahi ni Efraim: si Shutela na ama ni Bered, si Bered na ama ni Tahat, si Tahat na ama ni Eleada, si Eleada na ama ni Tahat, 21 si Tahat na ama ni Zabad, si Zabad na ama ni Shutela. Ang mga anak ni Efraim na sina Ezer at Elead ay pinatay ng mga lalaking katutubo ng Gat nang nagnakaw sila ng mga hayop. 22 Matagal ang paghihinagpis ni Efraim sa kanilang pagkamatay, at pumunta ang kanyang mga kamag-anak para aliwin siya. 23 Nang bandang huli, sumiping si Efraim sa kanyang asawa; nabuntis ito at nanganak ng lalaki. Pinangalanan ni Efraim ang bata na Beria,[f] dahil sa kasawiang dumating sa kanilang pamilya. 24 May anak na babae si Efraim na si Sheera. Siya ang nagtatag ng itaas at ibabang bahagi ng Bet Horon at ng Uzen Sheera. 25 At ang anak na lalaki ni Efraim ay si Refa. Si Refa ay ama ni Reshef, si Reshef ay ama ni Tela, si Tela ay ama ni Tahan, 26 si Tahan ay ama ni Ladan, si Ladan ay ama ni Amihud, si Amihud ay ama ni Elishama, 27 si Elishama ay ama ni Nun, si Nun ay ama ni Josue.

28 Ang lupaing natanggap at tinirhan ng lahi ni Efraim ay ang Betel at ang mga baryo sa paligid nito, ang Naaran sa bandang silangan, ang Gezer sa kanluran at ang mga baryo sa paligid nito, ang Shekem at ang mga baryo sa paligid nito papunta sa Aya at sa mga baryo nito. 29 Ang lahi ni Manase ang nagmamay-ari sa mga lungsod ng Bet Shan, Taanac, Megido at Dor, pati sa mga baryo sa paligid nito. Sa mga bayang ito nakatira ang lahi ni Jose na anak ni Israel.[g]

Ang Lahi ni Asher

30 Ang mga anak na lalaki ni Asher ay sina Imna, Ishva, Ishvi at Beria. Ang kapatid nilang babae ay si Sera. 31 Ang mga anak na lalaki ni Beria ay sina Heber at Malkiel. Si Malkiel ang ama ni Birzait. 32 Si Heber ang ama nina Jaflet, Shomer, at Hotam. Ang kapatid nilang babae ay si Shua. 33 Ang mga anak na lalaki ni Jaflet ay sina Pasac, Bimhal at Asvat.

34 Ang mga anak na lalaki ni Shomer ay sina Ahi, Roga,[h] Hubba at Aram. 35 Ang mga anak na lalaki ng kapatid ni Shomer na si Helem[i] ay sina Zofa, Imna, Sheles at Amal. 36 Ang mga anak na lalaki ni Zofa ay sina Shua, Harnefer, Shual, Beri, Imra, 37 Bezer, Hod, Shama, Shilsha, Itran,[j] at Beera. 38 Ang mga anak na lalaki ni Jeter ay sina Jefune, Pispa at Ara. 39 Ang mga anak na lalaki ni Ula ay sina Ara, Haniel at Rizia. 40 Silang lahat ang lahi ni Asher na pinuno ng kanilang mga pamilya. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno. Ang bilang ng mga lalaki sa lahi ni Asher na handa sa paglilingkod sa militar ay 26,000 ayon sa talaan ng kanilang mga lahi.

Ang Lahi ni Benjamin

Ito ang mga anak na lalaki ni Benjamin mula sa panganay hanggang sa pinakabata: Bela, Ashbel, Ahara, Noha at Rafa. Ang mga anak na lalaki ni Bela ay sina Adar, Gera, Abihud,[k] Abishua, Naaman, Ahoa, Gera, Shefufan at Huram. Ang mga angkan ni Ehud na pinuno ng kanilang mga pamilya ay pinaalis sa Geba at lumipat sa Manahat – sila ay sina Naaman, Ahia, at Gera. Si Gera na ama nina Uza at Ahihud ang nanguna sa paglipat nila.

