M’Cheyne Bible Reading Plan
Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila
23 Isang araw ibinalita kay David na sinasalakay ng mga Filisteo ang Keila at sinasamsam ang mga trigo sa giikan. 2 Nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin ko po ba ang mga Filisteo?” Sumagot ang Panginoon, “Sige, salakayin mo sila at iligtas mo ang Keila.” 3 Pero sinabi ng mga tauhan ni David, “Dito pa nga lang po sa Juda ay natatakot na kami, lalo pa kaya kung pupunta kami sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo.” 4 Muling nagtanong si David sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa Keila dahil pagtatagumpayin ko kayo laban sa Filisteo.” 5 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Maraming Filisteo ang napatay nila; kinuha nila ang mga hayop nito at nailigtas nila ang mga taga-Keila.
6 (Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang espesyal na damit[a] ng mga pari.)
Tinugis ni Saul si David
7 May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, “Ibinigay na siya ng Dios sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader.” 8 Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya. 9 Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari. 10 Nanalangin si David, “O Panginoon, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin. 11 Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang Panginoon, “Oo, pupunta siya rito.” 12 Muling nagtanong si David, “Ako at ang aking mga tauhan ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot ang Panginoon. “Oo, ipapaubaya nila kayo.” 13 Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon.
14 Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul.
15 Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niya na pumunta roon si Saul para patayin siya. 16 Pinuntahan siya ni Jonatan para palakasin ang pananampalataya niya sa Dios. 17 Sinabi ni Jonatan, “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo.” 18 Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng Panginoon. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan pero nagpaiwan si David sa Hores.
19 Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon. 20 Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David.” 21 Sumagot si Saul, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa pag-aalala ninyo sa akin. 22 Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya. 23 Alamin ninyo kung saan siya pwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasama ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda.” 24 Kaya nauna sila kay Saul papuntang Zif.
Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa disyerto ng Maon sa Araba, sa gawing timog ng Jeshimon. 25 Pagdating ni Saul at ng mga tauhan niya sa Zif, hinanap nila si David. Nang malaman ito ni David, nagtago siya sa malaking bato sa disyerto ng Maon at doon siya nanirahan. Nang mabalitaan ito ni Saul, pumunta siya sa disyerto ng Maon para hanapin si David. 26 Habang sina Saul at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang gilid ng bundok, sina David at ang mga tauhan naman niya ay nasa kabilang gilid at nagmamadaling makalayo kay Saul. Nang malapit na silang maabutan ni Saul at ng kanyang mga tauhan, 27 dumating ang isang mensahero at sinabi kay Saul, “Bumalik po muna kayo dahil sinasalakay tayo ng mga Filisteo ang ating bayan.” 28 Kaya tumigil si Saul sa paghabol kina David at bumalik para labanan ang mga Filisteo. At dahil sa lugar na iyon naghiwalay si David at si Saul, tinawag ang lugar na iyon na “Batong Pinaghiwalayan.” 29 Mula roon, dumiretso si David sa mga kuta ng En Gedi at doon nagtago.
Mga Apostol ni Cristo
4 Kaya dapat ituring ninyo kami ni Apolos bilang mga lingkod ni Cristo na pinagkatiwalaan ng Dios na mangaral ng katotohanang inilihim niya noong una. 2 At ang katiwalaʼy dapat maging tapat. 3 Hindi mahalaga sa akin kung ano ang iniisip ninyo o ng sinuman sa akin, ni hindi ko nga pinapahalagahan ang sarili kong opinyon. 4 Kung sabagay, malinis ang aking konsensya, pero hindi ito nangangahulugan na wala akong kasalanan. Ang Panginoon lang ang makapagsasabi kung tama o mali ang aking ginagawa. 5 Kaya huwag kayong humatol nang wala sa takdang panahon. Hintayin ninyo ang pagbabalik ng Panginoon. Pagdating niya, ilalantad niya ang lahat ng mga sekreto at motibo ng bawat isa. At sa panahong iyon, tatanggapin ng bawat isa ang papuring mula sa Dios na ayon sa kanyang ginawa.
