M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Panalangin ni Hanna
2 At nanalangin si Hanna,
“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
2 Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
3 Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
4 Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
5 Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[a]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
6 May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
7 Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
8 Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
9 Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[b]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”
11 Pagkatapos, umuwi si Elkana at ang sambahayan niya sa Rama. Pero iniwan nila si Samuel para maglingkod sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli na pari.
Ang Kasalanan ng Dalawang anak ni Eli
12 Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios 13 dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis. 14 Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo. 15 At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.” 16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.” 17 Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.
18 Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit[c] na gawa sa telang linen. 19 Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog. 20 Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.
21 Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.
Si Eli at ang mga Anak Niya
22 Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? 24 Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon.”
25 Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios[d] sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa Panginoon?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.
26 Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.
Ang Propesiya tungkol sa Sambahayan ni Eli
27 Lumapit ang isang lingkod ng Dios kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Egipto. 28 Sa lahat ng lahi ng Israel, ang pamilya niya ang pinili ko na maging aking pari na maglilingkod sa aking altar, sa pagsusunog ng insenso, sa pagsusuot ng espesyal na damit ng pari sa aking presensya. Binigyan ko rin sila ng bahagi sa mga handog sa pamamagitan ng apoy na iniaalay ng mga Israelita. 29 Bakit pinag-iinteresan[e] pa ninyo ang mga handog na para sa akin? Bakit mas iginagalang mo pa, Eli, ang mga anak mo kaysa sa akin? Hinahayaan mong patabain nila ang kanilang mga sarili ng mga pinakamagandang bahagi ng handog ng mga mamamayan kong Israelita. 30 Ako na inyong Panginoon, ang Dios ng Israel ay nangako noon na kayo lang at ang lahi ng inyong mga ninuno ang makapaglilingkod sa akin magpakailanman bilang pari. Ngunit hindi na ngayon, dahil pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit hahamakin ko ang humahamak sa akin. 31-32 Tandaan ninyo ito: Darating ang panahon na lilipulin ko ang lahat ng kabataan sa inyo at sa iba pang lahi ng inyong mga ninuno. Magdurusa kayo at hindi ninyo mararanasan ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Magiging maikli ang inyong buhay. 33 Hindi ko aalisin ang iba sa inyo sa paglilingkod sa akin bilang pari, pero dadanas sila ng matinding pagdurusa, at hindi sila mabubuhay nang matagal. 34 At bilang tanda sa iyo na mangyayari ang mga bagay na ito, mamamatay nang sabay ang dalawa mong anak na sina Hofni at Finehas sa isang araw lang. 35 Pipili ako ng pari na matapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng mga angkan na maglilingkod sa aking piniling hari magpakailanman. 36 Lahat ng matitira sa mga angkan mo ay mamamalimos ng pera o pagkain sa mga angkan ng paring ito. Magmamakaawa sila na gawing alipin man lang ng mga pari para makakain lang sila.”
Ang Hatol ng Dios
2 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. 2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. 5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. 6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[a] 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. 8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. 9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak,[b] at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito. 14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin. 15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. 16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[c]
25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[d] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.
Pinalaya si Jeremias
40 May sinabi ang Panginoon kay Jeremias pagkatapos siyang palayain ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya sa Rama. Nakakadena siya noon kasama ng mga bihag na mga taga-Jerusalem at taga-Juda na dadalhin sa Babilonia. 2 Nang makita ni Nebuzaradan si Jeremias, sinabi niya sa kanya, “Ang Panginoon na iyong Dios ay nagsabing wawasakin niya ang Jerusalem. 3 At nangyari ito ngayon. Talagang ginawa ng Panginoon ang sinabi niya. Nangyari ito dahil gumawa ng kasalanan sa Panginoon ang mga kababayan mo at hindi sila sumunod sa kanya. 4 Aalisin ko na ngayon ang kadena mo at palalayain na kita. Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa Babilonia at aalagaan kita roon. Pero kung ayaw mo, nasa sa iyo iyon. Tingnan mo ang buong lupain; malaya kang pumunta kahit saan. 5 Kung gusto mo talagang magpaiwan dito, bumalik ka kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Ginawa siyang tagapangasiwa ng hari ng Babilonia sa mga bayan ng Juda. Maaari kang makapanirahang kasama niya at ng mga nasasakupan niya o kahit saan man na nais mong pumunta.”
Pagkatapos, binigyan siya ni Nebuzaradan ng mga pagkain at regalo, at pinalaya. 6 Kaya umalis si Jeremias at pumunta kay Gedalia roon sa Mizpa at tumira roon kasama ng mga taong naiwan.
Ang Pamamahala ni Gedalia sa Juda
7 May ilang mga opisyal at mga sundalo ng Juda na nasa bukirin na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nilang si Gedalia ay ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa buong lupain para mamuno sa mga lalaki, babae at mga bata na siyang pinakamahirap ang kalagayan na naiwan at hindi dinalang bihag sa Babilonia. 8 Kaya pumunta ang mga pinunong ito kay Gedalia na nasa Mizpa. Ang mga pinunong ito ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan at Jonatan na mga anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Netofa, at Jaazania na anak ng taga-Maaca. Sumama sa kanila ang mga tauhan nila. 9 Sumumpa sa kanila si Gedalia na hindi sila mapapahamak kung magpapasakop sila sa mga taga-Babilonia. Sinabi niya sa kanila, “Manirahan kayo rito sa lupaing ito at maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo. 10 Mananatili ako rito sa Mizpa upang humarap sa mga taga-Babilonia para sa inyo kapag dumating sila rito. Manirahan kayo sa kahit saang lugar na inyong gusto, at anihin ninyo ang mga ubas, mga olibo, at ang iba pang mga prutas, at iimbak ninyo sa mga lalagyan.”
11 Nabalitaan din ng lahat ng Judio na nagsitakas sa Moab, Ammon, Edom at sa iba pang mga bansa na may mga taong iniwan si Haring Nebucadnezar na mga mamamayan ng Juda, at ginawa niyang gobernador si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. 12 Kaya bumalik sila sa Juda mula sa ibaʼt ibang lugar na pinangalatan nila at pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. At nanguha sila ng mga ubas at iba pang mga prutas. 13 Pumunta rin kay Gedalia sa Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang iba pang mga opisyal ng mga sundalo na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. 14 Sinabi nila, “Hindi mo ba alam na isinugo ni Haring Baalis ng Ammon si Ishmael na anak ni Netania para patayin ka?” Pero hindi naniwala si Gedalia sa kanila.
15 Pagkatapos, nakipagkita si Johanan kay Gedalia ng lihim at sinabi niya sa kanya, “Papatayin ko ang anak ni Netania na si Ishmael ng walang sinumang nakakaalam. Huwag natin siyang pabayaan na patayin ka. Kung sakaling mangyari ito, ito ang magiging dahilan para mangalat at mawala ang mga Judiong naiwan dito sa Juda na pinamumunuan mo.” 16 Pero sinabi ni Gedalia na anak ni Ahikam kay Johanan, “Huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ishmael.”
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®