Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 3

Naglaban ang Israel at ang Moab

Naging hari ng Israel ang anak ni Ahab na si Joram nang ika-18 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng 12 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato na ipinatayo ng kanyang ama sa pagpaparangal kay Baal. Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

Si Haring Mesha ng Moab ay nag-aalaga ng mga tupa. Taun-taon ay nagbibigay siya sa hari ng Israel ng 100,000 batang tupa at balahibo ng 100,000 lalaking tupa dahil sakop ng Israel ang bansa nila. Pero pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel. Nang panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria para lusubin ang Moab. Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?” Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasama ako sa iyo. Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.” Nagtanong si Jehoshafat, “Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”

Kaya lumakad ang hari ng Israel, ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila. 10 Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ibigay lang sa kamay ng hari ng Moab?” 11 Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?” Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.” 12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay sumasakanya.” Kaya pumunta si Jehoshafat ang hari ng Israel, at ang hari ng Edom kay Eliseo.

13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!” Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Dahil ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo upang ibigay lang sa kamay ng mga Moabita.” 14 Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Makapangyarihang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda. 15 Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”

Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo, 16 at sinabi niya, “Sinabi ng Panginoon na magkakaroon ng maraming tubig sa lambak na ito. 17 Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop. 18 Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon. Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay. 19 Pupuksain ninyo ang bawat napapaderang lungsod at pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.” 20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.

21 Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at pinapwesto sila sa hangganan ng Moab. 22 Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasing pula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw. 23 Sinabi nila, “Dugo iyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”

24 Pero pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel, lumabas ang mga Israelita at nilusob sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at pinagpapatay sila. 25 Winasak nila ang mga bayan, hinagisan ng mga bato ang bawat magagandang bukirin hanggang sa itoʼy matabunan. Pinagtatakpan nila ang mga bukal at pinagpuputol ang magagandang puno. Ang Kir Hareset na lang ang natira, pero pinalibutan din sila ng mga lalaking may dalang tirador at nilusob.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila sa labanan, dinala niya ang 700 tao na may mga espada para hawiin ang mga sundalo ng hari ng Edom at makatakas, pero nabigo sila. 27 Kaya kinuha niya ang panganay niyang anak na papalit sana sa kanya bilang hari, at inialay niya ito sa may pader bilang handog na sinusunog. Dahil sa sobrang galit[a] laban sa Israel, pinabayaan na lang nila ang hari ng Moab at umuwi sila sa lupain nila.

2 Tesalonica 3

Ipanalangin Ninyo Kami

At ngayon, mga kapatid, ipanalangin nʼyo kami para lumaganap nang mabilis ang salita ng Panginoon at malugod na tanggapin sa iba pang mga lugar, katulad ng pagtanggap ninyo. Ipanalangin nʼyo rin na maligtas kami sa mga masasama at makasalanang tao; dahil hindi lahat ng taoʼy naniniwala sa itinuturo namin. Pero tapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa diyablo. Dahil sa Panginoon, nagtitiwala kaming ginagawa nʼyo at patuloy na gagawin ang mga ibinilin namin. Gabayan nawa kayo ng Panginoon para makita sa inyo ang pag-ibig ng Dios at katatagan ni Cristo.

Tungkol sa Katamaran

Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, iniuutos namin sa inyo na layuan nʼyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo. Sapagkat alam naman ninyo na dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo nang hindi namin binayaran. Sa halip, nagtrabaho kami araw at gabi para hindi kami maging pabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi para bigyan kayo ng halimbawa para sundin ninyo. 10 Nang kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.

11 Binabanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw magtrabaho, at walang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba. 12 Kaya sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba.

13 At sa inyo naman, mga kapatid, huwag kayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 14 Kung mayroon mang ayaw sumunod sa mga sinabi namin sa sulat na ito, tandaan nʼyo kung sino siya at iwasan para mapahiya siya. 15 Ngunit huwag nʼyo siyang ituring na kaaway, kundi paalalahanan siya bilang kapatid.

Paalam at Bendisyon

16 Nawaʼy ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya ring magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon, maging anuman ang kalagayan ninyo. At patnubayan nawa kayong lahat ng Panginoon.

17 Akong si Pablo ang mismong sumusulat ng pagbating ito: Binabati ko kayong lahat. Ganito ang ginagamit kong paraan sa lahat ng sulat ko para malaman nʼyo na ako nga ang sumulat. 18 Pagpalain nawa kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Daniel 7

Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop

Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:

“Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon. Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.

“Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.

“Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa[a] at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’

“Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.

“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.

“Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.

“Pagkatapos ay nakita kong may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Dios na Nabubuhay Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong. 10 At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Milyon-milyon ang mga naglilingkod sa kanya. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat.

11 “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan. 12 At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maigsing panahon.

13 “Pagkatapos, nakita ko ang parang tao[b] na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Dios na Nabubuhay Magpakailanman. 14 Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika. Ang paghahari niya ay walang hanggan. At walang makakapagpabagsak ng kaharian niya.

Ang Kahulugan ng Panaginip

15 “Nabagabag ako sa aking nakita. 16 Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon. 17 Sinabi niya, ‘Ang apat na hayop ay nangangahulugan ng apat na haring maghahari sa mundo. 18 Pero ang mga banal[c] ng Kataas-taasang Dios ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’

19 “Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan. 20 Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay. 21 Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya. 22 Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23 “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo. 24 Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari. 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista[d] at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon. 26 Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos. 27 At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian[e] ay magpapasakop sa kanila.

28 “Iyon ang panaginip ko. Nabagabag ako at namutla sa takot. Pero hindi ko ito sinabi kahit kanino.”

Salmo 114-115

Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto

114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
    na kung saan iba ang wika ng mga tao.
Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
    at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
Nayanig ang mga bundok at burol,
    na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
    at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
    na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.

Iisa ang Tunay na Dios

115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
    kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”

Ang aming Dios ay nasa langit,
    at ginagawa niya ang kanyang nais.
Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
    may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
    magtiwala kayo sa Panginoon.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
    magtiwala kayo sa kanya.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
    pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®