M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Micas at ang Lahi ni Dan
18 Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel. At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan nila at magiging sa kanila. Sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ay hindi pa natatanggap ang lupaing mamanahin nila. 2 Kaya nagsugo ang mga lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa kalahi nila para maghanap ng matitirhan nila. Ang limang lalaki ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.
Nang umalis na sila para maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim, at doon sila natulog. 3 Habang naroon sila, nalaman nilang hindi taga-roon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”
4 Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at pinapasahod niya ako.” 5 Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Dios kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.” 6 Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”
7 Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Laish. Nakita nila na maayos ang pamumuhay ng mga tao roon tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar, at mabuti ang kalagayan ng mga tao. Ang lugar na ito ay malayo sa mga Sidoneo, at wala silang kakamping bansa. 8 Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. 9 Sinabi nila, “Tayo na, nakakita na kami ng pinakamabuting lugar para sa atin. Bilisan natin! Lusubin na natin ang lupaing iyon. 10 Ibinigay na iyon sa atin ng Dios. Malawak at masagana; naroon ang lahat ng kailangan natin. At isa pa, mapayapa ang lugar na iyon kaya hindi sila mag-iisip na may mangyayaring masama.”
11 Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang 600 armadong lalaki mula sa lahi ni Dan para makipaglaban. 12 Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat Jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Kampo ni Dan.) 13 Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.
14 Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit[a] ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?” 15 Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon. 16-17 Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan.
18 Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?” 19 Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?” 20 Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.
21 Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit. 22 Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan. 23 Sinigawan nila sila, at lumingon ang mga ito at nagtanong kay Micas, “Ano ba ang nangyari at hinahabol nʼyo kami?”
24 Sumagot si Micas, “Nagtatanong pa kayo? Kinuha nʼyo ang mga dios na aking ipinagawa, pati ang pari ko. Wala nang natira sa akin.” 25 Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.” 26 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.
27 Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Laish dala ang mga dios-diosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Laish, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Laish, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod. 28 Walang tumulong sa mga taga-Laish dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet Rehob. Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito. 29 Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nito ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob.[b] 30 Ipinatayo nila roon ang dios-diosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gershom at apo ni Moises ang ginawa nilang pari. Ang mga angkan ni Jonatan ang naglingkod bilang mga pari sa lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag sa mga taga-Israel. 31 At habang ang tolda na pinagsasambahan sa Dios ay naroon pa sa Shilo, ang dios-diosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.
22 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!” 2 Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita: 3 “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios. 4 Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae. 5 Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.
Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus
6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[a] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.
12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio
17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”
22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.
24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.
Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio
30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.
Bumili ng Bukid si Jeremias
32 Ang Panginoon ay nagsalita kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, nang ika-18 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Nang panahong iyon, kinukubkob ang Jerusalem ng mga sundalo ng Babilonia, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardya sa palasyo ng hari ng Juda. 3 Ikinulong siya roon ni Haring Zedekia dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito. 4 Si Haring Zedekia ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia,[a] kundi talagang ihaharap siya sa hari ng Babilonia para hatulan. 5 Dadalhin ko si Zedekia sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na 7 si Hanamel na anak ng tiyo kong si Shalum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’
8 “Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”
Alam kong kalooban ito ng Panginoon, 9 kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang 17 pirasong pilak. 10 Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan ng bilihan. 12 At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Neria na apo ni Maseya, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa himpilan ng mga guwardya.
13 At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc 14 na ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok para hindi ito masira at para tumagal ito ng mahabang panahon. 15 Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
16 Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako. 17 “O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18 Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. 19 Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20 Gumawa kayo ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay doon sa Egipto, at patuloy nʼyo po itong ginagawa hanggang dito sa Israel at sa ibang mga bansa. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21 Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Egipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Egipto. 22 Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain[b] na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno. 23 Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan. 24 At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem para mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25 Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios, sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
26 Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27 “Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28 Kaya tandaan mo, ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29 Susunugin nila ito, lalo na ang mga bahay na ang mga bubungan ay sinusunugan ng mga insenso para kay Baal at hinahandugan ng mga handog na inumin para sa mga dios-diosan na labis kong ikinagalit.
30 “Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. 31 Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32 Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33 Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34 Dinungisan nila ang templo ko kung saan dinadakila ang pangalan ko. Inilagay nila roon ang mga dios-diosan nilang kasuklam-suklam. 35 Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.
36 “Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Pero ngayon ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: 37 Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa. 38 Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 39 Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay upang sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila. 40 Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin para hindi na sila lumayo sa akin. 41 Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”
42 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila. 43 At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.
44 “Muling magbibilihan ng mga bukid, na lalagdaan, tatatakan at sasaksihan ang mga kasulatan ng bilihan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negev. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag.[c] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
Ang Haring Hinirang ng Panginoon
2 Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
2 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa hari na kanyang hinirang.
3 Sinabi nila,
“Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
4 Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
5 Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
6 Sinabi niya,
“Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
7 Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
“Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
8 Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
9 Pamumunuan mo sila,
at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”
10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®