Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 24

Isinensus ni David ang mga Sundalo Niya(A)

24 Muling nagalit ang Panginoon sa mga Israelita, kaya ginamit niya si David laban sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya na isensus ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Kaya sinabi ni Haring David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Puntahan nʼyo ang lahat ng lahi ng Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba,[a] at isensus nʼyo ang mga mamamayan, para malaman ko kung ilan silang lahat.” Pero sumagot si Joab sa hari, “Paramihin sana ng Panginoon na inyong Dios ang mga tauhan nʼyo ng 100 beses, at makita nʼyo sana ito. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito?” Ngunit nagpumilit si David, kaya lumakad si Joab at ang mga opisyal ng mga sundalo para isensus ang mga mamamayan ng Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagsimula[b] sa pagsensus sa Aroer, timog ng bayan na nasa gilid ng daluyan ng tubig. Mula roon dumiretso sila sa Gad hanggang sa Jazer. Pumunta rin sila sa Gilead, sa Tatim Hodsi, sa Dan Jaan, at umikot sila papuntang Sidon. Pagkatapos, pumunta sila sa napapaderang lungsod ng Tyre, at sa lahat ng bayan ng mga Hiveo at Cananeo, at sa kahuli-hulihan, nagpunta sila sa Beersheba, sa timog[c] ng Juda. Nalibot nila ang buong bansa sa loob ng 9 na buwan at 20 araw, at pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem.

Sinabi niya kay Haring David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 800,000 sa Israel at 500,000 sa Juda. 10 Nakonsensya si David, matapos niyang ipasensus ang mga tao. Kaya sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala po ako dahil sa ginawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa kasalanan ko, dahil isa pong kahangalan ang ginawa ko.”

11 Hindi pa nakakabangon si David kinaumagahan nang sabihin ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 12 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.”

13 Kaya pumunta si Gad at sinabi, “Alin po sa tatlong ito ang pipiliin nʼyo: Tatlong taon[d] na taggutom sa bansa nʼyo, tatlong buwan na tumatakas kayo sa mga kalaban nʼyo habang hinahabol nila kayo, o tatlong araw na salot sa bansa nʼyo? Pag-isipan nʼyo po ito nang mabuti, at ipaalam nʼyo po sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagsugo sa akin.”

14 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mas mabuti pang ang kamay ng Panginoon ang magparusa sa amin kaysa ang mga tao, dahil maawain ang Panginoon.”

15 Kaya nagpadala ang Panginoon ng matinding salot sa Israel mula noong umagang iyon hanggang sa itinakda niyang panahon. At 70,000 tao ang namatay mula Dan hanggang sa Beersheba. 16 Nang papatayin na ng anghel ang mga mamamayan ng Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao.[e] Kaya sinabi niya sa anghel na nagpaparusa sa mga tao, “Tama na! Huwag na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo.

Gumawa ng Altar si David

17 Nang makita ni David ang anghel na pumapatay ng mga tao, sinabi niya sa Panginoon, “Ako po ang may kasalanan. Ang mga taong itoʼy gaya ng mga tupa na walang nagawang kasalanan. Ako na lang po at ang sambahayan ko ang parusahan ninyo.”

18 Nang araw na iyon, nagpunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Umakyat kayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo at gumawa kayo roon ng altar para sa Panginoon.” 19 Kaya umakyat si David gaya ng iniutos ng Panginoon kay Gad. 20 Nang makita ni Arauna na paparating si David at ang mga tauhan nito, lumabas siya at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 21 Sinabi ni Arauna, “Mahal na Hari, bakit po kayo nandito?” Sumagot si David, “Pumunta ako rito para bilhin ang giikan mo, dahil gagawa ako ng altar para sa Panginoon, upang matigil na ang salot.” 22 Sinabi ni Arauna, “Kunin nʼyo na lang po at ihandog sa Panginoon ang anumang gustuhin nʼyo, Mahal na Hari. Narito ang mga baka para ialay nʼyo bilang handog na sinusunog. Narito rin po ang mga pamatok pati ang mga tabla na ginagamit sa paggiik, at gawin nʼyong panggatong. 23 Mahal na Hari, ibibigay ko po itong lahat sa inyo, at tanggapin sana ng Panginoon na inyong Dios ang handog ninyo.”

24 Pero sumagot si David, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre; babayaran kita. Hindi ako maghahandog sa Panginoon kong Dios ng mga handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” Kaya binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 pirasong pilak. 25 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[f] Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni David para sa Israel, at huminto ang matinding salot.

Galacia 4

Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang ipinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian. Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.

Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Cristo[a] – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito. Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios. At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.” Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan. Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.

Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?

17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!

Ang Halimbawa ni Sara at Hagar

21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:

“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!
Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.
    Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,
    mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”[b]

28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”[c] 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.

Ezekiel 31

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedro

31 Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:

“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan? Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno. Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan. Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig. Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya. Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig. Ang mga puno ng sedro sa halamanan ng Dios ay hindi makakapantay sa kanya. Kahit ang mga puno ng abeto at puno ng platano ay hindi maihahambing sa kagandahan ng kanyang mga sanga. Hindi maihahalintulad sa anumang puno sa halamanan ng Dios ang kagandahan ng punong ito. Pinaganda ng Dios ang punong ito sa pamamagitan ng maraming sanga. Kaya nainggit sa kanya ang lahat ng puno sa halamanan ng Dios.”

10 Kaya sinabi ng Panginoong Dios, “Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili, 11 kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya; 12 puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya. 13 Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa. 14 Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.”

15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay,[a] patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy. 16 Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa. 17 Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.

18 “Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Pero ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Dios[b] na namatay sa digmaan.

“Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 79

Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa

79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
    Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
    at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Wala na ba itong katapusan?
    Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
    sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
    Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
    para sa kapurihan ng inyong pangalan.
    Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
    alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”
    Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
    Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®