M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Elias at si Haring Ahazia
1 Nang mamatay si Ahab, nagrebelde ang Moab sa Israel.
2 Isang araw, nahulog si Ahazia mula sa bintanang may rehas sa itaas ng kwarto niya sa Samaria, at lubha siyang napinsala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron, para magtanong kung gagaling pa siya sa pagkakabaldado niya.
3 Samantala, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at tanungin mo sila: Bakit kayo pupunta kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? 4 Kaya ngayon, sabihin ninyo kay Ahazia na ito ang sinasabi sa kanya, ng Panginoon, ‘Hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ” Pagkatapos, umalis na si Elias.
5 Nang masabihan na ni Elias ang mga mensahero, bumalik ang mga ito sa hari. Tinanong sila ng hari, “Bakit kayo bumalik?” 6 Sumagot sila, “Sinalubong po kami ng isang tao at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari at sabihin ninyo ang sinabi ng Panginoon: Bakit nagpadala ka ng mga tao para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ”
7 Tinanong sila ng hari, “Ano ang itsura ng taong sumalubong at nagsabi nito sa inyo?” 8 Sumagot sila, “Nakasuot po siya ng damit na yari sa balahibo ng hayop at nakasinturon na yari sa balat.” Sinabi ng hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.” 9 Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal,[a] kasama ang 50 tauhan, para hulihin si Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.” 10 Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
11 Muling nagpadala ang hari ng isang opisyal kasama ang 50 tauhan para hulihin si Elias. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka agad sa kanya!” 12 Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Dios mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
13 Nagpadala ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang 50 tauhan. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya bilang paggalang, at nagmakaawa, “Lingkod ng Dios, mahabag ka sa akin at sa mga tauhan ko. Huwag mo kaming patayin na iyong mga lingkod. 14 Nalaman ko na sinunog mo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero mahabag kayo sa amin.”
15 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumama si Elias sa opisyal papunta sa hari.
16 Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Bakit nagsugo ka ng mga mensahero para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel na mapagtatanungan mo? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!”
17 Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. Dahil walang anak na lalaki si Ahazia, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda. 18 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
1 Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pagbabalik ni Cristo at ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo. Nararapat lang na gawin namin ito, dahil patuloy na lumalago ang pananampalataya nʼyo kay Cristo at pagmamahalan sa isaʼt isa. 4 Kaya naman, ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Dios sa ibang lugar dahil sa katatagan at pananampalataya nʼyo, sa kabila ng lahat ng dinaranas ninyong paghihirap at pag-uusig.
5 Nagpapatunay ang mga ito na makatarungan ang hatol ng Dios, dahil ang dinaranas ninyong paghihirap para sa kaharian niya ay gagamitin niyang patotoo na karapat-dapat nga kayong mapabilang dito. 6 Gagawin ng Dios ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 At kayong mga naghihirap ay bibigyan niya ng kapahingahan kasama namin. Mangyayari ito pagbalik ng Panginoong Jesus galing sa langit kasama ng makapangyarihan niyang mga anghel. 8 Darating siyang napapalibutan ng nagliliyab na apoy, at parurusahan niya ang mga hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Magandang Balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. 9 Parurusahan sila ng walang hanggang paghihirap at pagkawalay sa Panginoon, at hindi na nila makikita pa ang dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng pagbabalik niya, at papapurihan at pararangalan siya ng mga pinabanal niya na walang iba kundi ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo rito, dahil sumampalataya kayo sa ipinahayag namin sa inyo.
11 Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Piging ni Belshazar
5 1-3 Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang 1,000 marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Dios sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito para gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman. 4 At habang silaʼy nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga dios na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan. 6 Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot. 7 Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo,[a] at mga manghuhula.
Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8 Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito. 9 Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.
10 Nang marinig ng reyna[b] ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala, 11 dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.[c] Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo. 12 Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Belteshazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader.”
13 Kaya ipinatawag si Daniel. At nang siyaʼy dumating, sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw pala si Daniel na isa sa mga bihag na Judio na dinala rito ng aking ama mula sa Juda. 14 Nabalitaan kong ang espiritu ng mga dios ay nasa iyo at mayroon kang pambihirang kakayahan at karunungan. 15 Ipinatawag ko na ang marurunong, pati na ang mga engkantador, para ipabasa at ipaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader, pero hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan kong marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga pangyayari at kaya mo ring lutasin ang mabibigat na mga problema. Kung mababasa mo at maipapaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyan, pabibihisan kita ng maharlikang damit at pasusuotan ng gintong kwintas. At gagawin kitang pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
17 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng regalo; ibigay nʼyo na lamang sa iba. Pero babasahin ko pa rin para sa inyo ang nakasulat sa pader at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito.
18 “Mahal na Hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay ginawang hari ng Kataas-taasang Dios. Naging makapangyarihan siya at pinarangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Dios sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba. 20 Pero siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari, 21 at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.
22 “At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba, 23 sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Dios at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga dios-diosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga dios na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Dios na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan. 24-25 Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon para isulat ang mga katagang ito:
“Mene, Mene, Tekel, Parsin. 26 Ang ibig sabihin nito:
Ang Mene ay nangangahulugan na bilang na ng Dios ang natitirang araw ng paghahari mo, dahil wawakasan na niya ito.
27 Ang Tekel ay nangangahulugan na tinimbang ka ng Dios at napatunayang ikaw ay nagkulang.
28 Ang Parsin[d] ay nangangahulugan na ang kaharian moʼy mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”
29 Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia.
30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia.[e] 31 At si Darius na taga-Media ang pumalit sa kanya, na noon ay 62 taong gulang na.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®