Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 7

Ang Pangako ng Panginoon kay David(A)

Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’

“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12 Kapag namatay ka at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15 Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16 Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ” 17 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.

Ang Panalangin ni David(B)

18 Pagkatapos, pumasok si David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin, “O Panginoong Dios, sino po ako at ang pamilya ko at pinagpala nʼyo nang ganito? 19 At ngayon, Panginoong Dios, bukod pa rito, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao? 20 Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Panginoong Dios? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 21 Ayon sa pangako nʼyo at kalooban, ginawa nʼyo po ang mga dakilang bagay na ito at inihayag nʼyo sa akin na inyong lingkod.

22 “Panginoong Dios, dakila kayo. Wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 23 At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga dios nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Egipto. 24 Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Dios.

25-26 “At ngayon, Panginoong Dios, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman. 27 Panginoong Makapangyarihan, Dios ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28 Panginoong Dios, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29 Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako nʼyo, Panginoong Dios. At sa pagpapala nʼyong ito, pinagpala ang aking angkan magpakailanman.”

2 Corinto 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na ating kapatid.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto, kasama ang lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios sa Acaya:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Dios

Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.

Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.

Nagbago ng Plano si Pablo

12 Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. 13-14 Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.

15 Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala[c] sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. 16 Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? 18 Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. 19 Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. 20 Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios,[d] at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya. 21 Ang Dios ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Pinili niya tayo para maglingkod sa kanya. 22 Tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy nasa kanya na. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang Banal na Espiritu sa ating mga puso. Ang Banal na Espiritu ang nagsisilbing garantiya na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.

23 Saksi ko ang Dios, na kaya hindi na ako tumuloy diyan sa Corinto ay dahil ayaw kong sumama ang loob ninyo sa akin. 24 Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo riyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo para maging masaya kayo.

Ezekiel 15

Ang Jerusalem ay Parang Sanga ng Ubas na Walang Kabuluhan

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sa anong paraan nakakahigit ang sanga ng ubas sa ibang punongkahoy? Ang mga sanga ba nito ay magagamit sa iba pang mga bagay? Maaari ba itong gawing sabitan? Hindi! Pwede lang itong panggatong; ganoon pa man madali itong matupok. Kaya wala talaga itong kabuluhan, sunog man o hindi pa.

“Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng baging ng ubas na tumutubong kasama ng mga punongkahoy sa kagubatan. Dahil itoʼy walang kabuluhan, susunugin ko sila. Oo, parurusahan ko sila at kahit na makatakas sila sa apoy, tutupukin pa rin sila ng isa pang apoy. At malalaman nila na ako ang Panginoon. Gagawin kong mapanglaw ang lugar nila dahil nagtaksil sila sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 56-57

Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]

56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
    Palagi nila akong pinahihirapan.
Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
    Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
    O Kataas-taasang Dios.[b]
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
    Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
    Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
    binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
    Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
    Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
    Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
    at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
    Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
    sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®