M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)
31 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. 2 Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. 3 Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. 4 Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[a] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili. 5 Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay sa tabi ni Saul. 6 Kaya nang araw na iyon, namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng armas at ang lahat ng tauhan niya.
7 Nakita ng mga Israelitang nakatira sa kabilang bahagi ng lambak ng Jezreel at sa kabilang ilog ng Jordan ang pagtakas ng mga sundalong Israelita at pagkamatay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kaya iniwan nila ang kani-kanilang bayan at nagsitakas. Dahil doon, pinasok at tinirhan ng mga Filisteo ang mga bayang ito.
8 Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang tatlong anak. 9 Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kanyang armas. Pagkatapos nito, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa templo ng kanilang dios-diosan at mga kababayan ang kamatayan ni Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng diosa nilang si Ashtoret, at isinabit ang bangkay nito sa pader ng lungsod ng Bet Shan.
11 Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 lumakad ang lahat ng matatapang nilang mandirigma nang buong gabi hanggang sa makarating sila sa Bet Shan. Kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak mula sa pader ng Bet Shan at dinala sa Jabes at sinunog ang mga ito roon. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto, inilibing sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila sa loob ng pitong araw.
11 Kaya nga, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Ang Pagtatakip sa Ulo Kapag Sumasamba
2 Pinupuri ko kayo dahil lagi ninyo akong inaalala, at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong malaman ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang siya namang ulo ng babae, at ang Dios naman ang ulo ni Cristo. 4 Kung ang isang lalaki ay nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na may takip ang ulo, nagdadala siya ng kahihiyan sa kanyang ulo na si Cristo. 5 Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na walang takip ang ulo ay nagdadala ng kahihiyan sa kanyang ulo na walang iba kundi ang lalaki, at para na rin siyang nagpakalbo. 6 Kung ayaw magtakip ng ulo ang isang babae, magpaputol na lang siya ng buhok. Ngunit kahiya-hiya naman sa babae ang magpaputol ng buhok o magpakalbo, kaya dapat siyang magtakip ng ulo. 7 Hindi dapat magtakip ng ulo ang lalaki kapag sumasamba dahil siyaʼy larawan at karangalan ng Dios. Ngunit ang babae ang karangalan ng lalaki. 8 Sapagkat hindi naman nilikha ang lalaki mula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki. 9 At hindi naman nilikha ang lalaki para sa babae, kundi ang babae para sa lalaki. 10 Kaya dapat magtakip ng ulo ang babae upang makita, maging ng mga anghel, na nagpapasakop siya sa kanyang asawa. 11 Ngunit dapat ninyong tandaan na sa buhay natin sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki, at kailangan din ng lalaki ang babae. 12 Dahil kung nagmula ang unang babae sa lalaki, ang lalaki naman ay ipinapanganak ng babae; at ang lahat naman ay nagmumula sa Dios.
13 Kayo na rin ang magpasya: Kaaya-aya ba na makita ang isang babae na nananalangin nang walang takip sa ulo? 14 Natural sa isang lalaki na maiksi ang buhok, dahil kahiya-hiya kung mahaba ito. 15 Ngunit karangalan ng babae ang pagkakaroon ng mahabang buhok. Sapagkat ipinagkaloob sa kanya ng Dios ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Kung mayroon mang gustong makipagtalo tungkol dito, wala na akong masasabi dahil ito ang aming nakaugalian, at ito ang sinusunod ng mga iglesya ng Dios sa kahit saang lugar.
Ang Banal na Hapunan(A)
17 Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti. 18 Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari. 19 Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya. 20 Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan,[a] hindi tama ang ginagawa ninyo, 21 dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
23 Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24 at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin.[b] Kinuha niya ito at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom ng inuming ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.
27 Kaya nga, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom ng inumin ng Panginoon nang hindi karapat-dapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili bago kumain ng tinapay at uminom ng inumin. 29 Sapagkat ang sinumang kumain at uminom nito nang hindi pinapahalagahan ang katawan ng Panginoon ay nagdadala ng kaparusahan sa kanyang sarili. 30 At ito nga ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahihina at may sakit, at ang ilan ay namatay. 31 Ngunit kung susuriin natin ang ating sarili – kung tama o mali ba ang ating mga ginagawa, hindi tayo parurusahan ng Dios. 32 Kung tayo man ay pinarurusahan ng Dios, dinidisiplina niya tayo upang hindi tayo maparusahang kasama ng mga tao sa mundo.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagtitipon-tipon kayo para sa Banal na Hapunan, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom sa inyo, kumain na muna siya sa kanyang bahay nang hindi kayo maparusahan ng Panginoon dahil sa mga ginagawa ninyo sa inyong pagtitipon. At tungkol naman sa iba pang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.
Pinatay ang mga Sumasamba sa mga Dios-diosan
9 Pagkatapos, narinig ko ang Dios na nagsasalita nang malakas, “Halikayo sa Jerusalem, kayong mga magpaparusa sa lungsod na ito. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” 2 Pagkatapos, may anim na taong pumasok sa hilagang pintuan ng templo. Lahat silaʼy may dalang sandata. May kasama silang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa tabi ng tansong altar. 3 Mula pa noon, ang kapangyarihan ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga kerubin sa loob ng templo, ngayon ay umalis na roon at lumipat sa pintuan ng templo. Pagkatapos, tinawag ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang, 4 at sinabi sa kanya, “Libutin mo ang buong lungsod ng Jerusalem at tatakan mo ang noo ng mga taong nagdadalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na mga ginagawa roon.”
5 At narinig ko ring sinabi ng Dios sa iba, “Sundan ninyo siya sa lungsod at patayin ang mga walang tatak sa noo. Huwag kayong maawa sa kanila. 6 Patayin ninyo ang matatanda, mga binataʼt dalaga, mga ina at mga bata, pero huwag ninyong patayin ang mga may tatak sa noo. Magsimula kayo sa aking templo.” Kaya una nilang pinatay ang mga tagapamahala na nasa harapan ng templo.
7 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa kanila, “Dumihan ninyo ang templo sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga bangkay sa bakuran at pagkatapos ay umalis na kayo.” Umalis sila at pinagpapatay ang mga tao sa buong lungsod. 8 Habang pumapatay sila ng mga tao, naiwan akong nag-iisa. Nagpatirapa ako at tumawag sa Dios, “O Panginoong Dios, papatayin nʼyo bang lahat ang mga natitirang Israelita dahil sa galit ninyo sa Jerusalem?” 9 Sumagot siya sa akin, “Sukdulan na ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Sukdulan na ang patayan sa lungsod at wala nang katarungan. Sinasabi pa nilang, ‘Hindi na tayo pinapansin ng Panginoon, itinakwil na niya ang Israel.’ 10 Kaya hindi ko na sila kahahabagan, sa halip gagawin ko rin sa kanila ang ginawa nila sa iba.”
11 Bumalik sa Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang at sinabi, “Nagawa ko na po ang ipinapagawa ninyo sa akin.”
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®