Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 29-30

Bumalik si David sa Ziklag

29 Tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng sundalo nila sa Afek, at ang mga Israelita naman ay nagkampo sa may bukal ng Jezreel. Habang nagmamartsa papunta sa labanan ang mga pinuno ng mga Filisteo kasama ang mga sundalo nilang nakagrupo ng 100 at 1,000, nakasunod naman kina Haring Akish sina David at ang kanyang mga tauhan. Pero nagtanong ang mga pinuno ng mga Filisteo kay Akish, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong iyan dito?” Sumagot si Akish, “Ang taong iyan ay si David na opisyal ni Saul, na hari ng Israel. Mahigit isang taon ko na siyang kasama, at magmula noong tumakas siya kay Saul hanggang ngayon, wala akong nakitang masama na ginawa niya.” Pero nagalit sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo. Sinabi nila, “Pabalikin mo sila sa bayang ibinigay mo sa kanila. Hindi siya dapat sumama sa atin sa pakikipaglaban. Baka kapag nakikipaglaban na tayo, tayo ang patayin niya para mawala ang galit ng kanyang amo sa kanya. Hindi baʼt siya ang pinarangalan ng mga babae sa Israel habang sumasayaw sila at umaawit ng,

    ‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
    tig-sasampung libo naman ang kay David.’ ”

Kaya tinawag ni Akish si David at sinabihan, “Nagsasabi ako ng totoo sa presensya ng Panginoon na buhay na mapagkakatiwalaan ka. Kung sa akin lang, gusto kong sumama ka sa pakikipaglaban ko dahil mula pa noong araw na sumama ka sa akin hanggang ngayon, wala akong nakitang masama sa iyo. Pero walang tiwala sa iyo ang ibang pinuno. Kaya umuwi ka na lang at huwag kang gagawa ng kahit anong hindi nila magugustuhan. Umuwi ka nang matiwasay.” Tinanong siya ni David, “Ano po ba ang kasalanang nagawa ko mula nang sumama ako sa inyo hanggang ngayon, Mahal na Hari? Bakit hindi ako pwedeng sumamang makipaglaban sa mga kaaway ninyo?” Sumagot si Akish, “Alam ko na mabuti kang tao tulad ng isang anghel ng Dios. Pero ayaw kang isama ng aking mga kumander sa labanan. 10 Maaga kang bumangon bukas, at umuwi ka kasama ang mga tauhan mo bago pa sumikat ang araw.”

11 Kaya maagang bumangon sina David at ang kanyang mga tauhan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at pumunta naman ang hukbo ng mga Filisteo sa Jezreel.

Sinalakay ni David ang mga Amalekita

30 Nakarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag nang ikatlong araw. Sinalakay ng mga Amalekita ang Negev at Ziklag. Nilusob nila ang Ziklag at sinunog ito. Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao dito, bata man o matanda. Walang pinatay kahit isa pero binihag nila ang mga ito sa kanilang pag-alis. Nang makarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag, nakita nila na nasunog na ang kanilang lugar at ang kanilang mga asawaʼt anak ay binihag. Kaya si David at ang mga tauhan niya ay umiyak nang husto hanggang maubusan sila ng lakas dahil sa pag-iyak. Kasama sa mga bihag ang dalawang asawa ni David na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na biyuda ni Nabal. Sobrang nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nilang batuhin siya. Pero pinalakas siya ng Panginoon na kanyang Dios.

Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang espesyal na damit[a] ng pari.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya. Nagtanong si David sa Panginoon, “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.” Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon 10 ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak. Pero nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.

11 Nakita ng ilang mga tauhan ni David ang isang Egipcio sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay. 12 Binigyan din nila ang Egipcio ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang amo mo? Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong Egipcio, at alipin ng isang Amalekita. Iniwan ako ng amo ko, tatlong araw na po ang nakakaraan dahil nagkasakit ako. 14 Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negev, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.” 15 Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong mga taong bumihag sa pamilya namin?” Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Dios na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”

16 Kaya sinamahan ng Egipcio sina David sa mga Amalekita. Doon, nadatnan nila ang mga Amalekitang nakakalat na kumakain, umiinom at nagkakasayahan, dahil marami silang nasamsam sa lupain ng mga Filisteo at Juda. 17 Sinalakay sila ni David at ng mga tauhan niya, mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinagabihan ng sumunod na araw. Walang nakatakas sa mga Amalekita, maliban sa 400 kabataang lalaki na sumakay sa kamelyo nila at tumakas. 18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita pati ang dalawa niyang asawa. 19 Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o kahit ano sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito. 20 Pagkatapos, nakuha rin niya ang lahat ng tupa at baka, at pinauna ng mga tauhan niya ang mga hayop na ito sa harapan ng iba pang mga hayop habang sinasabi, “Ito ang mga samsam para kay David.”

