Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 1-2

Mga Lahi Mula kay Adan Hanggang sa mga Anak ni Noe(A)

Ang mga lahi ni Adan ay sina Set, Enosh, Kenan, Mahalalel, Jared, Enoc, Metusela, Lamec at Noe. Ang mga anak na lalaki ni Noe ay sina Shem, Ham at Jafet.

Ang Lahi ni Jafet

Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Si Gomer ay may mga anak din na lalaki na sina Ashkenaz, Rifat,[a] at Togarma. Ang mga anak na lalaki ni Javan ay sina Elisha, Tarshish, Kitim at Rodanim.[b]

Ang Lahi ni Ham

Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cush, Mizraim,[c] Put, at Canaan. Si Cush ay may mga anak ding lalaki na sina Sheba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak na lalaki ni Raama ay sina Sheba at Dedan. 10 May isa pang anak si Cush na ang pangalan ay Nimrod na naging magiting na sundalo sa mundo.

11 Si Mizraim ang pinagmulan ng mga Ludeo, Anameo, Lehabeo, Naftu, 12 Patruseo, Caslu, at mga Caftoreo na siyang pinagmulan ng mga Filisteo.

13 Si Canaan ang ama nina Sidon at Het.[d] Si Sidon ang panganay. 14 Si Canaan ang siya ring pinagmulan ng mga Jebuseo, Amoreo, Girgaseo, 15 Hiveo, Arkeo, Sineo, 16 Arvadeo, Zemareo at Hamateo.

Ang Lahi ni Shem

17 Ang mga anak na lalaki ni Shem: sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. Ang mga anak na lalaki ni Aram ay sina,[e] Uz, Hul, Geter at Meshec.[f] 18 Si Arfaxad ang ama ni Shela, at si Shela ang ama ni Eber. 19 May dalawang anak na lalaki si Eber: ang isa ay pinangalanang Peleg, dahil noong panahon niya, ang mga tao sa mundo ay nagkahati-hati; ang pangalan naman ng kanyang kapatid ay Joktan. 20 Si Joktan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jera, 21 Hadoram, Uzal, Dikla, 22 Obal,[g] Abimael, Sheba, 23 Ofir, Havila at Jobab. Silang lahat ay anak na lalaki ni Joktan.

24 Ito ang lahi na mula kay Shem: sina Arfaxad, Shela, 25 Eber, Peleg, Reu 26 Serug, Nahor, Tera, 27 at si Abram na siya ring si Abraham.

Ang Lahi ni Abraham(B)

28 Ang mga anak na lalaki ni Abraham ay sina Isaac at Ishmael. 29 Ang mga anak na lalaki ni Ishmael ay sina Nebayot (ang panganay), Kedar, Adbeel, Mibsam, 30 Mishma, Duma, Masa, Hadad, Tema, 31 Jetur, Nafis at Kedema. Sila ang mga anak na lalaki ni Ishmael. 32 Ang mga anak na lalaki ni Ketura na isa pang asawa ni Abraham ay sina Zimran, Jokshan, Medan, Midian, Ishbak at Shua. Ang mga anak na lalaki ni Jokshan ay sina Sheba at Dedan. 33 Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa. Silang lahat ang angkan ni Ketura.

Ang Lahi ni Esau(C)

34 Si Abraham ang ama ni Isaac. Ang mga anak ni Isaac ay sina Esau at Israel.[h] 35 Ang mga anak na lalaki ni Esau ay sina Elifaz, Reuel, Jeush, Jalam at Kora. 36 Ang mga anak na lalaki ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo,[i] Gatam, Kenaz at Amalek. Si Amalek ay anak niya kay Timna.[j] 37 Ang mga anak na lalaki ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shama at Miza.

