Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 3-4

Ang mga Anak na Lalaki ni David

Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. Si Daniel[a] ang pangalawa, na anak niya kay Abigail na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca na anak na babae ni Haring Talmai ng Geshur. Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Silang anim ay isinilang sa Hebron, kung saan naghari si David sa loob ng pitong taon at anim na buwan.

Naghari si David sa Jerusalem sa loob ng 33 taon. At ito ang mga anak niyang lalaki na isinilang doon: si Shimea, Shobab, Natan at Solomon. Silang apat ang anak niya sa asawa niyang si Batsheba[b] na anak ni Amiel. May siyam pa siyang anak na sina Ibhar, Elishua[c] Elifelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elishama, Eliada at Elifelet. Iyon ang lahat ng mga anak na lalaki ni David, bukod sa iba pa niyang mga anak na lalaki sa iba pa niyang mga asawa. May anak din si David na babae na si Tamar.

Ang mga Hari ng Juda

10 Ito ang angkan ni Solomon na naging hari: Rehoboam, Abijah, Asa, Jehoshafat, 11 Jehoram,[d] Ahazia, Joash, 12 Amazia, Azaria,[e] Jotam, 13 Ahaz, Hezekia, Manase, 14 Ammon at Josia.

15 Ito ang mga anak ni Josia: Ang panganay ay si Johanan, ang ikalawa ay si Jehoyakim, ang ikatlo ay si Zedekia, at ang ikaapat ay si Shalum. 16 Ang pumalit kay Jehoyakim bilang hari ay si Jehoyakin[f] na kanyang anak. At ang pumalit kay Jehoyakin ay si Zedekia na kanyang tiyuhin.[g]

Ang Angkan ni Jehoyakin

17 Ito ang angkan ni Jehoyakin, ang hari na binihag sa Babilonia: si Shealtiel, 18 Malkiram, Pedaya, Shenazar, Jekamia, Hoshama at si Nedabia. 19 Ang mga anak na lalaki ni Pedaya ay sina Zerubabel at Shimei. Ang mga anak na lalaki ni Zerubabel ay sina Meshulam at Hanania. Ang kapatid nilang babae ay si Shelomit. 20 May lima pang anak na lalaki si Zerubabel na sina Hashuba, Ohel, Berekia, Hasadia at Jushab Hesed. 21 Ang mga anak na lalaki ni Hanania ay sina Pelatia at Jeshaya. Si Jeshaya ang ama ni Refaya, si Refaya ang ama ni Arnan, si Arnan ang ama ni Obadias, at si Obadias ang ama ni Shecania. 22 Ang angkan ni Shecania ay si Shemaya. Anim lahat ang anak ni Shemaya: sina Hatush, Igal, Baria, Nearia at Shafat. 23 Tatlo lahat ang anak na lalaki ni Nearia: sina Elyoenai, Hizkia at Azrikam. 24 Pito lahat ang anak na lalaki ni Elyoenai: sina Hodavia, Eliashib, Pelaya, Akub, Johanan, Delaya at Anani.

Ang Ibang Lahi ni Juda

Ito ang iba pang lahi ni Juda: sina Perez, Hezron, Carmi, Hur at Shobal. Ang anak ni Shobal na si Reaya ay ama ni Jahat. Si Jahat ang ama nina Ahumai at Lahad. Sila ang pamilya ng mga Zoratita.

Ito ang mga anak[h] ni Etam: sina Jezreel, Ishma at Idbas. Si Hazelelponi ang kapatid nilang babae.

Si Penuel ang ama ni Gedor, at si Ezer ang ama ni Husha. Sila ang mga angkan ni Hur na panganay na anak ni Efrata. Si Hur ang ninuno ng mga taga-Betlehem.

Si Ashur na ama ni Tekoa ay may dalawang asawa, sina Hela at Naara. Ang mga anak na lalaki nina Naara at Ashur ay sina Ahuzam, Hefer, Temeni at Haahashtari. Ang mga anak naman nina Hela at Ashur ay sina Zeret, Zohar,[i] Etnan, at Koz. Si Koz ang ama nina Anub at Hazobeba, at ang pinagmulan ng pamilya ni Aharhel na anak ni Harum.

May isang tao na ang pangalan ay Jabez. Kagalang-galang siya kaysa sa mga kapatid niyang lalaki. Pinangalanan siya ng kanyang ina na Jabez[j] dahil sinabi ng kanyang ina, “Labis akong nahirapan sa panganganak ko sa kanya.” 10 Nanalangin si Jabez sa Dios ng Israel, “Pagpalain nʼyo po sana ako at palawakin ang aking nasasakupan. Samahan nʼyo po ako at ilayo sa kapahamakan para hindi ako masaktan.” At dininig ng Dios ang kanyang kahilingan.

11 Si Kelub na kapatid ni Shuha ang ama ni Mehir. Si Mehir ang ama ni Eston, at 12 si Eston ang ama nina Bet Rafa, Pasea at Tehina. Si Tehina ang ama ni Ir Nahash. Sila ang angkan ni Reca.[k]

13 Ang mga anak na lalaki ni Kenaz ay sina Otniel at Seraya. Ang mga anak ni Otniel ay sina Hatat at Meonotai.[l] 14 Si Meonotai ang ama ni Ofra. Si Seraya naman ang ama ni Joab, na nagtatag ng Lambak ng mga Panday.[m] Tinawag itong Lambak ng mga Panday dahil doon nakatira ang maraming panday.