21 Nang makarating na sina David sa lambak ng Besor, sinalubong sila ng 200 niyang tauhan na hindi nakasama dahil sa sobrang pagod. Lumapit sina David sa kanila at binati niya ang mga ito. 22 Pero, may masasama at walang silbing mga tauhan na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa Amalekita dahil hindi naman sila sumama sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.” 23 Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama iyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway. 24 Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumama sa labanan.” 25 Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.

26 Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan niya ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon.” 27 Ipinadala ang mga ito sa mga sumusunod na bayan: Betel, Ramot Negev, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa, 29 Racal, sa mga bayan ng mga Jerameelita at mga Keneo, 30 sa Horma, Bor Ashan, Atac, 31 Hebron at iba pang mga lupain na kanilang napuntahan.

1 Corinto 10

Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan

10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo. Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Dios, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin para mabigyan tayo ng babala upang hindi tayo hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad ng ginawa nila. Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”[a] Huwag kayong gumawa ng sekswal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya pinarusahan sila ng Dios, at 23,000 ang namatay sa kanila sa loob lang ng isang araw. Huwag ninyong subukin ang Panginoon tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. 10 Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan.

11 Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat.

12 Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! 13 Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.

14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.

18 Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. 19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?

23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”

27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.

Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.

Ezekiel 8

Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan sa Jerusalem

Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan, nang ikaanim na taon ng aming pagkabihag, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoong Dios. Nakaupo ako noon sa bahay ko at nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Juda. May nakita akong parang isang tao. Mula baywang pababa, para siyang apoy at mula naman baywang pataas ay para siyang makintab na metal. Iniunat niya ang kanyang parang kamay at hinawakan ako sa buhok. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Dios, itinaas ako ng Espiritu sa kalawakan at dinala sa Jerusalem, sa bandang hilaga ng pintuan ng bakuran sa loob ng templo, sa kinalalagyan ng dios-diosan na siyang ikinagalit ng Dios. Nakita ko roon ang kapangyarihan ng Dios ng Israel, tulad ng nakita ko sa kapatagan.

Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, tumingin ka sa hilaga.” Tumingin ako at nakita ko sa tapat ng pinto malapit sa altar ang dios-diosan na siyang lubhang nagpagalit sa Dios. Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba ang ginagawa ng mga mamamayan ng Israel? Nakita mo ba ang kasuklam-suklam na ginagawa nila rito para palayasin ako sa aking templo? Pero may makikita ka pang higit na kasuklam-suklam na bagay.”

Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng bakuran ng templo at nang tumingin ako, mayroon akong nakitang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lakihan mo pa ang butas ng pader.” Pinalaki ko iyon at nakita ko ang isang pintuan. Muli niyang sinabi sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila.” 10 Kaya pumasok ako at nakita kong nakaukit sa buong pader ang lahat ng uri ng hayop na gumagapang, mga hayop na itinuturing na marumi at lahat ng mga dios-diosan ng mga mamamayan ng Israel. 11 Nakatayo roon ang 70 tagapamahala ng Israel at isa sa kanila si Jaazania na anak ni Shafan. Ang bawat isa sa kanilaʼy may hawak na lalagyan ng insenso at ang usok ay pumapaitaas.

12 Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga tagapamahala ng Israel? Ang bawat isa sa kanilaʼy nasa silid ng kanyang dios-diosan. Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon at itinakwil na niya ang Israel.”

13 Sinabi pa ng Dios, “Makikita mo pa ang mas kasuklam-suklam nilang ginagawa.” 14 Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng templo sa hilaga at nakita ko roon ang mga babaeng nakaupo at umiiyak para sa dios-diosang si Tamuz. 15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na bagay kaysa riyan.”

16 Pagkatapos, dinala niya ako sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon. At doon sa pintuan ng templo, sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may 25 tao. Nakatalikod sila sa templo at nakaharap sa silangan at nakayuko na sumasamba sa araw.

17 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Pangkaraniwan na lang ba sa mga taga-Juda ang paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay dito? Maliban diyan, ginagawa pa nila ang mga karahasan sa buong bansa, kaya lalo pa nila akong ginagalit. Tingnan mo ang mga paglapastangan nila sa akin. 18 Kaya matitikman nila ang galit ko. Hindi ko sila kahahabagan. Kahit sumigaw pa sila sa paghingi ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”

Salmo 46-47

Kasama Natin ang Dios

46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
    Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
    at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
    at mayanig ang kabundukan.

May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
    sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
    Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
    Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
    Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
    “Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
    Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
    Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan

47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
    Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
    Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
    Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
    habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.

Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
    Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
    Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
    kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
    Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
    at mataas ang paggalang nila sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®