Ang mga Edomita(D)

38 Ang mga anak na lalaki ni Seir ay sina Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Dishan. 39 Ang mga anak na lalaki ni Lotan ay sina Hori at Homam.[k] Magkapatid sina Lotan at Timna na isa pang asawa ni Elipaz. 40 Ang mga anak na lalaki ni Shobal ay sina Alvan,[l] Manahat, Ebal, Shefo[m] at Onam. Ang mga anak na lalaki ni Zibeon ay sina Aya at Ana. 41 Ang anak na lalaki ni Ana ay si Dishon. Ang mga anak na lalaki ni Dishon ay sina Hemdan,[n] Eshban, Itran at Keran. 42 Ang mga anak na lalaki ni Ezer ay sina Bilhan, Zaavan at Akan.[o] Ang mga anak na lalaki ni Dishan[p] ay sina Uz at Aran.

Ang mga Hari ng Edom(E)

43 Ito ang mga hari ng Edom, noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita:

Si Bela na taga-Dinhaba na anak ni Beor ay naging hari sa Edom. 44 Pagkamatay niya, pinalitan siya ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bozra. 45 Pagkamatay ni Jobab, pinalitan siya ni Husham na taga-Teman. 46 Pagkamatay ni Husham, pinalitan siya ni Hadad na taga-Avit na anak ni Bedad. Si Hadad ang nakatalo sa mga Midianita roon sa Moab. 47 Pagkamatay ni Hadad, pinalitan siya ni Samla na taga-Masreka. 48 Pagkamatay ni Samla, pinalitan siya ni Shaul na taga-Rehobot na malapit sa Ilog ng Eufrates. 49 Pagkamatay ni Shaul, pinalitan siya ni Baal Hanan na anak ni Acbor. 50 Pagkamatay ni Baal Hanan, pinalitan siya ni Hadad na taga-Pau. Ang asawa niya ay si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Me-Zahab. 51 Hindi nagtagal, namatay si Hadad.

Ito ang mga pinuno ng angkan ng Edom: Timna, Alva, Jetet, 52 Oholibama, Elah, Pinon, 53 Kenaz, Teman, Mibzar, 54 Magdiel at Iram.

Ang mga Anak ni Israel

Ito ang mga anak na lalaki ni Israel: Reuben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Dan, Jose, Benjamin, Naftali, Gad at Asher.

Ang Lahi ni Juda

May tatlong anak na lalaki si Juda sa asawa niyang si Batshua na Cananea. Silaʼy sina Er, Onan at Shela. Si Er ang panganay sa magkakapatid. Masama siya sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon. May mga anak pang lalaki si Juda kay Tamar na kanyang manugang. Silaʼy sina Perez at Zera. Lima lahat ang anak na lalaki ni Juda. Ang mga anak na lalaki ni Perez ay sina Hezron at Hamul. Lima lahat ang anak na lalaki ni Zera: sina Zimri, Etan, Heman, Calcol at Darda.[q] Ang anak na lalaki ni Carmi[r] ay si Acar.[s] Si Acar ang nagdala ng kasamaan sa Israel dahil kinuha niya ang bagay na inilaan nang buo[t] para sa Dios. Ang anak na lalaki ni Etan ay si Azaria.

Ang Lahi na Pinagmulan ni David

Ang mga anak na lalaki ni Hezron ay sina Jerameel, Ram at Caleb.[u] 10 Si Ram ang ama ni Aminadab, at si Aminadab naman ang ama ni Nashon na pinuno ng lahi ni Juda. 11 Si Nashon ang ama ni Salmon,[v] at si Salmon ang ama ni Boaz. 12 Si Boaz ang ama ni Obed at si Obed ang ama ni Jesse. 13 Ang panganay na anak ni Jesse ay si Eliab, ang ikalawa namaʼy si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shimea, 14 ang ikaapat ay si Netanel, ang ikalima ay si Radai, 15 ang ikaanim ay si Ozem, at ang ikapito ay si David. 16 Ang mga kapatid nilang babae ay sina Zeruya at Abigail. Si Zeruya ay may tatlong anak na lalaki, sina Abishai, Joab at Asahel. 17 Ang asawa ni Abigail ay si Jeter na Ishmaelita at may anak silang lalaki na si Amasa.

