M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Ubasan ni Nabot
21 May isang taong taga-Jezreel na ang pangalan ay Nabot. May taniman siya ng ubas sa Jezreel sa tabi ng palasyo ni Haring Ahab ng Samaria. 2 Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Dahil malapit sa palasyo ko ang taniman mo ng ubas, ibigay mo na lang iyan sa akin para gawin kong taniman ng mga gulay. At bilang kapalit, bibigyan kita ng mas magandang ubasan o kung gusto mo, babayaran kita sa nararapat na halaga nito.” 3-4 Pero sumagot si Nabot, “Hindi po papayag ang Panginoon na ibigay ko sa inyo ang minana ko sa aking mga ninuno.”
Umuwi si Ahab na malungkot at galit dahil sa sagot ni Nabot sa kanya. Nahiga siya paharap sa dingding at ayaw kumain. 5 Pinuntahan siya ni Jezebel na kanyang asawa, at tinanong, “Bakit ka ba nalulungkot? Bakit ayaw mong kumain?” 6 Sumagot siya, “Sinabi ko kay Nabot na bibilhin ko ang taniman niya ng ubas o kung gusto niya ay papalitan ko ito ng mas magandang ubasan, pero hindi siya pumayag.” 7 Sinabi ni Jezebel, “Hindi baʼt ikaw ang hari ng Israel? Bumangon ka at kumain! Magpakasaya ka dahil ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel.”
8 Kaya sumulat si Jezebel sa pangalan ni Ahab, tinatakan niya ito ng tatak ng hari, at ipinadala sa mga tagapamahala at sa iba pang mga opisyal ng lungsod kung saan nakatira si Nabot. 9 Ito ang mensahe ng kanyang sulat: “Tipunin ninyo ang mga mamamayan para mag-ayuno, at paupuin ninyo si Nabot sa unahan ng mga tao. 10 Pagkatapos, paupuin ninyo sa harapan niya ang dalawang masamang tao para paratangan siya na isinumpa niya ang Dios at ang hari. Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”
11 Ginawa ng mga tagapamahala at ng iba pang mga opisyal ang sinabi sa kanila ni Jezebel sa sulat. 12 Tinipon nga nila ang mga mamamayan para mag-ayuno at pinaupo nila si Nabot sa unahan ng mga ito. 13 Pagkatapos, may dumating na dalawang masamang tao, umupo sa harapan ni Nabot, at pinaratangan nila ito sa harapan ng mga tao. Sinabi nila, “Isinumpa ni Nabot ang Dios at ang hari.” Kaya dinala nila si Nabot sa labas ng lungsod, at binato hanggang mamatay. 14 Pagkatapos, sumulat sila kay Jezebel na binato nila si Nabot at patay na ito.
15 Nang malaman ni Jezebel na patay na si Nabot, sinabi niya kay Ahab, “Patay na si Nabot kaya lumakad ka at angkinin mo ang taniman niya ng ubas na itinanggi niyang ibenta sa iyo.” 16 Pagkarinig ni Ahab na patay na si Nabot, umalis siya agad para angkinin ang ubasan ni Nabot.
17 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin. 19 Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”
20 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon! 21 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi. 22 Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’
23 “At tungkol naman kay Jezebel, sinabi ng Panginoon, na kakainin siya ng mga aso sa pader ng Jezreel. 24 Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”
25 (Wala ng ibang taong ipinagbili ang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Ahab dahil sinulsulan siya ni Jezebel na kanyang asawa. 26 Gumawa siya ng masasamang bagay sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan, katulad ng ginawa ng mga Amoreo na pinalayas ng Panginoon sa mga Israelita.)
27 Pagkarinig ni Ahab sa sinabi ni Elias, sinira niya ang kanyang damit at nagsuot ng sako, kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya at malungkot na nagpalakad-lakad.
28 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 29 “Nakita mo ba kung papaano nagpakumbaba si Ahab ng kanyang sarili sa aking harapan? Dahil sa pagpapakumbaba niya, hindi ko na ipapadala ang kapahamakan sa panahon niya, kundi ipapadala ko ito sa pamilya ng kanyang anak kapag naghari na ito.”
Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios
4 Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. 2 Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: 3 Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. 4 Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[a] sa banal at marangal na pamamaraan, 5 at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, 6 upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. 7 Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. 8 Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.
9 Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.
Ang Pagbabalik ng Panginoon
13 Mga kapatid, gusto naming malaman nʼyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa. 14 Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama niya kay Jesus.
15 Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buhay pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon, ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Dios. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ang unang bubuhayin; 17 pagkatapos, ang mga buhay pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap para salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga, mga kapatid, pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.
Iniutos ni Nebucadnezar na Sambahin ang Rebulto
3 Nagpagawa si Haring Nebucadnezar ng rebultong ginto.[a] May 90 talampakan ang taas at 9 na talampakan ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2-3 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nebucadnezar ang mga gobernador, mga mayor, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan para dumalo sa pagtatalaga ng nasabing rebulto. Nang naroon na sila nakatayo sa harap ng rebulto, 4 sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, 5 kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. 6 Ang sinumang hindi sasamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” 7 Kaya nang marinig nila ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebulto.
8 Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia[b] na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Judio. 9 Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! 10 Hindi baʼt nag-utos po kayo na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, 11 at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? 12 Ngunit may ilang mga Judiong hindi sumusunod sa inyong utos. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga dios, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.”
13 Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag niya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. 14 Nang dumating sila, tinanong sila ng hari, “Totoo bang hindi ninyo iginagalang ang aking mga dios at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? 15 Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo.”
16 Sumagot silang tatlo, “Mahal na Hari, wala po kaming masasabi tungkol diyan. 17 Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. 18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”
19 Dahil sa sagot nilang iyon, lalo pang nagalit ang hari sa kanila, at kitang-kita ito sa kanyang mukha. Kaya iniutos niyang painitin pa ang hurno ng pitong ulit. 20 Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang pinakamalalakas na sundalo na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego, at itapon sa naglalagablab na hurno. 21 Kaya iginapos sila ng mga sundalo at itinapon sa hurno na hindi na inalis ang kanilang mga damit. 22 Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon sa kanila dahil sa lagablab ng apoy. 23 At silang tatlo na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno.
24 Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.”
25 Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang dios.”[c]
26 Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Dios, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno.
27 Pagkatapos, nagtipon sa kanila ang mga gobernador, mayor, komisyoner, at ang iba pang mga opisyal ng hari. At nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit.
28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nagsugo siya ng kanyang anghel para iligtas ang kanyang mga lingkod na nagtitiwala sa kanya. Hindi nila sinunod ang aking utos; minabuti pa nilang mapatapon sa apoy kaysa sumamba sa alinmang dios maliban sa kanilang Dios. 29 Kaya iniuutos ko na ang sinumang tao sa alinmang bansa, lahi, o wika na magsasalita ng masama laban sa Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego ay pagpuputol-putulin ang katawan at wawasakin ang kanilang mga bahay. Sapagkat walang dios na makapagliligtas katulad ng kanilang Dios.”
30 At binigyan ng hari sina Shadrac, Meshac at Abednego ng mas mataas pang tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4 May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5 Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6 Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7 At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.
23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®