Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 1

Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul

Bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos nilang matalo ang mga Amalekita. Patay na noon si Saul. Nanatili sila ng dalawang araw sa Ziklag. Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo bilang pagluluksa. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang sa kanya. Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Nakatakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.” Nagtanong si David, “Bakit, ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi niya, “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan.” Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?” Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo. Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’ Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita. Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’ 10 Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”

11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan. 13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.” 14 Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?” 15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”

Ang Awit ng Kalungkutan ni David para kina Saul at Jonatan

17 Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, 18 at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong Awit Tungkol sa Pana at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:

19 “O Israel, ang mga dakilang mandirigma moʼy namatay sa kabundukan mismo ng Israel.
Napatay din ang mga magigiting mong sundalo.
20 Huwag itong ipaalam sa Gat, o sa mga lansangan ng Ashkelon,
baka ikagalak ito ng mga babaeng Filisteo na hindi nakakakilala sa Dios.
21 O Bundok ng Gilboa, wala sanang ulan o hamog na dumating sa iyo.
Wala sanang tumubong pananim sa iyong bukirin upang ihandog sa Dios.[a]
Sapagkat diyan nadungisan ng mga kaaway ang pananggalang ng magiting na si Haring Saul.
At wala nang magpapahid dito ng langis upang itoʼy linisin at pakintabin.
22 Sa pamamagitan ng espada ni Saul at pana ni Jonatan, maraming magigiting na kalaban ang kanilang napatay.
23 Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita sina Saul at Jonatan.
Magkasama sila sa buhay at kamatayan.
Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila at mas malakas pa sa leon.
24 Mga babae ng Israel, magdalamhati kayo para kay Saul.
Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo ng mga mamahaling damit at alahas na ginto.
25 Ang magigiting na sundalo ng Israel ay napatay sa labanan.
Pinatay din si Jonatan sa inyong kabundukan.
26 Nagdadalamhati ako sa iyo, Jonatan kapatid ko!
Mahal na mahal kita; ang pagmamahal mo sa akin ay mas higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 Nangabuwal ang magigiting na sundalo ng Israel.
Ang kanilang mga sandataʼy nangawala.”

1 Corinto 12

Mga Kaloob ng Banal na Espiritu

12 Ngayon, mga kapatid, nais kong maunawaan ninyo ang tungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu. Alam naman ninyo na noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios, iniligaw kayo upang sumamba sa mga dios-diosan, na hindi naman nakakapagsalita. Kaya gusto kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ang magsasabi, “Sumpain si Jesus!” At wala ring taong makapagsasabi na, “Si Jesus ay Panginoon,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.

May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lang ang Espiritung pinagmulan nito. May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran natin. Ibaʼt iba ang ipinapagawa ng Dios sa atin, ngunit iisa lang ang Dios na nagbibigay sa atin ng kakayahang gawin ang mga ito. Ang bawat isa ay binigyan ng kakayahan na nagpapakita na sumasakanya ang Banal na Espiritu, upang makatulong siya sa kapwa niya mananampalataya. Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang maghayag ng kaalaman tungkol sa Dios, at sa isa naman ay ang kakayahang unawain ito. Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng malaking pananalig sa Dios, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling sa mga may sakit. 10 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang maghayag ng mensahe ng Dios. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makakilala kung ang kapangyarihan ng isang tao ay mula sa Banal na Espiritu o sa masasamang espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi ng mga wikang iyon. 11 Ngunit iisang Espiritu lang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan.

Tayoʼy Bahagi ng Iisang Katawan

12 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisa pa ring katawan. Ganoon din sa ating mga mananampalataya na siyang katawan ni Cristo. 13 Tayong lahat, Judio man o hindi, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat.

14 Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang. 15 Kaya kung sabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako parte ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 16 At kung sabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako parte ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 17 Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lang tainga, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.

21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” 22 Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga parte ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga parteng hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga parteng maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Dios ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga parteng hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati kundi pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din. At kung ang isang parte ay pinararangalan, ang ibang parte ay natutuwa rin.

27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito. 31 Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob. At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.

Ezekiel 10

Umalis ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon sa Templo

10 Habang nakatingin ako, may nakita akong parang isang trono na yari sa batong safiro. Nasa itaas ito ng takip na kristal sa itaas ng ulo ng mga kerubin. Sinabi ng Panginoon sa taong nakadamit ng telang linen, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin at punuin mo ang mga kamay mo ng baga at isabog mo sa buong lungsod.” At nakita kong pumunta siya.

Ang mga kerubin ay nakatayo sa timog ng templo nang pumunta ang tao at may ulap na lumukob doon sa bakuran sa loob ng templo. Pagkatapos, umalis ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa gitna ng mga kerubin at lumipat sa pintuan ng templo. Nilukuban ng ulap ang templo at lumiwanag ang bakuran dahil sa makapangyarihang presensya ng Panginoon. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.

Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong. Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas. Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.

May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito 10 at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong, 11 kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa. 12 Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong. 13 At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.” 14 Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.

15 Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. 16 Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong. 17 Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din. 18 Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin. 19 At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.

20 Iyon ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa ilalim ng presensya ng Dios ng Israel doon sa Ilog ng Kebar. At nalaman ko na ang mga nilalang na ito ay mga kerubin. 21 Ang bawat isa sa kanila ay may apat na mukha, apat na pakpak at sa ilalim ng kanilang pakpak ay may parang kamay ng tao. 22 Ang mga itoʼy kamukha ng mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. Ang bawat isa ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila papunta.

Salmo 49

Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan

49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
    kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
Dakila ka man o aba,
    mayaman ka man o dukha, makinig ka,
dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
    at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
    at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.

Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
    o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
    at dahil dito ay nagmamayabang.
Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
    kahit magbayad pa siya sa Dios.
Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
    hindi sapat ang anumang pambayad
upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
    at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
    ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
    At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
    Doon sila mananahan,
    kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
    mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
    na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
    Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
    (Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
    Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
    malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
    mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
    Tiyak na ililigtas niya ako.

16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
    at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
    Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
    at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
    doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
    ay mamamatay katulad ng mga hayop.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®