Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 10

Tinalo ni David ang mga Ammonita(A)

10 Mga ilang panahon pa ang lumipas, namatay si Nahash, ang hari ng mga Ammonita. Pinalitan siya ng anak niyang si Hanun bilang hari. Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kabutihan kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita kay Hanun na kanilang hari, “Sa tingin nʼyo ba pinahahalagahan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan nʼyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.” Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga opisyal ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang mga damit nila mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.

Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang bumalik.

Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David, kaya umupa sila ng 20,000 sundalong Arameo[a] mula sa Bet Rehob at Zoba, 1,000 sundalo mula sa hari ng Maaca, at 12,000 sundalo mula sa Tob. Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban. Pumwesto ang mga Ammonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.

Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 10 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kapag nakita mo na parang natatalo kami ng mga Arameo, tulungan nʼyo kami, pero kapag kayo ang parang natatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 12 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.” 13 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.

15 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon. 16 Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.

17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya. 18 Pero muling tumakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo.[b] Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila. Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.

2 Corinto 3

Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.

Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.

Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.

12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.

Ezekiel 17

Ang Talinghaga tungkol sa Agila at sa Halamang Gumagapang

17 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, sabihin mo ang talinghaga na ito sa mga mamamayan ng Israel. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: May malaking agila na lumipad papuntang Lebanon. Malapad ang pakpak nito at malago ang balahibong sari-sari ang kulay. Dumapo siya sa tuktok ng punong sedro, pinutol ang umuusbong na sanga at dinala sa lupain ng mga mangangalakal at doon itinanim. Pagkatapos, kumuha naman ng binhi ang agila mula sa lupain ng Israel at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng ilog at mabilis na tumubo. Tumubo ito na isang mababang halaman na gumagapang. Ang mga sanga nitoʼy gumapang papunta sa agila at ang ugat ay lumalim. Nagsanga pa ito at marami pang umusbong.

“Pero may isa pang malaking agilang dumating Malapad din ang mga pakpak at malago ang balahibo. Ang mga ugat at sanga ng halamang iyon ay gumapang papunta sa agila upang mabigyan ito ng mas maraming tubig kaysa sa lupang tinubuan nito. Ginawa ito ng halaman kahit na nakatanim ito sa matabang lupa na sagana sa tubig para tumubo, mamunga at maging maganda.

“Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay magtatanong: Patuloy ba itong tutubo? Hindi! Bubunutin ito at kukunin ang mga bunga at pababayaang malanta. Napakadali nitong bunutin, hindi na kinakailangan ng lakas o maraming tao para bunutin ito. 10 Kahit na itanim itong muli sa ibang lugar hindi na ito tutubo? Tuluyan na itong malalanta kapag nahipan na ng mainit na hangin mula sa silangan.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 12 “Tanungin mo ang mga mapagrebeldeng mamamayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng talinghagang ito. Sabihin mo na ito ang kahulugan: Pumunta ang hari ng Babilonia sa Jerusalem at binihag ang hari nito at ang mga tagapamahala, at dinala sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga anak ng hari ng Juda at gumawa sila ng kasunduan, pinasumpa niya ang anak ng hari na maglilingkod sa kanya. Binihag din niya ang mga marangal na tao ng Juda, 14 upang hindi na makabangong muli ang kahariang ito at hindi na makalaban sa kanya. Ang kahariang ito ay mananatili kung ipagpapatuloy niya ang kanyang kasunduan sa Babilonia. 15 Pero nagrebelde ang hari ng Juda sa hari ng Babilonia. Nagpadala ng mga tao sa Egipto ang hari ng Juda para humingi ng mga kabayo at sundalo. Pero magtatagumpay kaya siya? Makakatakas kaya siyaʼt makakaligtas sa parusa dahil sa pagsira niya sa kasunduan sa Babilonia? 16 Hindi! Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na ang hari ng Juda ay siguradong mamamatay sa Babilonia dahil sinira niya ang sinumpaang kasunduan sa hari nito na nagluklok sa kanya sa trono. 17 Hindi siya matutulungan ng Faraon[a] sa digmaan, pati na ang napakarami at makapangyarihang sundalo nito kapag sumalakay na ang mga taga-Babilonia para puksain ang maraming buhay. 18 Sinira ng hari ng Juda ang kasunduang sinumpaan niya sa hari ng Babilonia, kaya hindi siya makakaligtas.

19 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang parurusahan ko siya dahil sa pagsira niya sa kasunduang sinumpaan niya sa pangalan ko. 20 Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia at dooʼy paparusahan ko siya dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Mamamatay ang kanyang mga sundalong tumatakas, at ang matitira sa kanila ay mangangalat sa ibaʼt ibang lugar. At malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito.”

Ang Mabuting Kinabukasan na Ipinangako ng Dios

22-23 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kukuha ako ng usbong sa itaas ng punong sedro at itatanim ko sa ibabaw ng pinakamataas na bundok ng Israel. Lalago ito, magbubunga at magiging magandang punong sedro. Pamumugaran ito ng lahat ng uri ng ibon at sisilong naman ang ibaʼt ibang hayop sa ilalim nito. 24 Sa ganoon, malalaman ng lahat ng mga punongkahoy sa lupa na ako nga ang Panginoong pumuputol ng matataas na punongkahoy. Ako rin ang nagpapatuyo sa mga sariwang punongkahoy at nagpapasariwa ng natutuyong puno. Ako, ang Panginoon, ang nangako nito, at talagang gagawin ko ito.”

Salmo 60-61

Panalangin para Tulungan ng Dios

60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
    Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
    ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
    Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
    ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Pakinggan nʼyo kami,
    upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
    “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
    para ipamigay sa aking mga mamamayan.
Sa akin ang Gilead at Manase,
    ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
    at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
    Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
Sinong magdadala sa akin sa Edom
    at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
    Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
    dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
    kami ay magtatagumpay
    dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[e]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®