6 Mga kapatid, ginamit kong halimbawa ang aking sarili at si Apolos upang matutunan ninyo ang ibig sabihin ng kasabihang, “Huwag ninyong higitan ang sinasabi ng Kasulatan.” Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang isa at sabihing mas mabuti siya kaysa sa iba. 7 Bakit sinasabi ninyong nakakahigit kayo sa iba? Ano ba ang mayroon kayo na hindi nagmula sa Dios? Kung ang lahat ng nasa inyoʼy nagmula sa Dios, bakit nagmamalaki kayo na parang galing mismo sa inyo ang mga ito?
8 Inaakala ninyo na nasa inyo na ang lahat ng inyong kailangan, na mayayaman na kayo at naghahari na sa kaharian ng Dios nang wala kami. Sana ngaʼy naghahari na kayo nang makapaghari naman kaming kasama ninyo. 9 Sa tingin ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Dios na parang pinakahamak sa lahat ng tao. Para kaming mga taong nahatulan nang mamatay, na ipinaparada sa harap ng buong mundo, sa mga tao at pati sa mga anghel. 10 Dahil sa pangangaral namin tungkol kay Cristo, itinuturing kaming mga hangal. Ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong dahil nakay Cristo kayo. Kami ay mahihina, at sa palagay ninyo ay malalakas kayo. Iginagalang kayo ng mga tao, habang kami naman ay hinahamak. 11 Maging sa oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, hindi makapanamit nang maayos, pinagmamalupitan, at walang matuluyan. 12 Nagtatrabaho kami nang husto upang mabuhay. Kung nilalait kami ng mga tao, pinagpapala namin sila. Kung kami ay inuusig, tinitiis na lang namin ito. 13 Kung kami ay sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, itinuturing kaming mga basura sa mundo.
14 Hindi ko sinusulat ang mga ito upang ipahiya kayo, kundi upang paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak. 15 Sapagkat kahit marami ang nag-aalaga sa inyong pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama sa pananampalataya. At ako ang inyong ama, dahil naging anak ko kayo sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay. 17 At dahil nga rito, pinapapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Cristo Jesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar.
18 Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao riyan na mayayabang magsalita. 20 Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang. 21 Ngayon, ano ang gusto ninyo: darating ako nang galit sa inyo, o darating nang mahinahon at may pag-ibig?
Tinawag si Ezekiel na Maging Propeta
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka dahil may sasabihin ako sa iyo.” 2 Habang kinakausap ako ng tinig, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Espiritu at itinayo ako. Pinakinggan ko ang tinig na kumakausap sa akin. 3 Sinabi niya, “Anak ng tao, isusugo kita sa mga mamamayan ng Israel, ang rebeldeng bansa. Mula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno hanggang ngayon ay nagrerebelde sila sa akin. 4 Matitigas ang ulo nila at mga lapastangan sila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsusugo sa iyo sa mga taong ito para sabihin ang ipinapasabi ko sa kanila. 5 Makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi, malalaman naman nila na may propeta pala sa kanila. 6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila. Huwag kang matatakot kahit na ang mga sasabihin nila. Mga rebeldeng mamamayan lang sila. 7 Dapat mong sabihin sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo, makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi.
8 “Pero ikaw, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magiging rebelde tulad nila. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibibigay ko sa iyo.” 9 At nakita ko ang isang kamay na nag-aabot sa akin ng isang nakarolyong kasulatan. 10 Iniladlad niya ito sa harap ko at may mga salitang nakasulat sa harap at sa likod nito. Ang nakasulat ay malulungkot na mensahe, mga panaghoy at pagdadalamhati.
Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap
38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
2 Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
3 Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
4 Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
5 Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
6 Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
7 Sumasakit ang buo kong katawan,
at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
8 Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
9 Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.
13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
“Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.
19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
sinusuklian nila ako ng masama.
At kinakalaban nila ako
dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.
21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®