M’Cheyne Bible Reading Plan
10 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul. Hinagkan niya si Saul at sinabi, “Ang Panginoon ang pumili sa iyo na mamuno sa kanyang bayan. 2 Pag-alis mo ngayon, may makakasalubong kang dalawang tao malapit sa libingan ni Raquel sa Zelza, sa hangganan ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap ninyo. At ngayon, hindi na ang mga asno ang inaalala ng iyong ama kundi kayo na. Patuloy niyang itinatanong, “Ano ang gagawin ko para makita ko ang aking anak?” ’
3 “Pagdating mo sa malaking puno ng Tabor, may makakasalubong kang tatlong tao na pupunta sa Betel para sumamba sa Dios. Ang isa sa kanilaʼy may dalang tatlong batang kambing, ang isaʼy may dalang tatlong tinapay at ang isa naman ay may dalang katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 4 Babatiin ka nila at aalukin ng dalawang tinapay na tatanggapin mo naman. 5 Pagdating mo sa bundok ng Dios sa Gibea, kung saan may kampo ng mga Filisteo, may makakasalubong kang grupo ng mga propeta pababa galing sa sambahan sa mataas na lugar. Tumutugtog sila ng lira, tamburin, plauta at alpa, at nagpapahayag ng mensahe ng Dios. 6 At sasaiyo ang Espiritu ng Panginoon at magpapahayag ka ng mensahe ng Dios kasama nila, at mababago na ang pagkatao mo. 7 Kapag nangyari na ang mga bagay na ito, gawin mo kung ano ang mabuti dahil kasama mo ang Dios.
8 “Mauna ka na sa akin sa Gilgal. Susunod ako para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] Pero hintayin mo ako sa loob ng pitong araw hanggang sa dumating ako, at pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
Ginawang Hari si Saul
9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, binago ng Dios ang buhay ni Saul, at ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel ay nangyari nang araw na iyon. 10 Pagdating ni Saul at ng kanyang utusan sa Gibea, sinalubong siya ng mga propeta. Napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios kasama ng mga propetang iyon. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya na nagpapahayag ng mensahe ng Dios kasama ng mga propeta, tinanong nila ang isaʼt isa, “Propeta na rin ba si Saul? Paano naging propeta ang anak ni Kish?” 12 Sumagot ang isang taga-roon, “Hindi na mahalaga kung sino ang kanyang ama; kahit sino ay pwedeng maging propeta.” Dito nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
13 Pagkatapos magpahayag ng mensahe ng Dios, pumunta si Saul sa sambahan sa mataas na lugar. 14 Nagtanong ang tiyuhin ni Saul sa kanya at sa kanyang utusan, “Saan kayo nanggaling?” Sumagot si Saul, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi po namin makita ay pumunta kami kay Samuel.” 15 Sinabi ng tiyuhin ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa iyo.” 16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na ang mga asno.” Pero hindi niya sinabi sa tiyuhin niya ang sinabi ni Samuel tungkol sa kanyang pagiging hari.
17 Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 18 Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo. 19 Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”
20 Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili. 21 Pagkatapos, pinapunta ni Samuel sa harapan ang lahi ni Benjamin ayon sa sambahayan at ang pamilya ni Matri ang napili. Si Saul na anak ni Kish ang napili sa pamilya ni Matri, pero nang hanapin nila si Saul ay hindi nila ito makita. 22 Kaya tinanong nila ang Panginoon, “Nasaan po siya?” Sumagot ang Panginoon, “Nandito siya. Nagtatago siya sa bunton ng mga bagahe.” 23 Kaya tumakbo sila papunta kay Saul at kinuha siya. Nang pinatayo siya sa gitna, siya ang pinakamatangkad sa lahat. 24 Sinabi ni Samuel sa lahat ng mga tao, “Ito ang taong pinili ng Panginoon para maghari sa inyo. Wala ni isa man sa atin na katulad niya.” At sumigaw ang lahat ng tao, “Mabuhay ang hari!”
25 Ipinaliwanag ni Samuel sa mga tao ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Isinulat niya ito sa isang nakarolyong papel at itinago ito sa bahay ng Panginoon. Pagkatapos, pinauwi ni Samuel ang mga tao. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay nila sa Gibea. Sinamahan siya ng mga sundalo na hinipo ng Dios ang puso para sumama sa kanya. 27 Dahil may masasamang taong nanlalait kay Saul na nagsabi, “Paano tayo maililigtas ng taong ito?” At hindi sila nagbigay ng regalo kay Saul bilang parangal sa kanya bilang hari. Pero hindi sila pinansin ni Saul.
Pamumuhay na Ayon sa Banal na Espiritu
8 Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Cristo Jesus. 2 Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan[a] ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay. 3 Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan. 4 Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. 5 Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu. 6 Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. 7 Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. 8 Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.
9 Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.
Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap
18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios. 22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
26 Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. 27 At ang anumang nais sabihin ng Banal na Espiritu ay alam ng Dios na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya,[b] kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios.
28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Jesus para siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Kaya nga, ang mga taong pinili ng Dios noong una pa ay tinawag niya para maging kanyang mga anak, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay binigyan niya ng karangalan.
Ang Pag-ibig ng Dios
31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[c] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[d]
37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.
Ang Mensahe tungkol sa Filistia
47 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon[a] ang Gaza:
2 “May bansang sasalakay mula sa hilaga na parang baha na aapaw sa buong lupain. Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod pati ang mga mamamayan nito. Magsisigawan at mag-iiyakan nang malakas ang mga tao dahil sa takot. 3 Maririnig nila ang ingay ng lagapak at mga yabag ng mga kabayo at mga karwahe. Hindi na lilingon ang mga ama para tulungan ang mga anak nila dahil sa takot. 4 Sapagkat darating ang araw na wawasakin ang lahat ng Filisteo pati ang mga kakampi nila na tumutulong sa kanila mula sa Tyre at Sidon. Wawasakin ng Panginoon ang mga Filisteo. Ito ang mga taong mula sa Caftor.[b] 5 Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo, tanda ng pagluluksa nila, at ang mga taga-Ashkelon ay tatahimik sa kalungkutan. Kayong mga mamamayan sa kapatagan, hanggang kailan ninyo susugatan ang inyong sarili upang ipakita ang inyong kalungkutan? 6 Nagtatanong kayo kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo sa pamamagitan ng espada ko. Sinasabi ninyong ibalik ko na sa lalagyan ang espada ko at pabayaan na lang kayo. 7 Pero paano ito mapipigil dahil inutusan ko na ito na salakayin ang Ashkelon at ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat?”
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®