M’Cheyne Bible Reading Plan
19 May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom. 2 Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa. 3 Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan. 4 Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo. 6 Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom. 7 Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.” 8 Kaya tumayo si David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng mga tao, nagtipon silang lahat sa kanya.
Bumalik si David sa Jerusalem
Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom. 9 Nagtalo-talo ang mga tao sa buong Israel. Sinabi nila, “Iniligtas tayo ni Haring David sa kamay ng mga Filisteo, pero tumakas siya sa bayan natin dahil kay Absalom. 10 Pinili nating maging hari si Absalom, pero napatay naman siya sa labanan. Bakit hindi tayo humanap ng paraan para mapabalik natin si David bilang hari?”
11-12 Nang mabalitaan ni Haring David ang pinag-usapan nila, nagpadala siya ng mensahe sa mga paring sina Zadok at Abiatar, na sinasabi, “Sabihin nʼyo ito sa mga tagapamahala ng Juda: ‘Nabalitaan kong gusto ng inyong mga mamamayan na ibalik ako bilang hari, at kayo pa ang huling nagpasya na pabalikin ako sa aking trono? Hindi baʼt mga kamag-anak at kalahi ko kayo?’ 13 At sabihin nʼyo rin ito kay Amasa, ‘Dahil kalahi kita, gagawin kitang kumander ng mga sundalo ko kapalit ni Joab. Kung hindi ko ito gagawin, parusahan sana ako nang matindi ng Dios.’ ”
14 Napapayag ni David ang mga taga-Juda at nagkaisa sila sa kanilang desisyon. At ipinasabi nila kay David, “Bumalik po kayo rito at ang lahat ng tauhan ninyo.”
15 Habang pabalik si David, sinalubong siya ng mga mamamayan ng Juda roon sa Ilog ng Jordan. Ang mga taong itoʼy nagtipon sa Gilgal para samahan siya sa pagtawid sa ilog. 16 Nagmamadaling sumama sa pagsalubong kay David si Shimei na anak ni Gera, isang Benjaminita galing Bahurim. 17 May kasama siyang 1,000 Benjaminita, kasama na rito si Ziba na katiwala ng sambahayan ni Saul, at ang 15 nitong anak na lalaki at 20 utusan. Nagmamadali nilang sinalubong si David sa Ilog ng Jordan. 18 Tinulungan nilang lahat si David at ang sambahayan niya sa pagtawid ng ilog, at sinunod nila ang anumang gustuhin ni David.
Pinatawad ni David si Shimei
Nang patawid pa lang ng Ilog ng Jordan si David, nagpatirapa si Shimei sa harapan niya bilang paggalang, 19 at sinabi, “Mahal na Hari, patawarin nʼyo po ako. Kalimutan nʼyo na po sana ang masamang ginawa ko sa inyo noong umalis kayo sa Jerusalem. 20 Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga[a] para salubungin kayo.”
21 Pagkatapos, sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon?” 22 Pero sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruya, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.” 23 Kaya sinabi ni David kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”
24-25 Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul para salubungin si David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumama sa akin?” 26 Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno para makasakay ako at makasama sa inyo pero nagtraydor siya sa akin. 27 At siniraan niya po ako sa inyo na hindi ako sasama. Pero nalalaman nʼyo ang totoo dahil katulad kayo ng anghel ng Dios, kaya gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti. 28 Dapat ay papatayin nʼyo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan nʼyo ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.” 29 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.” 30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”
Ang Kabaitan ni David kay Barzilai
31 Pumunta rin kay David si Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 32 Matanda na si Barzilai; 80 taong gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim. 33 Sinabi sa kanya ni David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.” 34 Pero sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Ako po ay 80 taong gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala? 37 Uuwi na lang ako, para kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang mga magulang ko. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo siya, Mahal na Hari at gawin nʼyo kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.” 38 Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana sa iyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.” 39 Niyakap ni David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at umuwi si Barzilai sa bahay niya.
40 Nang makatawid na si David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.
41 Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya. 42 Sumagot ang mga taga-Juda sa mga sundalo ng Israel, “Ginawa namin ito dahil ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit? Nakatanggap ba kami ng pagkain o anumang regalo galing sa kanya? Hindi!” 43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampu kaming lahi ng Israel kaya sampung beses ang karapatan namin sa hari kaysa sa inyo. Bakit ang baba ng tingin nʼyo sa amin? Hindi baʼt kami ang unang nagsabi na pabalikin natin ang ating hari?” Pero ayaw magpaawat ng mga taga-Juda, at masasakit na salita ang isinasagot nila sa mga taga-Israel.
Ang mga Ipinahayag ng Dios kay Pablo
12 Napilitan akong magmalaki kahit na alam kong wala akong mapapala dito. Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga ipinahayag at ipinakita sa akin ng Panginoon. 2-3 May 14 na taon na ang nakakaraan nang dalhin ako sa ikatlong langit. (Cristiano na ako noon.) Hindi ko matiyak kung nasa katawan ako noon o nasa espiritu lamang, ang Dios lang ang nakakaalam. 4 Ang tanging alam ko ay nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. 5 Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Pero kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Pero hindi ko ito gagawin dahil baka sumobra ang palagay ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.
