Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 17

Ang mga dios-diosan ni Micas

17 May isang tao na nakatira sa kabundukan ng Efraim na ang pangalan ay Micas. 2-3 Isang araw, sinabi ni Micas sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong 1,100 pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.” Pagkatanggap nito ng kanyang ina, sinabi nito, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon. Ihahandog ko itong pilak sa Panginoon para hindi dumating sa iyo ang sumpa. Gagamitin ko ito na pangtapal sa kahoy na imahen na ipapagawa ko. Ihahandog ko nga ito sa Panginoon para maligtas ka sa sumpa.” Pagkatapos, kumuha ang kanyang ina ng 200 pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero na pangtapal sa kahoy na imahen. Nang natapos na, inilagay ang dios-diosan sa bahay ni Micas.

May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng mga dios-diosan at espesyal na damit[a] ng pari. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki. Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.

May isang binatilyong Levita[b] na nakatira sa Betlehem na sakop ng Juda. Isang araw, umalis siya para maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim. Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Taga-Betlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.” 10-11 Sinabi ni Micas, “Dito ka na lang tumira kasama ko. Gagawin kitang tagapayo[c] ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain na ibibigay ko sa iyo.” Pumayag ang Levita sa sinabi ni Micas at itinuring siya ni Micas na isa sa kanyang mga anak. 12 Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”

Gawa 21

Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem

21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.

Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”

Dumating si Pablo sa Jerusalem

15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.

Dinalaw ni Pablo si Santiago

17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. 19 Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya.

20 Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. 22 Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. 23 Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. 24 Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. 25 Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” 26 Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.

Jeremias 30-31

Ang mga Pangako ng Panginoon sa mga Mamamayan Niya

30 1-2 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Sapagkat darating ang araw na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag.[a] Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”

4-5 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda: “Maririnig ang hiyawan ng mga tao hindi dahil sa tuwa kundi sa matinding takot. May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na? Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa mga leeg nila at tatanggalin ko na ang mga kadena nila. Maglilingkod na sila sa akin, ang Panginoon nilang Dios, at hihirang ako ng hari nila mula sa angkan ni David.

10 “Kaya huwag kayong matatakot, o manlulupaypay man, kayong mga lahi ni Jacob na lingkod ko. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing kukunin ko kayo mula riyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan. 11 Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”

12-13 Sinabi pa ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Talagang malubha na ang inyong mga sugat at hindi na ito gagaling. Wala nang makakatulong o makakagamot sa inyo. Wala na ring gamot para sa inyo. 14 Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang kasalanan ninyo. 15 Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.

16 “Pero ipapahamak ko rin ang lahat ng magpapahamak sa inyo, at ang lahat ng kaaway nʼyo ay bibihagin. Sasalakayin din ang lahat ng sumalakay at sumamsam ng mga ari-arian nʼyo, at sasamsamin din ang mga ari-arian nila. 17 Ngunit gagamutin at pagagalingin ko ang mga sugat nʼyo kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem ay itinakwil at pinabayaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

18 Sinabi pa ng Panginoon, “Muli kong ibabalik ang kayamanan ng mga lungsod ng lahi ni Jacob at kahahabagan ko sila. Ang lungsod at ang palasyo na winasak ay muling itatayo sa dating kinatatayuan nito. 19 Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat at sisigaw sa kagalakan. Pararamihin at pararangalan ko sila. 20 Magiging maunlad ang kanilang mga anak katulad noong una. Patatatagin ko sila sa harap ko, at paparusahan ko ang sinumang mang-aapi sa kanila. 21 Ang mga pinuno nilaʼy magmumula rin sa kanila. Palalapitin ko siya sa akin, at siya naman ay lalapit. Sapagkat walang sinumang taong mangangahas na lumapit sa akin kung hindi ko siya palalapitin. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, 22 magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 23 Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o ipu-ipong hahampas sa ulo ng masasamang tao. 24 Hindi mawawala ang poot ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang nais kong gawin. At sa mga huling araw, mauunawaan nʼyo ito.”

