M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinaghanda ni Micaya si Ahab(A)
22 Sa loob ng tatlong taon, walang nangyaring labanan sa pagitan ng Aram[a] at ng Israel. 2 At nang ikatlong taon, nakipagkita si Haring Jehoshafat ng Juda kay Ahab na hari ng Israel. 3 Sinabi ni Ahab[b] sa kanyang mga opisyal, “Alam ninyo na atin ang Ramot Gilead. Pero bakit hindi tayo gumagawa ng paraan para mabawi natin ito sa hari ng Aram?” 4 Kaya tinanong ni Ahab si Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat kay Ahab, “Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko. 5 Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang masasabi niya.”
6 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!” 7 Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon dito na mapagtatanungan natin?” 8 Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.” 9 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang mga opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuan ng bayan ng Samaria. At nakikinig sila sa sinasabi ng mga propeta. 11 Si Zedekia na isa sa mga propeta na anak ni Kenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon kay Haring Ahab: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ” 12 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Haring Ahab, lusubin nʼyo ang Ramot Gilead, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
13 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang sabihin mo.” 14 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon, na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
15 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin ninyo at magtatagumpay kayo, dahil ipapatalo ito ng Panginoon sa inyo.” 16 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 17 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala nang pinuno. Matiwasay nʼyo silang pauwiin.’ ” 18 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
19 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at may mga makalangit na nilalang na nakatayo sa kanyang kaliwa at kanan. 20 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 21 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ 22 Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa papaanong paraan?’ Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
23 At sinabi ni Micaya, “At ngayon pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasabi sa kanila ng kasinungalingan. Itinakda ng Panginoon na matalo ka.” 24 Lumapit si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 25 Sumagot si Micaya, “Malalaman nʼyo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtago sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
26 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 27 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito. Tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang sa makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kung makakabalik kayo nang ligtas, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
Namatay si Ahab(B)
29 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Ahab na hari ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 30 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw magsuot ka ng iyong damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
31 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa 32 kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 32 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero nang sumigaw si Jehoshafat, 33 nalaman ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel kaya huminto sila sa paghabol sa kanya.
34 Pero habang pinapana ng isang sundalong Arameo ang mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal na lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo. Dumaloy ang dugo niya sa karwahe, at namatay siya kinahapunan. 36 Nang papalubog na ang araw, may sumigaw sa mga sundalo ng Israel, “Ang bawat isa ay magsiuwi na sa kani-kanilang lugar!”
37 Nang mamatay ang hari ng Israel, dinala ang kanyang bangkay sa Samaria, at doon inilibing. 38 Hinugasan nila ang karwahe sa paliguan sa Samaria, kung saan naliligo ang mga babaeng bayaran, at ang dugo niya ay dinilaan ng mga aso. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon.
39 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahab, at ang lahat ng ginawa niya, pati ang pagpapatayo niya ng magandang palasyo, at pagpapatibay ng mga lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 40 Nang mamatay si Ahab, ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoshafat sa Juda(C)
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Si Jehoshafat ay 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi. 43 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Pero hindi niya winasak ang mga sambahan sa matataas na lugar,[c] kaya ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng mga insenso roon. 44 May magandang relasyon din si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoshafat, at ang mga pagtatagumpay sa labanan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaking nagbebenta ng aliw sa mga sambahan sa matataas na lugar, na hindi umalis noong panahon ng ama niyang si Asa. 47 Nang panahong iyon ay walang hari sa Edom; pinamamahalaan lang ito ng isang pinuno na pinili ni Jehoshafat.
48 May ipinagawa si Jehoshafat na mga barko na pangkalakal[d] na naglalayag sa Ofir para kumuha ng ginto. Pero hindi nakapaglayag ang mga ito dahil nasira pagdating sa Ezion Geber. 49 Nang panahong iyon, sinabi ni Ahazia na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Pasamahin mo ang aking mga tauhan sa iyong mga tauhan sa kanilang paglalayag.” Pero hindi pumayag si Jehoshafat.
50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. Ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ahazia sa Israel
51 Naging hari ng Israel si Ahazia na anak ni Ahab noong ika-17 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Ahazia, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. 52 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, dahil sumunod siya sa kanyang amaʼt ina, at kay Jeroboam na anak ni Nebat, na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. 53 Sumamba siya at naglingkod kay Baal. Katulad ng ginawa ng kanyang ama, ginalit din niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
Maging Handa sa Pagbalik ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, 2 dahil alam na ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. 3 Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan nila katulad ng pagsumpong ng sakit na nararamdaman ng babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas. 4 Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. 5 Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. 7 Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[a] 8 Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. 9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.
Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati
12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.
14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang ginagawa ng Banal na Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga pahayag ng Dios. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat para malaman kung galing ito sa Dios o hindi. Panghawakan nʼyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.