15 Ito ang mga anak na lalaki ni Caleb na anak ni Jefune: sina Iru, Elah at Naam. Ang anak na lalaki ni Elah ay si Kenaz.

16 Ang mga anak na lalaki ni Jehalelel ay sina Zif, Zifa, Tiria at Asarel.

17-18 Ang mga anak na lalaki ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer at Jalon. Asawa ni Mered si Bitia na anak ng Faraon.[n] Ang mga anak nila ay sina Miriam, Shamai at Ishba. Si Ishba ang ama ni Estemoa. May asawa rin si Mered na taga-Judea, at ang mga anak nila ay sina Jered na ama ni Gedor, Heber na ama ni Soco, at Jekutiel na ama ni Zanoa. 19 Napangasawa ni Hodia ang kapatid ni Naham. Ang isa sa mga anak niya ay ama ni Keila na Garmita, at ang isa naman ay ama ni Estemoa na Maacateo.

20 Ang mga anak na lalaki ni Shimon ay sina Amnon, Rina, Ben Hanan at Tilon. Ang mga angkan ni Ishi ay sina Zohet at Ben Zohet.

21 Ito ang mga angkan ni Shela na anak ni Juda: si Er (na ama ni Leca), at si Laada (na ama ni Maresha), at ang pamilya ng mga tagagawa ng telang linen sa Bet Ashbea. 22 Ito pa ang mga angkan Shela: si Jokim, ang mga mamamayan ng Cozeba, si Joash, at si Saraf na namuno sa Moab at sa Jashubi Lehem. (Ang talaang ito ay mula sa matagal nang dokumento.) 23 Sila ang mga magpapalayok na nakatira sa Netaim at Gedera. Nagtatrabaho sila para sa hari.

Ang Angkan ni Simeon

24 Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera at Shaul. 25 Si Shaul ang ama ni Shalum, si Shalum ang ama ni Mibsam, at si Mibsam ang ama ni Mishma. 26 Si Mishma ang ama ni Hammuel, si Hammuel ang ama ni Zacur, at si Zacur ang ama ni Shimei. 27 May 16 na anak na lalaki si Shimei at anim na anak na babae. Pero kakaunti lang ang anak ng mga kapatid niya, kaya ang buong angkan nila ay hindi kasindami ng mga mamamayan ng Juda. 28 Tumira sila sa Beersheba, Molada, Hazar, Shual, 29 Bilha, Ezem, Tolad, 30 Betuel, Horma, Ziklag, 31 Bet Marcabot, Hazar Susim, Bet Biri at Shaaraim. Ito ang mga bayan nila hanggang sa paghahari ni David. 32 Tumira rin sila sa limang bayan sa paligid nila: sa Etam, Ayin, Rimon, Token at Ashan, 33 pati na rin sa mga baryo sa paligid ng mga bayang ito hanggang sa Baalat.[o] Ito ang mga lugar na tinirhan nila, at naitago nila ang mga talaan ng kanilang angkan.

Ito ang iba pang lahi ni Simeon: 34 sina Meshobab, Jamlec, Josha na anak ni Amazia 35 Joel, Jehu na anak ni Joshibia at apo ni Seraya, na apo sa tuhod ni Asiel, 36 Elyoenai, Jaakoba, Jeshohaya, Asaya, Adiel, Jesimiel, Benaya 37 at Ziza na anak ni Shifi at apo ni Allon, at apo sa tuhod ni Jedaya. Si Jedaya ay anak ni Shimri at apo ni Shemaya. 38 Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Lalong dumami ang pamilya nila, 39 kaya napunta sila sa hangganan ng Gedor, sa gawing silangan ng lambak. Naghanap sila roon ng mapagpapastulan ng kanilang mga tupa, 40 at nakakita sila ng mayabong at magandang pastulan. Malawak ang lugar na ito at mapayapa. Doon dati nakatira ang ibang lahi ni Ham. 41 Pero noong panahon na si Haring Hezekia ang hari ng Juda, nilusob ang lahi ni Ham ng lahi ni Simeon na ang mga pangalan ay nabanggit sa itaas. Nilusob din nila ang mga Meuneo na doon din nakatira, at nilipol nila sila nang lubusan. Pagkatapos, sila ang tumira roon hanggang ngayon, dahil mayroong pastulan doon para sa kanilang mga tupa. 42 Lumusob ang 500 sa kanila sa kabundukan ng Seir. Pinangunahan sila nina Pelatia, Nearia, Refaya at Uziel na mga anak ni Ishi. 43 Pinatay nila roon ang natitirang mga Amalekita, at doon sila nakatira hanggang ngayon.

Hebreo 9

Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit

May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[b] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.

Amos 3

Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?

Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.

Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?

Ang Hatol ng Dios sa Samaria

Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[a] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[b] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”

12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”

13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[c] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[d] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[e] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Salmo 146-147

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

147 Purihin ang Panginoon!
    Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
    at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
    at ginagamot ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
    at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

Makapangyarihan ang ating Panginoon.
    Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
    ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
    Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
    at pinauulanan niya ang mundo,
    at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
    at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
    at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
    at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
    at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
    at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
    Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
    Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
    hindi nila alam ang kanyang mga utos.

    Purihin ang Panginoon!

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®