Ang Angkan ni Hezron

18 Ang anak ni Hezron na si Caleb ay may mga anak sa asawa niyang si Azuba na tinatawag ding Jeriot. Sila ay sina Jesher, Shobab at Ardon. 19 Pagkamatay ni Azuba, napangasawa ni Caleb si Efrat[w] at ang naging anak nila ay si Hur. 20 Si Hur ang ama ni Uri, at si Uri ang ama ni Bezalel. 21 Noong 60 taong gulang na si Hezron, napangasawa niya ang anak ni Makir, ang kapatid na babae ni Gilead. Si Segub ang naging anak nila. 22 Si Segub ang ama ni Jair, na namahala ng 23 bayan sa Gilead. 23 (Dumating ang panahon na inagaw ni Geshur at ni Aram ang mga bayan ni Jair[x] at ang Kenat, pati ang 60 bayan sa paligid nito.) Silang lahat ang angkan ni Makir na ama ni Gilead.

24 Kamamatay lang ni Hezron sa Caleb Efrata nang manganak ang asawa niyang si Abijah. Ang anak niya ay si Ashur na ama ni Tekoa.

Ang Angkan ni Jerameel na Anak ni Hezron

25 Ito ang mga anak na lalaki ni Jerameel na panganay na anak ni Hezron: Si Ram ang panganay, sumunod sina Buna, Oren, Ozem at Ahia. 26 Si Jerameel ay may isa pang asawa na ang pangalan ay Atara. Siya ang ina ni Onam. 27 Ang mga anak na lalaki ni Ram na panganay ni Jerameel ay sina Maaz, Jamin at Eker.

28 Ang mga anak na lalaki ni Onam ay sina Shamai at Jada. Ang mga anak na lalaki ni Shamai ay sina Nadab at Abishur.

29 Ang pangalan ng asawa ni Abishur ay Abihail. May mga anak silang lalaki, sina Aban at Molid.

30 Ang mga anak na lalaki ni Nadab ay sina Seled at Apaim. Namatay si Seled na walang anak.

31 Ang anak na lalaki ni Apaim ay si Ishi. Si Ishi ang ama ni Sheshan at si Sheshan ang ama ni Alai. 32 Ang mga anak na lalaki ni Jada na kapatid ni Shamai ay sina Jeter at Jonatan. Namatay si Jeter na walang anak. 33 Ang mga anak na lalaki ni Jonatan ay sina Pelet at Zaza. Silang lahat ang angkan ni Jerameel.

34 Walang anak na lalaki si Sheshan, kundi puro babae. May alipin siyang Egipcio na ang pangalan ay Jarha. 35 Ibinigay ni Sheshan ang anak niyang babae kay Jarha bilang asawa. Nagkaanak sila na ang pangalan ay Atai. 36 Si Atai ang ama ni Natan, at si Natan ang ama ni Zabad, 37 si Zabad naman ang ama ni Eflal, si Eflal ang ama ni Obed, 38 si Obed ang ama ni Jehu, at si Jehu ang ama ni Azaria. 39 Si Azaria ang ama ni Helez, si Helez ang ama ni Eleasa, 40 at si Eleasa ang ama ni Sismai. Si Sismai ang ama ni Shalum, 41 si Shalum ang ama ni Jekamia, at si Jekamia ang ama ni Elishama.

Ang Iba pang Angkan ni Caleb

42 Ang panganay na anak na lalaki ni Caleb na kapatid ni Jerameel ay si Mesha na ama ni Zif. Ang ikalawa niyang anak ay si Maresha na ama ni Hebron. 43 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Kora, Tapua, Rekem at Shema. 44 Si Shema ang ama ni Raham, at si Raham ang ama ni Jorkeam. Si Rekem ang ama ni Shamai, 45 si Shamai ang ama ni Maon, at si Maon ang ama ni Bet Zur.

