M’Cheyne Bible Reading Plan
Si David Kasama ng mga Filisteo
27 Nasabi ni David sa kanyang sarili, “Darating ang panahon na papatayin ako ni Saul. Mabuti pang tumakas ako papunta sa lupain ng mga Filisteo para tumigil na siya sa paghahanap sa akin sa Israel at makaligtas ako sa kanya.” 2 Kaya pumunta si David at ang 600 niyang tauhan kay Haring Akish ng Gat, na anak ni Maok. 3 Doon sila tumira sa Gat sa pangangalaga ni Akish, kasama ang kani-kanilang pamilya. Dinala ni David ang dalawa niyang asawa na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel, na biyuda ni Nabal. 4 Nang mabalitaan ni Saul na tumakas si David at pumunta sa Gat, hindi na niya ito hinanap.
5 Isang araw, sinabi ni David kay Akish, “Kung naging mabuti po ako sa inyong paningin, maaari po bang sa isang bayan sa ibang lalawigan kami tumira? Hindi po kasi kami nararapat tumira rito sa lungsod na tinitirhan ninyo bilang hari.” 6 Kaya nang araw na iyon, ibinigay sa kanya ni Akish ang lugar ng Ziklag. Kaya hanggang ngayon sakop ito ng mga hari ng Juda. 7 Tumira si David sa teritoryo ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.
8 Nang panahong iyon, sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Geshureo, Gizrita at mga Amalekita. Mula pa noong una, ang mga taong itoʼy nakatira na sa lugar na malapit sa Shur papuntang Egipto. 9 Kapag sumasalakay sila David, pinapatay nila ang lahat ng lalaki at babae, at kinukuha ang mga tupa, baka, asno, kamelyo at pati na rin ang mga damit. Pagkatapos, bumabalik sila kay Akish. 10 Kapag itinatanong ni Akish kung saan sila sumalakay nang araw na iyon, sinasabi nilang sinalakay nila ang Negev sa Juda, o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Jerameelita o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Keneo. 11 Pinapatay nina David ang lahat ng lalaki at babae para walang makarating sa Gat at sabihin kung ano talaga ang ginawa nila. Ito ang madalas niyang ginagawa habang naroon siya sa teritoryo ng mga Filisteo. 12 Pinagkakatiwalaan ni Akish si David kaya nasabi niya sa kanyang sarili, “Natitiyak kong kinamumuhian na si David ng mga kapwa niya Israelita kaya habang buhay na siyang maglilingkod sa akin.”
Tungkol sa mga Pagkain na Inialay sa mga Dios-diosan.
8 Ngayon, tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, kung maaari ba natin itong kainin o hindi: Kahit marami na ang ating nalalaman, dapat nating tandaan na kung minsan ang kaalaman ay nagpapayabang sa tao. Mas mahalaga ang pagmamahalan, dahil itoʼy nakapagpapatatag sa atin. 2 Ang taong nag-aakala na marami na siyang alam ay kulang pa rin talaga sa kaalaman. 3 Ngunit ang taong nagmamahal sa Dios ay siyang kinikilala ng Dios na kanya.
4 Kaya kung tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, alam natin na ang mga dios-diosang itoʼy hindi totoong Dios, dahil iisa lamang ang Dios. 5 At kahit na sinasabi ng iba na may mga dios sa langit at sa lupa, at marami ang mga tinatawag na “mga dios” at mga “panginoon,” 6 para sa atin iisa lamang ang Dios, ang ating Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kanya. At may iisang Panginoon lamang, si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya ay nabubuhay tayo ngayon.
7 Ngunit may mga mananampalataya na hindi pa alam ang katotohanang ito. Ang iba sa kanilaʼy sumasamba noon sa mga dios-diosan, kaya hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, naiisip nila na parang kasama na sila sa pagsamba sa mga dios-diosan. At dahil sa kakaunti pa lang ang kaalaman nila, nagkakasala sila sa kanilang konsensya. 8 Kung sabagay, ang pagkain ay walang kinalaman sa ating kaugnayan sa Dios. Walang mawawala sa ating kaugnayan sa Dios kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain man tayo.
9 Ngunit kahit na malaya kayong kumain ng kahit ano, mag-ingat kayo dahil baka iyan ang maging dahilan ng pagkakasala ng mga taong mahihina pa sa kanilang pananampalataya. 10 Halimbawa, may kapatid kang hindi pa nakakaunawa sa katotohanang ito, at ikaw na nakakaunawa ay nakita niyang kumakain sa templo ng mga dios-diosan, hindi baʼt mahihikayat din siyang kumain ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan kahit na para sa kanya ay isa itong kasalanan? 11 Dahil sa iyong “kaalaman,” napapahamak ang iyong kapatid na mahina pa sa pananampalataya, na kung tutuusin ay namatay din si Cristo para sa kanya. 12 At sa ganitong paraan ay nagkasala ka na rin kay Cristo, dahil nagkasala ka sa iyong kapatid na mahina pa ang pananampalataya sa pag-udyok mo sa kanya na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban. 13 Kaya kung ang kinakain ko ay nagiging dahilan ng pagkakasala ng aking kapatid, hindi na lang ako kakain nito[a] kailanman, para hindi magkasala ang aking kapatid.
Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: 3 O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[a] 4 Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. 5 Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. 6 Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. 7 Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
8 “Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa 9 bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®