M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahari ni Hoshea sa Israel
17 Naging hari ng Israel ang anak ni Elah na si Hoshea nang ika-12 taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng siyam na taon. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
3 Nilusob ni Haring Shalmanaser ng Asiria si Hoshea at natalo niya ito, kaya napilitang magbayad ng buwis taun-taon ang Israel sa Asiria. 4 Pero nagplano si Hoshea laban sa hari ng Asiria sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Haring So ng Egipto para makalaya sa kapangyarihan ng Asiria. Hindi na rin siya nagbayad ng buwis katulad ng ginagawa niya taun-taon. Nang malaman ng hari ng Asiria na nagtraydor si Hoshea, ipinadakip niya ito at ipinakulong.
5 Pagkatapos, nilusob ng hari ng Asiria ang buong Israel. Sa loob ng tatlong taon, pinaligiran niya ang Samaria. 6 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Hoshea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinala ang mga taga-Israel sa Asiria bilang mga bihag. Pinatira niya sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.
7 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan 8 at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila. 9 Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Panginoon na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar[a] sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod. 10 Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. 11 Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa Panginoon. 12 Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.” 13 Paulit-ulit na nagpapadala ang Panginoon ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.” 14 Pero hindi sila nakinig. Matitigas ang ulo nila katulad ng mga ninuno nilang walang tiwala sa Panginoon na kanilang Dios. 15 Itinakwil nila ang tuntunin ng Panginoon, ang kasunduang ginawa niya sa mga ninuno nila, at hindi rin sila nakinig sa mga babala niya. Sinunod nila ang mga walang kwentang dios-diosan at silaʼy naging walang kwenta na rin. Ginawa nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon na ginagawa ng mga bansang nakapalibot sa kanila. 16 Itinakwil nila ang lahat ng utos ng Panginoon na kanilang Dios. Gumawa sila ng larawan ng dalawang guya at posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba sila sa lahat ng bagay na nasa langit, at kay Baal. 17 Inihandog nila ang mga anak nila sa apoy. Sumangguni sila sa mga manghuhula, gumamit ng pangkukulam at ipinagbili ang sarili nila sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at ito ang nakapagpagalit sa kanya.
18 Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain. 19 Pero kahit ang mga taga-Juda ay hindi rin sumunod sa mga utos ng Panginoon na kanilang Dios. Ginawa rin nila kung ano ang mga ginawa ng mga taga-Israel. 20 Kaya itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mamamayan ng Israel. Ibinigay niya sila sa mga kaaway nila bilang parusa hanggang sa mawala sila sa kanyang presensya.
21 Nang ihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaharian ni David, ginawang hari ng mga taga-Israel si Jeroboam na anak ni Nebat. Hinikayat ni Jeroboam ang mga taga-Israel sa pagtalikod sa Panginoon at siya ang nagtulak sa kanila sa paggawa ng napakalaking kasalanan. 22 Nagpatuloy sa pagsunod ang mga taga-Israel sa mga kasalanan ni Jeroboam at hindi sila tumalikod dito, 23 hanggang sa pinalayas sila ng Panginoon sa kanyang harapan, ayon sa babala niya sa kanila sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. Kaya binihag ng Asiria ang lahat ng mamamayan ng Israel at doon sila nakatira hanggang ngayon.
Nanirahan ang mga Taga-Asiria sa Israel
24 Nagpadala ang hari ng Asiria ng mga tao mula sa Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim, at pinatira niya sila sa mga bayan ng Samaria para palitan ang mga Israelita. Sinakop ng mga taga-Asiria ang Samaria at ang iba pang mga bayan ng Israel. 25 Sa simula pa lang ng pagtira nila roon ay hindi na sila sumamba sa Panginoon, kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga leon para patayin sila. 26 Sinabi ng mga tao sa hari ng Asiria: “Ang mga pinatira mo sa mga bayan ng Samaria ay walang alam sa kautusan ng dios sa lugar na iyon. Kaya nagpadala siya ng mga leon para patayin sila dahil hindi nga nila nalalaman ang kanyang kautusan.”
