Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 12

Sinaway ni Natan si David

12 Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, “May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap. Ang mayaman ay maraming tupa at baka, pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae. Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.”

Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan. Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa.”

Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul. Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan. Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko, at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya. 10 Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa.’

11 “Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao. 12 Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. 14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.” 15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba. 16 Nakiusap si David sa Dios para sa bata. Nag-ayuno siya sa loob ng kwarto niya, at natutulog siya sa lapag gabi-gabi. 17 Pinuntahan siya ng mga tagapamahala ng kanyang sambahayan para pabangunin, pero ayaw niya, at ayaw din niyang kumaing kasama nila.

18 Nang ikapitong araw, namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na patay na ang bata. Sinabi nila, “Paano natin sasabihin sa kanya na patay na ang bata? Hindi nga niya pinapansin ang pagdamay natin sa kanya noong buhay pa ang bata, paano pa kaya ngayong patay na ito. Baka kung ano ang gawin niya sa sarili niya!”

19 Napansin ni David na nagbubulungan ang mga alipin niya, kaya pakiramdam niya, patay na ang bata. Nagtanong siya, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na po siya.” 20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo, nagpahid ng mabangong langis at nagpalit ng damit. Pumunta siya sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos, umuwi siya, nagpahain, at kumain. 21 Sinabi ng mga lingkod niya, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buhay pa ang bata, nag-aayuno po kayo at umiiyak, pero ngayong patay na ang bata, bumangon kayo at kumain!” 22 Sumagot si David, “Oo, nag-ayuno ako at umiyak noong buhay pa ang bata dahil iniisip ko na baka kaawaan ako ng Panginoon at hindi niya payagang mamatay ang bata. 23 Pero ngayong patay na ang bata, bakit pa ako mag-aayuno? Mabubuhay ko pa ba siya? Darating ang panahon na makakapunta ako sa kinaroroonan niya, pero hindi na siya makakabalik sa akin.”

24 Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata, 25 at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia[a] ang bata dahil mahal siya ng Panginoon.

Sinakop ni David ang Rabba(A)

26 Sa kabilang dako, sumalakay sina Joab sa Rabba, ang kabisera ng Ammon, at malapit na nila itong masakop. 27 Nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David para sabihin, “Sinalakay po namin ang Rabba at nasakop na namin ang imbakan nila ng tubig. 28 Ngayon, tipunin nʼyo po ang mga natitirang sundalo at tapusin na ninyo ang pagsakop sa lungsod para kayo ang maparangalan at hindi ako.”

29 Kaya tinipon ni David ang natitirang sundalo at sinalakay nila ang Rabba, at nasakop nila ito. 30 Kinuha ni David sa ulo ng hari ng mga Ammonita[b] ang gintong korona at ipinutong ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona ay 35 kilo at may mga mamahaling bato. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 31 Ginawa niyang alipin ang mga naninirahan doon at sapilitan silang pinagtrabaho gamit ang lagare, piko, at palakol, at pinagawa rin sila ng mga tisa. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.

2 Corinto 5

Ang Bagong Katawan

Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.

Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.

Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12 Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. 18 Ang lahat ng itoʼy gawa ng Dios na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19 At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. 20 Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. 21 Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios.

Ezekiel 19

Ang Panaghoy para sa mga Pinuno ng Israel

19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Awitin mo ang panaghoy na ito para sa mga pinuno ng Israel:

“Ang iyong ina ay parang isang leon na inaalagaan ang mga anak niya kasama ng iba pang mga leon. Inalagaan niya ang isa sa mga anak niya, lumaki ito at naging malakas na leon. Natuto itong manghuli at manlapa ng mga tao. Nang mabalitaan ito ng ibang bansa, hinuli nila ito at dinala sa Egipto na nakakadena.

“Nang malaman ng ina ng leon na bigo ang pangarap niya para sa kanyang anak, pinalaki niya uli ang isa pang anak at naging malakas na leon din ito. Sumama ito sa iba pang mga leon at natutong manghuli at kumain ng tao. Giniba niya ang mga kampo ng kanyang mga kaaway at winasak ang kanilang mga bayan. Natatakot ang mga mamamayan kapag naririnig ang atungal niya.

“Kaya nagkaisa ang mga bansa para labanan at palibutan siya. Inilabas nila ang kanilang mga lambat at hinuli siya, ikinulong na nakakadena sa isang kulungan at dinala sa hari ng Babilonia. Ikinulong nila ito upang hindi na marinig ang pag-atungal nito sa kabundukan ng Israel.

10 “Ang iyong ina ay tulad ng isang ubas na itinanim sa tabi ng tubig. Nagkaroon ito ng maraming sanga at bunga dahil sagana sa tubig. 11 Matitibay ang sanga nito at maaaring gawing setro ng hari. Mas tumaas pa ang ubas na ito kaysa sa ibang halaman. Kitang-kita ito dahil mataas at maraming sanga. 12 Pero dahil sa galit, binunot ito at itinapon sa lupa. Ang mga bunga nitoʼy natuyo dahil sa mainit na hangin mula sa silangan. Natuyo rin ang matatayog na sanga, nalaglag at pagkatapos ay nasunog 13 Ngayon, muli itong itinanim sa ilang, sa lugar na tuyo at walang tubig. 14 Isa sa mga sanga nitoʼy nasunog at kumalat ang apoy sa iba pang mga sanga at tinupok ang mga bunga nito. Kaya wala nang natirang sanga na maaaring gawing setro ng hari. Ang panaghoy na itoʼy dapat awitin ngayon.”

Salmo 64-65

Ang Parusa sa Masasamang Tao

64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
    Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
Naghahanda sila ng matatalim na salita,
    na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
    na parang namamana nang patago.
    Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
    at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
    Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
    Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
    kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
At lahat ng tao ay matatakot.
    Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®