Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 15

Naghimagsik si Absalom Laban kay David

15 Pagkatapos, nagkaroon si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at nakapagtipon siya ng 50 personal na tagapagbantay. Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog ang kaso niya sa hari, tinatanong siya ni Absalom kung taga-saan, at sinasabi ng tao kung saang lahi siya ng Israel nagmula. Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, “Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo. Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya.” At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati. Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.

Pagkalipas ng apat na taon,[a] sinabi ni Absalom sa hari, “Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron para tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon. Noong naninirahan pa ako sa Geshur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron.” Sinabi ng hari sa kanya, “Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay.” Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.

10 Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ” 11 Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom. 12 Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.

Tumakas si David

13 May isang mensaherong nagsabi kay David na ang mga Israelitaʼy nakipagsabwatan na kay Absalom. 14 Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Dali, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira sa Jerusalem. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!” 15 Sinabi ng mga opisyal, “Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin.” 16 Kaya lumakad si David kasama ang buong sambahayan niya, pero iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.

17 Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod, 18 at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumama kay David. 19 Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, “Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyo na si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo. 20 Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasama kayo sa amin na hindi nga namin alam kung saan kami pupunta? Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan.” 21 Pero sumagot si Itai sa hari, “Sumusumpa po ako sa Panginoon na buhay at sa inyo, Mahal na Hari, sasama po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit na kamatayan pa ang kahihinatnan namin.” 22 Sinabi ni David sa kanya, “Kung ganoon, sige, sumama kayo sa amin.” Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya. 23 Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa disyerto.

24 Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod. 25 Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito. 26 Pero kung hindi, handa ako kung anuman ang gusto niyang gawin sa akin.”

27 Sinabi pa ni David kay Zadok, “Matiwasay kayong bumalik ni Abiatar sa Jerusalem kasama ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon. 28 Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo.” 29 Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar ang Kahon ng Dios sa Jerusalem, at nanatili sila roon.

30 Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat. 31 May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumama na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, “Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel.”

32 Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Dios, sinalubong siya ni Hushai na Arkeo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati. 33 Sinabi ni David sa kanya, “Wala kang maitutulong kung sasama ka sa akin. 34 Pero kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa bawat payong ibibigay ni Ahitofel. 35 Naroon din sina Zadok at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari. 36 Pagkatapos, papuntahin mo sa akin ang mga anak nilang sina Ahimaaz at Jonatan para ibalita sa akin ang mga narinig nila.” 37 Kaya bumalik sa Jerusalem si Hushai na kaibigan ni David. Nagkataon naman na papasok noon ng lungsod si Absalom.

2 Corinto 8

Ang Pagtutulungan ng mga Cristiano

Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya.[a] At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay. Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.

10 Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. 11 Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. 12 Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. 13 Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. 14 Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. 15 Ayon nga sa Kasulatan,

“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

16 Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. 17 Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. 18 Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. 19 Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. 20 Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. 21 Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.

22 Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. 23 Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.

Ezekiel 22

Ang mga Kasalanan ng Jerusalem

22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, handa ka na bang hatulan ang Jerusalem? Handa ka na bang humatol sa lungsod na ito ng mga kriminal? Ipaalam mo sa kanya ang kasuklam-suklam niyang gawain. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: O lungsod ng mga kriminal, darating na sa iyo ang kapahamakan. Dinudungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan. Mananagot ka dahil sa mga pagpatay mo at dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga dios-diosan. Dumating na ang wakas mo. Kaya pagtatawanan ka at kukutyain ng mga bansa. O lungsod na sikat sa kasamaan at kaguluhan, kukutyain ka ng mga bansa, malayo man o malapit. Tingnan mo ang mga pinuno ng Israel na nakatira sa iyo, ginagamit nila ang kapangyarihan nila sa mga pagpatay. Hindi na iginagalang ang mga magulang sa iyong lugar. Ang mga dayuhang naninirahan sa lugar moʼy kinikikilan, at ang mga biyuda at mga ulila ay hindi tinatrato nang mabuti. Hindi mo iginagalang ang mga bagay na itinuturing kong banal, pati ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa iyo. May mga tao riyan na nagsisinungaling para ipapatay ang iba. Mayroon ding kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosan sa sambahan sa mga bundok at gumagawa ng malalaswang gawain. 10 Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi. 11 Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae. 12 Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo. 14 Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito. 15 Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo. 16 Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”

17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno. 19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem, 20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”

23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan[a] sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit. 25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila. 26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera. 28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon. 29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.

30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita. 31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 69

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
    Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
    Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
    Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
    Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
    hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
    huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
    Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
    at sumama ang loob ko.
    Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
    ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
    mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[b]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
    para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
    at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[c]
    at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
    kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.

30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
    Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
    Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
    at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
    nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[d] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
    At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
    at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®