7 Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mayabang. 8 Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. 9 Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Para akong hangal sa aking pagmamalaki, pero kayo na rin ang nagtulak sa akin para gawin ito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako sa mga nagpapanggap na mga apostol, pero hindi ninyo ito ginawa. Kahit na wala akong maipagmamalaki sa aking sarili, hindi naman ako nahuhuli sa mga taong iyan na magagaling daw na mga apostol. 12 Pinatunayan ko sa inyo na akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. 13 Kung ano ang mga ginawa ko riyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!
14 Handa na ako ngayong dumalaw sa inyo sa ikatlong pagkakataon. At tulad ng dati, hindi ako hihingi ng tulong sa inyo dahil kayo ang gusto ko at hindi ang inyong ari-arian. Para ko kayong mga anak. Di baʼt ang mga magulang ang nag-iipon para sa kanilang mga anak at hindi ang mga anak para sa mga magulang? 15 Ang totoo, ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ialay pati ang aking sarili para sa inyo. Ngunit bakit katiting lang ang isinusukli ninyo sa sobra-sobrang pagmamahal ko sa inyo?
16 Sumasang-ayon kayo na hindi nga ako naging pabigat sa inyo, pero may nagsasabi pa rin na nilinlang ko kayo at dinaya sa ibang paraan. 17 Pero paano? Alam naman ninyong hindi ako nagsamantala sa inyo sa pamamagitan ng mga kapatid na pinapunta ko riyan. 18 Noong pinapunta ko sa inyo si Tito, kasama ang isang kapatid, nagsamantala ba siya sa inyo? Hindi! Sapagkat iisang Espiritu ang aming sinusunod,[a] at iisa ang aming layunin.
19 Baka sa simula pa iniisip na ninyo na wala kaming ginagawa kundi ipagtanggol ang aming sarili. Aba, hindi! Sa presensya ng Dios at bilang mga Cristiano, sinasabi namin sa inyo, mga minamahal, na lahat ng aming ginagawa ay para sa ikatitibay ng inyong pananampalataya. 20 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay makita ko kayong iba sa aking inaasahan at makita rin ninyo akong iba sa inyong inaasahan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway-away, nag-iinggitan, nagkakagalit, nagmamaramot, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay ipahiya ako ng aking Dios sa inyong harapan. At baka maging malungkot ako dahil marami sa inyo ang nagkasala na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi sa kanilang kalaswaan, sekswal na imoralidad, at kahalayan.
Ang Mensahe Laban sa Tyre
26 Noong unang araw ng buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, natuwa ang mga taga-Tyre nang mawasak ang Jerusalem. Ang sabi nila, ‘Nawasak na ang pangunahing pinupuntahan ng mga mangangalakal kaya dito na sila pupunta sa atin at tayo naman ang uunlad.’ 3 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing kakalabanin ko ang Tyre. Ipasasalakay ko sila sa maraming bansa, darating ang mga ito na parang rumaragasang alon. 4 Gigibain ang mga pader niya at wawasakin ang kanyang mga tore. Kakalkalin nila ang lupain niya hanggang sa walang matira kundi mga bato. 5 At magiging bilaran na lang ito ng mga lambat ng mangingisda. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Ipauubaya ko ang Tyre sa ibang mga bansa at sasamsamin nila ang mga ari-arian niya. 6 Ang mga mamamayan niya sa mga bukid ay papatayin sa pamamagitan ng espada, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
7 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Mga taga-Tyre, ipasasalakay ko kayo sa hari ng mga hari, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakay siya mula sa hilaga kasama ang maraming sundalo, mga karwahe, mga kabayo at mga mangangabayo. 8 Ang mga mamamayan ninyo sa baryo ay ipapapatay niya sa pamamagitan ng espada. Sasalakay ang kanyang mga sundalo dala ang mga pangwasak ng pader, at tatambakan nila ng lupa ang gilid ng inyong mga pader para maakyat ito. 9 Ipapawasak niya ang mga pader ninyo sa pamamagitan ng trosong pangwasak nito at ang mga tore ninyo sa pamamagitan ng maso. 10 Matatabunan kayo ng alikabok dahil sa dami ng kabayong gagamitin niya sa pagsalakay. Mayayanig ang mga pader ninyo dahil sa yabag ng mga kabayo at karwaheng papasok sa giba ninyong lungsod. 11 Mapupuno ng nagtatakbuhang kabayo ang mga lansangan ninyo at papatayin nila ang mga mamamayan ninyo sa pamamagitan ng espada. Mabubuwal ang matitibay na haligi ninyo. 12 Sasamsamin nila ang mga kayamanan at paninda ninyo. Wawasakin din nila ang mga pader at magagandang bahay ninyo. At itatapon nila sa dagat ang mga bato, kahoy at ang mga matitira sa winasak. 13 Patitigilin ko ang mga awitan ninyo at pagtugtog ng alpa. 14 Ang lugar ninyo ay gagawin kong isang malapad na bato at magiging tuyuan na lang ng lambat ng mga mangingisda. Hindi na maitatayong muli ang lungsod ninyo. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga taga-Tyre, “Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan. 16 Ang mga hari sa mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo. 17 At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat. 18 At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot dahil sa iyong pagkawasak.”
19 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “O Tyre, magiging mapanglaw kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig. 20 Ililibing kita sa kailaliman kasama ng mga tao noong unang panahon. Mananatili kang wasak sa ilalim ng lupa kasama ng mga taong naibaon doon, at hindi ka na makakabalik sa lugar ng mga buhay. 21 Tatapusin na kita, at nakakatakot ang magiging katapusan mo. Mawawala ka na at kahit hanapin ka, hindi ka na matatagpuan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®