27 Kaya, nag-utos ang hari ng Asiria, “Pabalikin sa Samaria ang isa sa mga pari na binihag natin. Hayaan nʼyo siyang magturo sa mga bagong nakatira roon kung ano ang kautusan ng dios sa lugar na iyon.” 28 Kaya ang isa sa mga pari na binihag mula sa Samaria ay bumalik at tumira sa Betel, at tinuruan niya ang mga bagong nakatira roon kung paano sambahin ang Panginoon. 29 Pero ang ibaʼt ibang grupo ng mga taong ito ay patuloy pa rin sa paggawa ng sarili nilang mga dios-diosan. Sa bawat bayan na tinitirhan nila ay nilalagyan nila ng mga dios-diosan sa mgasambahan sa matataas na lugar na ginawa ng mga taga-Samaria. 30 Ginawang dios ng mga taga-Babilonia si Sucot Benot. Sinamba ng mga taga-Cuta ang dios nilang si Nergal. Sinamba naman ng mga taga-Hamat si Ashima. 31 Sinamba ng mga taga-Ava ang dios nilang sina Nibhaz at Tartac. Sinunog naman sa apoy ng mga taga-Sefarvaim ang mga anak nila bilang handog sa dios nilang sina Adramelec at Anamelec. 32 Sinamba nila ang Panginoon, pero pumili sila ng mga pari na mula sa kanila para mag-alay ng mga handog sa mga sambahan sa matataas na lugar. 33 Kahit sinasamba nila ang Panginoon, patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan ayon sa kaugalian ng mga bansang pinanggalingan nila. 34 Hanggang ngayon, ginagawa pa rin nila ito. Wala silang takot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, mga turo at mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa lahi ni Jacob, na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa ang Panginoon ng kasunduan sa mga Israelita, at iniutos sa kanila: “Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan o lumuhod sa kanila o maglingkod, o kayaʼy maghandog sa kanila. 36 Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa Egipto sa pamamagitan ng dakila kong kapangyarihan at lakas. Ako lamang ang inyong sasambahin at hahandugan. 37 Palagi ninyong sundin ang mga tuntunin, turo at mga kautusan na isinulat ko para sa inyo. Hindi kayo dapat sumamba sa ibang dios. 38 Huwag ninyong kalimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo at huwag kayong sasamba sa ibang dios. 39 Sa halip, ako lamang ang sambahin ninyo, ang Panginoon na inyong Dios. Ako lang ang magliligtas sa inyo sa lahat ng kaaway ninyo.”
40 Pero hindi nakinig ang mga taong iyon at nagpatuloy sila sa dati nilang ginagawa. 41 Habang sinasamba ng mga bagong naninirahan ang Panginoon, sumasamba rin sila sa mga dios-diosan nila. Hanggang ngayon ito pa rin ang ginagawa ng mga angkan nila.
Ang Ugaling Cristiano
3 Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga may kapangyarihan. Kinakailangang lagi silang handa sa paggawa ng anumang mabuti. 2 Huwag nilang siraan ang sinuman, at huwag silang maging palaaway, sa halip, dapat silang maging maunawain at mapagpakumbaba sa lahat. 3 Sapagkat noong una, tayo rin ay kulang sa pang-unawa tungkol sa katotohanan at mga masuwayin. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng kahalayan at kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Kinapootan tayo ng iba, at kinapootan din natin sila. 4 Ngunit nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay. 6 Masaganang ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas, 7 upang sa kanyang biyayaʼy maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan. 8 Ang mga aral na itoʼy totoo at mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong ituro mo ang mga bagay na ito upang ang mga sumasampalataya sa Dios ay maging masigasig sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy mabuti at kapaki-pakinabang sa lahat. 9 Ngunit iwasan mo ang mga walang kwentang pagtatalo-talo, ang pagsusuri kung sinu-sino ang mga ninuno, at ang mga diskusyon at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong naidudulot na mabuti. 10 Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Itakwil mo siya kung pagkatapos ng dalawang babalaʼy hindi pa rin siya nagbabago. 11 Alam nʼyo na masama ang ganyang tao, at ang kanyang mga kasalanan mismo ang nagpapatunay na parurusahan siya.
Mga Huling Bilin
12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tykicus. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong makapunta agad sa akin sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin mo ang iyong magagawa para matulungan sina Zenas na abogado at Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mo na hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan. 14 At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.
15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa amin.
Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.
10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. 2 Mapanlinlang sila,[a] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. 3 Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ 4 Puro salita lang sila[b] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.
5 “Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila 6 at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[c] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[d] 7 Mawawala ang kanyang[e] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. 8 Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[f] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”
Hinatulan ang Israel
9 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[g] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[h] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[i]
13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[j] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”
Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
2 “Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
3 Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
4 Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”
5 Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
6 Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
7 Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
8 Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®