M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kahon ng Kasunduan sa Ashdod at Ekron
5 Nang maagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Dios, dinala nila ito mula sa Ebenezer papunta sa Ashdod. 2 Pagkatapos, dinala nila ito sa templo ng kanilang dios-diosan na si Dagon at itinabi rito. 3 Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Ashdod ang rebulto ni Dagon na nakasubsob na sa harap ng Kahon ng Panginoon. Itinayo nila ito at ibinalik sa dating posisyon. 4 Pero kinaumagahan, nakita ulit nila na nakasubsob ang rebulto sa harap ng Kahon ng Panginoon. Ang ulo at ang dalawang kamay nito ay putol na, at nakakalat sa bandang pintuan; katawan lang nito ang natirang buo. 5 Kaya hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang mga pumapasok sa templo niya roon sa Ashdod ay hindi na tumatapak sa bandang pintuan.
6 Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang mga taga-Ashdod at mga karatig lugar nito. Binigyan sila ng Panginoon ng mga tumor bilang parusa sa kanila. 7 Nang makita ng mga taga-Ashdod ang nangyari, sinabi nila, “Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Dios ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating dios.” 8 Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, “Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Dios ng Israel?” Sumagot sila, “Dalhin ito sa Gat.” Kaya dinala nila ang Kahon ng Dios ng Israel sa Gat.
9 Pero nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga tumor, bata man o matanda. 10 Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Dios sa Ekron. Habang padating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kahon ng Dios ng Israel para patayin din tayong lahat.” 11 Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, “Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Dios ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat.” Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Dios sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay. 12 Nagkaroon din ng tumor ang mga natitirang buhay. Abot hanggang langit ang pag-iyak nila dahil sa nangyari.
Ibinalik ang Kahon ng Kasunduan sa Israel
6 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon, 2 ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, “Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon. Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?” 3 Sumagot sila, “Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Dios ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog na pambayad ng kasalanan, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Dios ang pagpaparusa sa inyo.”
4-5 Nagtanong ang mga Filisteo, “Ano ang ipapadala namin bilang handog na pambayad ng kasalanan?” Sumagot ang mga pari at manghuhula, “Gumawa kayo ng limang gintong estatwa na hugis tumor at limang gintong estatwa na hugis daga, ayon sa dami ng mga pinuno natin, dahil dumating sa atin at sa mga pinuno natin ang salot ng mga tumor at daga na naminsala sa ating lupain. Ihandog ninyo ito bilang pagpaparangal sa Dios ng Israel, baka sakaling itigil na niya ang pagpaparusa sa atin sa mga dios natin, at sa ating lupain. 6 Huwag na ninyong patigasin ang mga puso ninyo gaya ng ginawa ng mga Egipcio at ng kanilang Faraon. Pinayagan lang nilang makaalis ang mga Israelita nang matindi na ang pagpapahirap sa kanila ng Dios. 7 Kaya ngayon, gumawa kayo ng bagong kariton at kumuha ng dalawang inahing baka na hindi pa napapahila ng kariton. Ikabit ninyo ang kariton sa mga baka pero ihiwalay ninyo ang kanilang mga bisiro at ikulong sa kwadra. 8 Pagkatapos, kunin ninyo ang Kahon ng Panginoon at ilagay sa kariton. Ilagay din ninyo sa tabi nito ang isang Kahon na may lamang mga gintong handog na mga tumor at daga na ipapadala ninyo bilang handog na pambayad ng kasalanan. Palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay at pabayaan silang pumunta kahit saan. 9 Pero tingnan ninyo kung saan sila pupunta. Kung lalakad sila paakyat sa Bet Shemesh, na isa sa mga bayan ng mga Israelita, malalaman natin na ang Panginoon ang nagpadala ng matinding pinsalang ito sa atin. Pero kung hindi ito tutuloy sa Bet Shemesh, malalaman natin na hindi ang Panginoon ang nagpaparusa sa atin. Kundi nagkataon lang ito.”
10 Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kwadra ang mga bisiro nito. 11 Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis tumor at daga. 12 Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet Shemesh na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet Shemesh.
13 Nang mga panahong iyon, nag-aani ang mga taga-Bet Shemesh ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila. 14-15 Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet Shemesh, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog. 16 Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.
17 Ang limang gintong hugis tumor na ipinadala ng mga Filisteo bilang handog na pambayad ng kasalanan ay galing sa mga pinuno ng Ashdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18 Kasama ng limang gintong hugis daga, ayon na rin sa bilang ng limang bayan ng mga Filisteo. Itong mga napapaderang bayan at ang mga baryo na walang pader ay sakop ng limang pinunong iyon. Ang malaking bato sa bukid ni Josue ng Bet Shemesh na pinagpatungan nila ng Kahon ng Panginoon ay naroon pa hanggang ngayon bilang alaala sa nangyari roon.