Hiniwalayan ni Shaharaim ang mga asawa niyang sina Hushim at Baara. Kinalaunan, tumira siya sa Moab, at nagkaanak siya sa asawa niyang si Hodes. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Jobab, Zibia, Mesha, Malcam, 10 Jeuz, Sakia at Mirma. Naging pinuno sila ng kanilang mga pamilya. 11 May anak ding lalaki si Shaharaim sa asawa niyang si Hushim. Silaʼy sina Abitub at Elpaal. 12 Ang mga anak na lalaki ni Elpaal ay sina Eber, Misam, Shemed (na nagtatag ng mga bayan ng Ono at Lod, at ng mga baryo sa paligid nito), 13 at sina Beria at Shema. Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya na nakatira sa Ayalon. Sila rin ang nagpaalis sa mga naninirahan sa Gat. 14-16 Ang mga anak na lalaki ni Beria ay sina Ahio, Shashak, Jeremot, Zebadia, Arad, Eder, Micael, Ishpa at Joha.

17-18 Ang mga anak na lalaki ni Elpaal ay sina Zebadia, Meshulam, Hizki, Heber, Ishmerai, Izlia at Jobab.

19-21 Ang mga anak na lalaki ni Shimei ay sina Jakim, Zicri, Zabdi, Elienai, Ziletai, Eliel, Adaya, Beraya at Shimrat.

22-25 Ang mga anak na lalaki ni Shashak ay sina Ispan, Eber, Eliel Abdon, Zicri, Hanan, Hanania, Elam, Antotia, Ifdeya at Penuel. 26-27 Ang mga anak na lalaki ni Jeroham ay sina Shamsherai, Sheharia, Atalia, Jaareshia, Elias at Zicri. 28 Sila ang mga pinuno ng mga pamilya nila ayon sa talaan ng kanilang mga lahi, at tumira sila sa Jerusalem.

29 Si Jeyel[l] na ama ni Gibeon ay tumira sa Gibeon. Ang pangalan ng asawa niya ay Maaca. 30 Ang mga anak niyang lalaki mula sa panganay hanggang sa pinakabata ay sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner,[m] Nadab, 31 Gedor, Ahio, Zeker,[n] 32 at Miklot na ama ni Shimea.[o] Tumira sila malapit sa kanilang mga kamag-anak sa Jerusalem. 33 Si Ner ang ama ni Kish, si Kish ang ama ni Saul, at si Saul ang ama ni Jonatan, Malki Shua, Abinadab at Eshbaal.[p] 34 Ang anak ni Jonatan ay si Merib Baal[q] na ama ni Micas. 35 Ang mga anak na lalaki ni Micas ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. 36 Si Ahaz ang ama ni Jehoada,[r] at si Jehoada ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 37 at si Moza ang ama ni Binea. Ang anak ni Binea ay si Rafa,[s] na ama ni Eleasa, na ama ni Azel. 38 Si Azel ay may anim na anak na lalaki na sina Azrikam, Bokeru, Ishmael, Shearia, Obadias at Hanan. 39 Ang mga anak na lalaki ng kapatid ni Azel na si Eshek ay sina Ulam (ang panganay), Jeush (ang ikalawa), at Elifelet (ang ikatlo). 40 Matatapang ang anak ni Ulam at mahuhusay silang pumana. Marami silang anak at apo – 150 lahat.

Silang lahat ang lahi ni Benjamin.

Hebreo 11

Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya

11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.

Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.

Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[a] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[b] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.

Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.

Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.

11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[c] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.

13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.

17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[d] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.

20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.

21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.

22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.

23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.

27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.

29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.

30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.

32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Amos 5

Ang Panawagan sa Pagsisisi

Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:

Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.
    Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.

Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira. Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo. Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel. Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.[a] Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi[b] at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”

Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan. Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan,[c] at dinudurog ang napapaderang lungsod.

10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[d] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[e] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.

16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[f] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[g] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Araw ng Paghatol ng Dios

18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan

21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.

25 “Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng 40 taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi! 26 At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang dios-diosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang dios-diosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin. 27 Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damascus.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na tinatawag na Dios na Makapangyarihan.

Lucas 1:1-38

Pasimula

1-3 Kagalang-galang na Teofilus:

Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Dios at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.

Nagpakita ang Anghel kay Zacarias

Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho.

Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. 16 Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang[a] na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.”

19 Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.”

21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay. 25 Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”

Nagpakita kay Maria ang Anghel

26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[b] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[c] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”

29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”

34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”

35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”

38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®