23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.
25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.
26 Magiliw ninyong batiin ang lahat ng mga kapatid diyan.[b]
27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pangalawang Panaginip ni Nebucadnezar
4 Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang mensahe para sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika sa buong mundo. Ito ang nakasulat:
“Sumainyo nawa ang mabuting kalagayan.
2 “Nais kong ipaalam sa inyo ang mga himala at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Dios.
3 Kamangha-mangha at makapangyarihan ang mga himalang ipinakita ng Dios.
Ang paghahari niya ay walang hanggan.
4 “Ang aking kalagayan dito sa palasyo ay mabuti at namumuhay ako sa kasaganaan. 5 Pero nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin. 6 Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia para ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip. 7 Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo,[a] sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
8 “Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Belteshazar na pangalan din ng aking dios. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.)[b] Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip. 9 Sinabi ko, ‘Belteshazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga dios at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip. 10 Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo. 11 Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo. 12 Mayabong ang kanyang mga dahon at marami ang kanyang bunga na maaaring kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong dito at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. At dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.’
13 “Nakita ko rin sa panaginip ang isang anghel[c] na bumaba mula sa langit. 14 Sumigaw siya, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy na iyan at ang mga sanga nito. Alisin ang mga dahon nito at itapon ang mga bunga. Bugawin ninyo ang mga hayop na sumisilong at ang mga ibon na namumugad sa mga sanga nito. 15 Pero hayaan ninyo ang tuod sa gitna ng kaparangan para maging talian ng bakal at tanso.’
“Ang taong sinisimbolo ng punong iyon ay laging mababasa ng hamog at kakain ng damo kasama ng mga hayop. 16 Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop. 17 Ito ang hatol na sinabi ng anghel para malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.
18 “Ito ang panaginip ko, Belteshazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Pero maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga dios.”[d]
Ipinaliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
19 Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo. 20 Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo, 21 na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga, 22 ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit,[e] at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”
23 Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’
24 “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo: 25 Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. 26 Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Dios ang siyang naghahari sa lahat. 27 Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong maunlad.”
28 Ang lahat ng itoʼy nangyari sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Pagkalipas ng isang taon mula nang ipaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng kanyang panaginip, ganito ang nangyari:
Habang namamasyal si Haring Nebucadnezar sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia 30 sinabi niya, “Talagang makapangyarihan ang Babilonia, ang itinayo kong maharlikang bayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan at para sa aking karangalan.”
31 Hindi pa siya halos natatapos sa pagsasalita, may tinig mula sa langit na nagsabi, “Haring Nebucadnezar, makinig ka: Binabawi ko na sa iyo ang iyong kapangyarihan bilang hari. 32 Itataboy ka mula sa mga tao at maninirahan kang kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain ka ng damo na parang baka. Pagkatapos ng pitong taon ay kikilalanin mo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.”
33 Nangyari nga agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya mula sa mga tao at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan, at humaba ang kanyang buhok na parang balahibo ng agila at ang kanyang kuko ay parang kuko ng ibon.
34 “Pagkatapos ng pitong taon, ako, si Nebucadnezar ay lumapit sa Dios[f] at nanumbalik ang matino kong pag-iisip. Kaya pinuri ko at pinarangalan ang Kataas-taasang Dios na buhay magpakailanman. Sinabi ko,
‘Ang paghahari niya ay walang katapusan.
35 Balewala ang mga tao sa mundo kung ikukumpara sa kanya.
Ginagawa niya ang nais niya sa mga anghel sa langit at sa mga tao sa lupa.
Walang makakatutol o makakahadlang sa kanya.’
36 “Nang manumbalik na ang aking katinuan, ibinalik din sa akin ang karangalan at kapangyarihan bilang hari. Muli akong tinanggap ng aking mga opisyal at mga tagapayo, at akoʼy naging mas makapangyarihan kaysa dati. 37 Kaya ngayon, pinupuri koʼt pinararangalan ang Hari ng langit, dahil matuwid at tama ang lahat niyang ginagawa at ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.”
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan
109 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!
2 Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.
Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
3 Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.
4 Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,
ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.
5 Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.
At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.
6 Sinasabi nila,[e]
“Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,
at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.
7 At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,
at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.
8 Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.
9 At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.
10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anak
at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.
11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,
at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.
12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.
13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.
14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;
at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.
16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,
sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.
17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.
Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.
18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.
Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,
at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.
19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”
20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.
21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.
Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.
22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.
23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,
at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.
24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.
Akoʼy payat na payat na.
25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.
Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.
26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.
27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.
28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.
Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.
29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,
mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.
30 Pupurihin ko ang Panginoon,
pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.
31 Dahil tinutulungan niya ang mga dukha upang iligtas sila sa mga nais magpahamak sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®