M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)
16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jotam na si Ahaz nang ika-17 taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel. 2 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. 3 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga naging hari ng Israel, at kahit ang kanyang anak ay inihandog niya sa apoy. Ginaya niya ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 4 Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5 Nakipaglaban sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel kay Ahaz. Nilusob nila ang Jerusalem pero hindi nila ito nasakop. 6 Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram[a] ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo[b] roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.
7 Nagsugo ng mga mensahero si Ahaz para sabihin kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria, “Lingkod mo ako at kakampi. Iligtas mo ako sa mga kamay ng hari ng Aram at ng hari ng Israel na lumulusob sa akin.” 8 Kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa templo ng Panginoon at mga kabang-yaman sa palasyo at ipinadala ito bilang regalo sa hari ng Asiria. 9 Pumayag ang hari ng Asiria sa kahilingan ni Ahaz, kaya nilusob niya ang Damascus at sinakop ito. Dinala niya sa Kir ang mga naninirahan dito bilang mga bihag at pinatay niya si Rezin.
10 Pagkatapos, pumunta si Haring Ahaz sa Damascus para makipagkita kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria. Nang naroon na siya, may nakita siyang altar. Kaya pinadalhan niya ang paring si Uria ng plano ng altar kasama ang mga detalye sa paggawa nito. 11 Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus. 12-13 Pagdating ni Haring Ahaz mula sa Damascus, nakita niya ang altar. Lumapit siya dito at nag-alay[c] ng handog na sinusunog at handog na pagpaparangal at ibinuhos niya sa altar ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.[d] 14 Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar. 15 Inutusan niya ang paring si Uria, “Gamitin mo ang bagong altar para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon tuwing gabi. Gamitin mo rin ito sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at handog ng pagpaparangal ng hari at ng mga tao, pati na rin ang kanilang mga handog na inumin. Iwisik mo sa bagong altar ang dugo ng handog na sinusunog at ng iba pang mga handog. Pero gagawin kong lugar na aking dalanginan ang tansong altar.” 16 At ginawa nga ng paring si Uria ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz sa kanya.
17 Pagkatapos, inalis ni Haring Ahaz ang mga dingding ng kariton at mga planggana na nasa ibabaw nito. Inalis rin niya ang malaking kawa ng tubig na tinatawag na Dagat sa likod ng mga tansong toro at inilagay ito sa patungang bato. 18 Para masiyahan ang hari ng Asiria, inalis ni Ahaz sa palasyo ang bubong na ginagamit kung Araw ng Pamamahinga at isinara ang daanan ng mga hari ng Juda papasok sa templo.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Wastong Pagtuturo
2 Ngunit ikaw, Tito, ituro mo ang naaayon sa wastong aral. 2 Ang mga nakatatandang lalaki ay turuan mong maging mahinahon, marangal, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[a] at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis. 3 Ganoon din sa mga nakatatandang babae: turuan mo silang mamuhay nang maayos bilang mga mananampalataya. Huwag silang mapanira sa kapwa, at huwag maging mahilig sa alak. Dapat ay ituro nila ang mabuti, 4 upang maturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, 5 marunong magpasya kung ano ang nararapat, malinis ang isipan, masipag sa tahanan, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Dios na ating itinuturo.
6 Ganoon din, hikayatin mo ang mga nakababatang lalaki na magpasya kung ano ang nararapat. 7 Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. 8 Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.
9 Turuan mo rin ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. At huwag silang maging palasagot. 10 Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo, kundi ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Dios na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.
15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Ang Parusa sa Israel
9 Sinabi ni Hoseas, “Kayong mga taga-Israel, tigilan na ninyo ang inyong mga pagdiriwang katulad ng ginagawa ng mga taga-ibang bansa. Sapagkat sumasamba kayo sa mga dios-diosan at lumalayo sa inyong Dios. Kahit saang giikan ng trigo ay ipinagdiriwang ninyo ang mga ani na itinuturing ninyong bayad sa inyo ng mga dios-diosan dahil sa inyong pagsamba sa kanila. 2 Pero sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong katas ng ubas. 3 Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo[a] sa Egipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi. 4 Hindi na kayo papayagang maghandog ng inumin sa Panginoon. Maghandog man kayo ng mga handog ay hindi rin siya malulugod. At ang sinumang kumain ng mga handog na iyan ay ituturing na marumi dahil katulad ito ng pagkain sa bahay ng namatayan.[b] Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa templo ng Panginoon. 5 Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon? 6 Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Egipto at ililibing sa Memfis.[c] Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak at ang inyong mga tolda.
7 “Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, ‘Ang propetang iyan ay hangal, isang lingklod ng Dios na nasisiraan ng ulo.’ Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin. 8 Bilang propeta, kasama ko ang Dios sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Pero kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Dios na kanyang tahanan.[d] 9 Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea.[e] Aalalahanin ng Dios ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.”
10 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko[f] ang mga ninuno ninyo na maging aking mga mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Pero nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na dios-diosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na dios-diosang iyon na kanilang iniibig. 11 Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan. 12 At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.
13 “Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Pero ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”
14 Sinabi ni Hoseas: Panginoon, ganoon nga po ang gawin nʼyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.
15 Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno. 16 Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”
17 Sinabi ni Hoseas, “Itatakwil ng aking Dios ang mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya mangangalat sila sa ibaʼt ibang bansa.
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon
128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
2 Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
3 Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
4 Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
5 Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
6 Makita sana ninyo ang inyong mga apo.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®