46 Ang isa pang asawa ni Caleb na si Efa ang ina nina Haran, Moza at Gazez. May anak si Haran na Gazez din ang pangalan.

47 Ang mga anak na lalaki ni Jadai ay sina Regem, Jotam, Geshan, Pelet, Efa at Shaaf.

48 Ang isa pang asawa ni Caleb ay si Maaca. May mga anak silang lalaki na sina Sheber, Tirhana, 49 Shaaf na ama ni Madmana at Sheva na ama naman nina Macbena at Gibea. Ang anak na babae ni Caleb ay si Acsa. 50 Sila ang angkan ni Caleb.

Ang Angkan ng Anak ni Caleb na si Hur.

Si Hur ang panganay na anak ni Caleb at ni Efrata. Ang mga anak na lalaki ni Hur ay sina Shobal na ama ni Kiriat Jearim, 51 si Salma na ama ni Betlehem, at si Haref na ama ni Bet Gader. 52 Ang angkan ni Shobal na ama ni Kiriat Jearim ay ang mga Haroe, ang kalahati ng mga naninirahan sa Manahat,[y] 53 at ang angkan ni Kiriat Jearim ay ang mga Itreo, Puteo, Sumateo at Misraita. Sila ang pinagmulan ng mga Zoratita at mga Estaolita.

54 Ang angkan ni Salma ay ang mga taga-Betlehem, mga taga-Netofa, mga taga-Atrot Bet Joab, ang kalahati ng mga Manahateo, at ang mga Zorita. 55 Ang lahi ng mga Tirateo, Shimeateo at Sucateo na magagaling sumulat ng mga dokumento ay nakatira sa bayan ng Jabez. Sila ang mga Keneo na nagmula kay Hamat, na ama ng pamilya ni Bet Recab.[z]

Hebreo 8

Si Cristo ang Ating Punong Pari

Ito ang ibig kong sabihin: Mayroon na tayo ngayong punong pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasang Dios sa langit. Naglilingkod siya bilang punong pari sa Pinakabanal na Lugar na hindi tao ang gumawa kundi ang Panginoon mismo. Ang bawat punong pari ay itinalagang mag-alay ng mga handog at kaloob, kaya kailangan na may ihandog din ang punong pari natin. Kung nandito pa siya sa lupa, hindi siya maaaring maging pari dahil mayroon nang mga paring nag-aalay ng mga handog ayon sa Kautusan. Ang pag-aalay na ginagawa nila ay anino lang ng mga bagay na nangyayari roon sa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang Toldang Sambahan, mahigpit siyang pinagbilinan ng Dios, “Kailangang sundin mo ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.”[a] Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Jesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Dios.

Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangan pang palitan. Ngunit nakita ng Dios ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya,

    “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda.
Hindi ito katulad ng kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila noong akayin ko sila palabas sa Egipto.
    Hindi nila sinunod ang unang kasunduang ibinigay ko sa kanila, kaya pinabayaan ko sila.”

10 Sinabi pa ng Panginoon,

    “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon:
Itatanim ko sa isipan nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila.
    Ako ang magiging Dios nila, at sila naman ang magiging bayan ko.
11 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon.
    Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”[b]

13 Nang sabihin ng Dios na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.

Amos 2

Ang Parusa sa Bansang Moab

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[a] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Juda

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”

Ang Parusa sa Bansang Israel

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[b] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. Natutulog sila sa kanilang sambahan[c] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[d] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[e] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

Salmo 145

Awit ng Pagpupuri

145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Pupurihin ko kayo araw-araw,
    at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
    Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
    at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
    at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
    nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
    pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.

    Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
    at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
    at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
    at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
    at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
    pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
    ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
    Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®