19 Ngunit may pinatay ang Dios na 70 tao na taga-Bet Shemesh dahil tiningnan nila ang laman ng Kahon ng Panginoon. Nagluksa ang mga tao dahil sa matinding dagok na ito ng Panginoon sa kanila. 20 Nagtanong sila, “Sino ba ang makakaharap sa presensya ng Panginoon, ang banal na Dios? Saan ba natin ipapadala ang Kahon ng Panginoon para mailayo ito sa atin?” 21 Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat Jearim at sinabi roon, “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kahon ng Panginoon. Pumunta kayo rito at dalhin ninyo ito sa lugar ninyo.”
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[a] At kung mabuti ang ating pagkatao,[b] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[c] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.
Si Adan at si Cristo
12 Dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Dios. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan. Kaya lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao, dahil nagkasala ang lahat. 13 Nasa mundo na ang kasalanan bago pa man ibigay ng Dios ang Kautusan. Pero hindi pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan kung wala namang Kautusan. 14 Ganoon pa man, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Dios.
Si Adan ay larawan ng Cristo na nooʼy inaasahang darating. 15 Pero magkaiba ang dalawang ito, dahil ang kaloob ng Dios ay hindi katulad sa kasalanan ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa maraming tao ang kasalanan ni Adan, pero mas nakakahigit ang biyaya at kaloob ng Dios na dumating sa maraming tao sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Jesu-Cristo. 16 Ibang-iba ang idinulot ng kaloob ng Dios sa idinulot ng kasalanan ni Adan. Ang kasalanan ni Adan ay nagdulot ng kaparusahan, pero ang kaloob na ibinigay ng Dios sa kabila ng maraming kasalanan ay nagdulot ng kapatawaran. 17 Dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan, pero dahil sa ginawa ng isa pang tao na si Jesu-Cristo ang mga taong tumanggap ng masaganang biyaya at kaloob ng Dios ay itinuring niyang matuwid, at maghahari sila sa buhay na walang hanggan. 18 Kaya dahil sa kasalanan ng isang tao, ang lahat ay nahatulang maparusahan. Ganoon din naman, dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao, ang lahat ay maituturing na matuwid at mabibigyan ng bagong buhay. 19 Kung sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan, ganoon din naman, dahil sa pagsunod ng isang tao marami ang itinuring ng Dios na matuwid. 20 Ibinigay ng Dios ang Kautusan para ipakita sa mga tao na marami ang kanilang pagsuway, at nadadagdagan pa nga dahil sa Kautusan. Pero kung nadadagdagan ang pagsuway, higit na nadadagdagan ang biyaya ng Dios. 21 Kaya kung paanong naghari ang kasalanan at nagdulot ng kamatayan, ganoon din naman, naghahari ang biyaya ng Dios at nagdudulot ng buhay na walang hanggan. At dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo, itinuring tayong matuwid ng Dios.
Si Jeremias ay Dinala sa Egipto
43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon na kanilang Dios ang tungkol sa kanila, 2 sinabi sa kanya nina Azaria na anak ni Hosaya, Johanan na anak ni Karea, at ng iba pang mayayabang na lalaki, “Sinungaling ka! Hindi ka isinugo ng Panginoon na aming Dios, para sabihin sa amin na hindi kami dapat pumunta sa Egipto upang manirahan doon. 3 Si Baruc na anak ni Neria ang naghikayat sa iyo na ibigay kami sa mga taga-Babilonia para patayin nila kami o bihagin.”
4 Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo at ang lahat ng mamamayan ay hindi sumunod sa utos ng Panginoon na manatili sila sa Juda. 5 Sa halip, dinala ni Johanan at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang mga natirang taga-Juda na nagsibalikan sa Juda mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan nila. Kabilang dito ang mga lalaki, babae, bata, 6 at mga anak na babae ng hari na ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Dinala rin nila sina Propeta Jeremias at Baruc na anak ni Neria. 7 Hindi sila sumunod sa Panginoon, talagang pumunta sila sa Egipto, at nakarating sila sa lungsod ng Tapanhes.
8 Doon sa Tapanhes, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 9 “Habang nakatingin ang mga taga-Juda, kumuha ka ng malalaking bato at ibaon mo sa lupa sa gitna ng daan papasok sa palasyo ng Faraon[a] sa Tapanhes. 10 Pagkatapos, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Susuguin ko ang lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ilalagay ko ang kanyang trono at toldang panghari sa ibabaw ng mga batong ito na ibinaon ko sa lupa sa gitna ng daan. 11 Sasalakayin niya ang Egipto at papatayin niya ang mga itinakdang patayin, at bibihagin niya ang mga itinakdang bihagin. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan sa Egipto. Ang ibang mga dios-diosan ay masusunog din, at ang iba ay dadalhin niyang bihag. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto katulad ng paglilinis ng pastol ng kanyang damit para alisin ang mga pulgas. Pagkatapos, aalis si Nebucadnezar na ligtas sa anumang pinsala. 13 Talagang wawasakin niya ang mga haligi ng dios-diosan sa Heliopolis[b] sa Egipto, at susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan doon.’ ”
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®