Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 1

Ang Kapanganakan ni Samuel

May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala.

Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa Panginoong Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon sa Shilo. Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”

9-10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.[a] 11 Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”

12-13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14 kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15 Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”

17 Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18 Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.

19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[b] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

Inihandog ni Hanna si Samuel

21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa[c] Panginoon.

Roma 1

Mula kay Pablo na lingkod[a] ni Cristo Jesus.

Pinili at tinawag ako ng Dios na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3-4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagkatao, isinilang siya sa lahi ni Haring David, at sa kanyang banal na espiritu,[b] napatunayang siya ang makapangyarihang Anak ng Dios, nang siyaʼy nabuhay mula sa mga patay. Sa pamamagitan ni Cristo, tinanggap namin ang kaloob na maging apostol para madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga tao sa lahat ng bansa. Ginagawa namin ito para sa kanya. At kayong mga mananampalataya riyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.

Sa inyong lahat diyan sa Roma na minamahal ng Dios at tinawag na maging banal,[c] sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.

13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[d] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[e]

Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan

18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.

24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!

26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila.

28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.

Jeremias 39

Ang Pagkawasak ng Jerusalem

39 Ganito ang pagkawasak ng Jerusalem: Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem. At noong ikaapat na buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod. Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan[a] ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal Sharezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.

Nang makita sila ni Haring Zedekia at ng mga sundalo nito, tumakas sila pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Lambak ng Jordan.[b]

Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedekia at dinala kay haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar. Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.

Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader. Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan. 10 Pero iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.

11 Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.” 13 Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, Nebushazban, Nergal Sharezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 14 Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo at ibinigay kay Gedalia na anak ni Ahikam na apo ni Shafan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.

15 Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 16 “Pumunta ka kay Ebed Melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito. 17 Pero ililigtas kita sa mga panahong iyon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo. 18 Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Salmo 13-14

Panalangin para Tulungan

13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
    Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
    Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
    Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
    Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?

Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
    sagutin nʼyo ang aking dalangin.
    Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
    upang hindi ako mamatay
at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
    At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®