M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakasakit ni Hezekia(A)
20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” 2 Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. 3 Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya nang husto.
4 Nang hindi pa nakakaalis si Isaias sa gitna ng bulwagan ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 5 “Bumalik ka kay Hezekia, na pinuno ng mga mamamayan ko at sabihin mo ito: ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng ninuno mong si David: Narinig ko ang panalangin mo at nakita ko ang mga luha mo kaya pagagalingin kita. Sa ikatlong araw mula ngayon, makakabangon ka na at makakapunta ka sa templo ng Panginoon. 6 Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita at ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Iingatan ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.’ ” 7 Sinabi ni Isaias sa mga utusan ni Haring Hezekia na tapalan nila ang namamagang bukol nito ng dinurog na igos. Ginawa nga nila ito at gumaling siya.
8 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, nagtanong siya kay Isaias, “Ano ba ang magpapatunay na gagaling ako at makakapunta sa templo ng Panginoon sa ikatlong araw mula ngayon?” 9 Sumagot si Isaias, “Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon na magpapatunay na tutuparin niya ang pangako niya. Pumili ka sa dalawang ito: Aatras ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan[a] o aabante ng sampung hakbang?” 10 Sumagot si Hezekia, “Mas madaling umabante ng sampung hakbang ang anino, kaya paatrasin mo na lang ito ng sampung hakbang!” 11 Kaya nanalangin si Isaias sa Panginoon at pinaatras ng Panginoon ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan na ipinagawa ni Ahaz.
Ang mga Mensahero Mula sa Babilonia
12 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Merodac Baladan na anak ni Haring Baladan ng Babilonia na nagkasakit si Hezekia. Kaya nagpadala siya ng mga sulat at regalo kay Hezekia. 13 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang mga kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
14 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Nanggaling sila sa malayong lugar, sa Babilonia.” 15 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 16 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 17 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 18 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 19 Ang akala ni Hezekia ay hindi pa mangyayari iyon, kundi magiging mapayapa at walang panganib sa kapanahunan niya. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensaheng iyon ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(B)
20 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagpapagawa niya ng imbakan ng tubig at dinadaluyan nito papunta sa lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
21 Nang mamatay si Hezekia, ang anak niyang si Manase ang pumalit sa kanya bilang hari.
Babala sa mga Lumilihis ng Landas
2 Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin para hindi tayo maligaw. 2 Isipin ninyo: Ang Kautusang ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at tumanggap ng kaukulang parusa ang bawat taong lumabag o sumuway dito. 3 Kaya hindi tayo makakaligtas kung babalewalain natin ang dakilang kaligtasang ito. Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. 4 Pinatunayan din ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban.
Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo
5 Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. 6 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:
“O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
7 Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari, 8 at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]
Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. 9 Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan. 10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[b]
13 Sinabi rin niya,
“Magtitiwala ako sa Dios.”[c]
At idinagdag pa niya,
“Narito ako, kasama ang mga anak ng Dios na kanyang ibinigay sa akin.”[d]
14 At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila. 16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Jesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tinukso siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.
13 “Noong una, kapag nagsalita ang lahi ni Efraim, nanginginig sa takot ang ibang mga lahi ng Israel dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim. Pero nagkasala ang mga mamamayan nito dahil sumamba sila sa dios-diosang si Baal. Kaya nga namatay[a] sila. 2 Hanggang ngayon, kayo na tinatawag na Efraim[b] ay patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan.[c] Gumagawa kayo ng mga dios-diosan mula sa inyong mga pilak upang sambahin. Pero ang lahat ng ito ay gawa lamang ng tao at ayon lang sa kanyang naisip. Sinasabi pa ninyo na maghahandog kayo ng tao sa mga dios-diosang baka at hahalik sa mga ito. 3 Kaya mawawala kayo gaya ng ulap sa umaga o hamog, o gaya ng ipa sa giikan na tinatangay ng hangin o ng usok na lumalabas sa tsimeneya.
4 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto.[d] Wala kayong kikilalaning Dios at Tagapagligtas maliban sa akin. 5 Kinalinga ko kayo roon sa disyerto, sa tuyong lupain. 6 Pero pagkatapos ko kayong pagpalain at paunlarin, naging mapagmataas kayo at kinalimutan na ninyo ako. 7-8 Kaya sasalakayin ko kayo at lalapain tulad ng ginagawa ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Lalapain ko kayo gaya ng ginagawa ng leon at ng osong inagawan ng anak. Babantayan ko kayo sa daan at sasalakayin tulad ng hayop na leopardo. 9 Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo. 10-11 Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko. 12 Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo.[e] Para itong kasulatang binalot at itinago.
13 “Binigyan ko kayo ng pagkakataong magbagong-buhay pero tinanggihan ninyo ito dahil mga mangmang kayo. Para kayong sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina sa panahon na dapat na siyang lumabas. 14 Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan. Sa halip sasabihin ko sa kamatayan, ‘O kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Nasaan ang iyong kapahamakan na papatay sa kanila?’
“Hinding-hindi ko kayo kaaawaan. 15 Kahit na mas maunlad kayo kaysa sa inyong kapwa, lilipulin ko kayo. Paiihipin ko ang mainit na hanging silangan na nagmumula sa disyerto at matutuyo ang inyong mga bukal at mga balon. At sasamsamin ang inyong mahahalagang pag-aari. 16 Dapat parusahan ang mga taga-Samaria dahil sa kanilang pagrerebelde sa akin na kanilang Dios. Mamamatay sila sa digmaan. Dudurugin ang kanilang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga buntis.”
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®