M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtawag ng Dios kay Samuel
3 Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon, at kakaunti na rin ang mga pangitain. 2 Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita. 3 Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Dios, 4 tinawag ng Panginoon si Samuel. Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 5 Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.
6 Muli siyang tinawag ng Panginoon, “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” 7 Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang Panginoon.
8 Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” At naunawaan ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, 9 kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang lingkod ninyo.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.
10 Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag siya, “Samuel! Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon, sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.” 11 Sinabi ng Panginoon, “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito. 12 Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang mga sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli. 13 Sinabi ko sa kanya na parurusahan ko habang panahon ang sambahayan niya, dahil pinabayaan niya ang mga anak niya sa mga ginagawa nilang paglapastangan sa akin kahit alam na niya ang tungkol dito. 14 Kaya isinumpa ko, na ang kasalanan nilaʼy hindi mapapatawad ng anumang handog kahit kailan.”
15 Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng sambahan para sa Panginoon. Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 17 Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parurusahan ka ng Dios ng matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya. Wala siyang itinago. At sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon. Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”
19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[a] 21 Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Shilo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.
3 Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Judio? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? 2 Totoong nakakahigit ang mga Judio sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Dios. 3 Kung hindi naging tapat ang ilan sa pagsunod sa Dios, nangangahulugan bang hindi na rin magiging tapat ang Dios sa pagtupad sa kanyang mga pangako? 4 Aba hindi! Sapagkat tapat ang Dios sa kanyang mga salita, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.”[a]
5 Baka naman may magsabi, “Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Dios, hindi makatarungan ang Dios kung parusahan niya kami.” (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.) 6 Aba, hindi maaari iyan. Sapagkat kung ganyan, paano niya hahatulan ang mga tao sa mundo?
7 Baka naman mayroon ding magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Dios, at dahil dito papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” 8 Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama para lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Dios.
Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan
9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[b]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[c] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
Ang kanilang sinasabiʼy[d] puro pandaraya.[e]
Ang mga salita[f] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[g]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[h]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[i]
18 at wala silang takot sa Dios.”[j]
19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Pinatay si Gedalia
41 Si Ishmael ay anak ni Netania at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ishmael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalia na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila, 2 tumayo si Ishmael na anak ni Netania at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain. 3 Pinatay din ni Ishmael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Judio roon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.
4 Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalia ay pinatay, 5 may 80 lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Shilo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila para ipakitang nagluluksa sila. May mga dala silang handog para parangalan ang Panginoon at mga insenso para ihandog sa templo ng Panginoon. 6 Sinalubong sila ni Ishmael na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalia.”
7 Pagdating nila sa lungsod, ang 70 sa kanila ay pinatay ni Ishmael at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon. 8 Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ishmael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.” 9 Ang balon na pinaghulugan ni Ishmael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalia ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasha ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ishmael ng mga bangkay.
10 Pagkatapos, binihag ni Ishmael ang mga taong natitira sa Mizpa – ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalia para alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ishmael sa Ammon na dala ang mga bihag.
11 Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ishmael na anak ni Netania. 12 Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netania na si Ishmael para labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon. 13 Nang makita ng mga bihag ni Ishmael si Johanan at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila. 14 Silang lahat na bihag ni Ishmael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan. 15 Pero tumakas sa Ammon ang anak ni Netania na si Ishmael at ang walo niyang kasama.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ishmael mula sa Mizpa, kabilang dito ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. At mula sa Gibeon, 17 pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Betlehem at tumuloy sa Egipto. 18 Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ishmael si Gedalia na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®