M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Saul at ang Mangkukulam sa Endor
28 Nang mga panahong iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila at naghanda sa pakikipaglaban sa mga Israelita. Sinabi ni Akish kay David, “Kailangang sumama ka at ang mga tauhan mo sa amin para makipaglaban.” 2 Sinabi ni David, “Magaling! Makikita ninyo ngayon kung ano ang magagawa ko, na inyong lingkod.” Sumagot si Akish, “Mabuti! Gagawin kitang personal na tagapagbantay ko habang buhay.”
3 Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.
4 Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa. 5 Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot. 6 Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan. 7 Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”
8 Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.” 9 Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.” 10 Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya. 11 Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”
12 Kaya tinawag ng babae si Samuel, at nang makita ng babae si Samuel, sumigaw siya nang malakas at sinabi niya kay Saul, “Niloko nʼyo po ako! Kayo po si Saul!” 13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” Sumagot ang babae, “Nakita ko po ang isang kaluluwa[a] na lumalabas galing sa lupa.” 14 Nagtanong si Saul, “Ano ba ang itsura niya?” Sumagot siya, “Isa pong matandang lalaki na nakabalabal.” Natiyak ni Saul na si Samuel iyon kaya nagpatirapa siya bilang paggalang sa kanya. 15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginagambala sa pamamagitan ng pagtawag sa akin?” Sumagot si Saul, “Mayroon akong malaking problema. Sinasalakay kami ng mga Filisteo at tinalikuran na ako ng Dios. Hindi na siya sumasagot sa pamamagitan man ng panaginip o ng mga propeta. Ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” 16 Sinabi ni Samuel, “Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi baʼt tinalikuran ka na ng Panginoon at naging kaaway mo siya? 17 Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ko. Kinuha niya sa iyo ang kaharian ng Israel at ibinigay sa kapwa mo Israelita na si David. 18 Ginawa ito ng Panginoon sa iyo ngayon dahil hindi mo sinunod ang utos niyang iparanas ang kanyang galit sa lahat ng Amalekita. 19 Bukas, ikaw at ang mga Israelita ay ibibigay ng Panginoon sa mga Filisteo, at makakasama kita at ang iyong mga anak na lalaki sa lugar ng mga patay.” 20 Nang marinig ito ni Saul, natumba siya at nasubsob sa lupa. Matindi ang takot niya sa sinabi ni Samuel. Hinang-hina rin siya sa gutom dahil hindi siya kumain buong araw at gabi.
21 Nilapitan ng babae si Saul. At nang makita niya na takot na takot si Saul, sinabi niya, “Mahal na Hari, tinupad ko na po ang ipinag-uutos ninyo sa akin kahit na alam kong nasa panganib ang buhay ko. 22 Nakikiusap po akong pakinggan ninyo ang inyong lingkod. Bibigyan ko kayo ng pagkain para manumbalik ang inyong lakas at makapagpatuloy kayo sa inyong paglalakbay.” 23 Pero tumangging kumain si Saul. Tinulungan ng mga tauhan ni Saul ang babae sa pagpilit sa kanya para kumain, at pumayag na rin siya. Tumayo siya mula sa lupa at naupo sa higaan. 24 Kinatay agad ng babae ang pinapataba niyang guya, nagmasa ng harina, at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga tauhan nito, at kumain sila. Pagkatapos, umalis na rin sila nang gabing iyon.
Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol
9 Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? 2 Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. 3 At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.
4 Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? 6 Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? 7 Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b] 16 Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Dios sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.
19 Kahit hindi ako isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami na sasampalataya kay Cristo. 20 Sa piling ng mga kapwa ko Judio, namumuhay ako bilang Judio upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Cristo. Kaya kahit wala man ako sa ilalim ng Kautusan ng mga Judio, sinusunod ko ito upang madala ko sila sa pananampalataya. 21 Sa piling naman ng mga hindi Judio, namumuhay ako na parang wala sa ilalim ng Kautusan upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga utos ng Dios, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga utos ni Cristo. 22 Sa mahihina pa ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko sila kay Cristo. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, upang sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito.
24 Sa ating pagsunod sa Dios ay para tayong mananakbo. Alam ninyo na sa isang takbuhan, marami ang sumasali ngunit isa lang ang nananalo. Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ninyo ang gantimpala. 25 Ang bawat manlalaro ay nagsasanay nang mabuti at dinidisiplina ang sarili upang makamit ang gantimpala. Ginagawa niya ito para sa gantimpalang hindi nagtatagal. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay magtatagal magpakailanman. 26 Kaya nga, may layunin at direksyon ang aking pagtakbo. Kung baga sa isang boksingero, hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Dinidisiplina ko ang aking katawan at sinusupil ko ang masasamang pagnanasa nito, dahil baka pagkatapos kong ipangaral ang Magandang Balita sa iba ay ako pa ang hindi makatanggap ng gantimpala mula sa Dios.
Malapit na ang Katapusan ng Israel
7 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel. 3 Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 4 Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan. 6 Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo, 7 kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan. 8 Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 9 Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.
10 “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao. 11 Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala. 12 Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko. 13 Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay. 14 Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
15 “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom. 16 Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan. 17 Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod. 18 Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila. 19 Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala. 20 Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila. 21 Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito. 22 Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.
23 “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod. 24 Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao,[a] at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila. 25 Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan. 26 Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan. 27 Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®