M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Pagbabago na Ginawa ni Josia(A)
23 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 2 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. 3 Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4 Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel. 5 Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. 6 Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao. 7 Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[b]
8 Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya[c] ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod. 9 Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10 Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec. 11 Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo[d] na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12 Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron. 13 Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita. 14 Ipinadurog ni Josia ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao. 15 Ipinagiba din ni Josia kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josia ng pino at sinunog pati ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito. 17 Nagtanong si Haring Josia, “Kaninong libingan iyan?” Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Dios na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.” 18 Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.
19 Pagkatapos, giniba ni Josia ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon. 20 Pinatay ni Josia ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(B)
21 Inutusan ni Josia ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Dios, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Dios.” 22 Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda. 23 Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.
24 Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon. 25 Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.
26 Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manase na nakapagpagalit sa kanya. 27 Kaya sinabi ng Panginoon, “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josia(C)
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29 Nang naghahari pa si Josia, si Faraon Neco na hari ng Egipto ay pumunta sa Ilog ng Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josia at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido. 30 Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Jehoahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(D)
31 Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 32 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. 33 Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis. 34 Si Eliakim na isa pang anak ni Josia ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim. Si Jehoahaz naman ay dinala ni Neco sa Egipto at doon ito namatay. 35 Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoyakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.
Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(E)
36 Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya. 37 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.
5 Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 2 At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. 3 At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. 4 Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. 5 Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,
“Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]
6 At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]
7 Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. 8 At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. 9 Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[c] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.
Babala sa Pagtalikod sa Dios
11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.
Ang Pagparusa ng Panginoon ay Inihalintulad sa Pagsalakay ng mga Balang
2 Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion,[a] ang banal[b] na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. 2 Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang[c] sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.
3 Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy.[d] Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira. 4 Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma. 5 Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma. 6 Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot. 7-8 Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan. Hindi sila nagtutulakan, at kahit masalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay. 9 Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw. 10 Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11 Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?
Panawagan upang Magbalik-loob sa Dios
12 Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati. 13 Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa. 14 Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Dios at pagpalain kayo ng masaganang ani, para makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion upang ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. 16 Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. 17 Umiyak sa pagitan ng altar at ng balkonahe ng templo ang mga pari na naglilingkod sa Panginoon, at manalangin sila ng ganito: “Panginoon, maawa po kayo sa mga mamamayang pag-aari ninyo. Huwag nʼyo pong payagan na hiyain sila at sakupin ng ibang bansa na nagsasabing, ‘Nasaan ang inyong Dios?’ ”
Pagpapalain ng Panginoon ang Juda
18 Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19 At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20 Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay[e] at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo.[f] At babaho ang kanilang mga bangkay.”
Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21 Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22 Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23 Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24 Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26 Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27 Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.
Ang mga Pagpapalang Espiritwal
28 “At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. 29 Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae. 30 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa: May makikitang dugo, apoy, at makapal na usok. 31 Magdidilim ang araw at pupula ang buwan na parang dugo. Mangyayari ito bago dumating ang nakakatakot na araw ng paghuhukom ng Panginoon.”
32 Ang sinumang hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating. Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon, may matitirang mga Israelita sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem. Sila ang mga pinili ng Panginoon na maliligtas.
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®