Ang Pagbabalik ng mga Israelita

31 Sinabi pa ng Panginoon, “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Dios ng buong Israel at magiging hinirang ko sila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing aalagaan ko ang mga natitirang buhay sa kanila habang naglalakbay sila sa ilang. Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel.”

Noong una,[b] ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi, “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin. Muli ko kayong itatayo, kayong mga taga-Israel, na katulad ng isang birhen. Muli kayong sasayaw sa tuwa na tumutugtog ng inyong tamburin. Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito. Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[c] para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”

Sinabi ng Panginoon, “Umawit kayo at humiyaw para sa Israel,[d] ang bansang pinakadakila sa lahat ng bansa. Magpuri kayo at sumigaw, ‘O Panginoon, iligtas mo ang mga mamamayan mo, ang mga natitirang buhay sa mga taga-Israel.’ Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alin mang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi. Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim[e] ang panganay kong anak.

10 “Mga bansa, pakinggan nʼyo ang mensahe ko, at ibalita nʼyo ito sa malalayong lugar: ‘Pinangalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa mga tupa niya.’ 11 Ililigtas ko ang mga lahi ni Jacob sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan kaysa sa kanila. 12 Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ko sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong katas ng ubas, langis at mga hayop nila. Matutulad sila sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati. 13 Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan. 14 Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang mga mamamayan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

15 Sinabi pa ng Panginoon, “May narinig na malakas iyakan at panaghoy sa Rama. Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw dahil patay na ang mga ito.”

16 Pero sinabi ng Panginoon, “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway. 17 Kaya may pag-asa ka sa hinaharap. Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”

18 Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim. Sinabi nila, “Panginoon, kami po ay parang mga guya na hindi pa sanay sa pamatok, pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo. Kayo ang Panginoon naming Dios, kaya ibalik nʼyo na po kami sa sarili naming lupain. 19 Lumayo kami sa inyo noon, pero nagsisisi na po kami ngayon. Nang malaman po namin na nagkasala kami, dinagukan po namin ang aming mga dibdib sa pagsisisi. Nahihiya po kami sa mga ginawa namin noong aming kabataan.”

20 Sumagot ang Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Efraim ay aking minamahal na mga anak. Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo, nalulugod pa rin ako sa inyo. Nananabik ako at nahahabag sa inyo.

21 “Maglagay kayo ng mga tanda at tulos na magiging gabay sa inyong daan. Tandaan ninyong mabuti ang inyong dinaanan dahil diyan din kayo dadaan pagbalik ninyo. 22 Kailan pa kayo babalik sa akin, mga anak kong naliligaw? Gagawa ako ng bagong bagay sa mundo – ang babae na ang magtatanggol sa lalaki.”

Ang Darating na Kasaganaan ng Israel

23 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kapag naibalik ko na ang mga mamamayan ng Juda sa lupain nila mula sa pagkabihag,[f] muli nilang sasabihin, ‘Pagpalain nawa ng Panginoon ang banal na bundok ng Jerusalem na tinitirhan niya.’ 24 Maninirahan ang mga tao sa Juda at sa mga bayan nito, pati na ang mga magbubukid at mga pastol ng mga hayop. 25 Sapagkat pagpapahingahin ko ang mga napapagod at bubusugin ko ang mga nanghihina dahil sa gutom. Kaya sasabihin ng mga tao,[g] 26 ‘Sa aking paggising naramdaman kong nakabuti sa akin ang aking pagtulog.’ ”

27 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila. 28 Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo. 29 Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Kumain ng maasim na ubas ang mga magulang at ang asim ay nalasahan ng mga anak.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”

31 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda. 32 At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”

33 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila. 34 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.” 35 Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang nag-utos sa para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag. At ako ang kumakalawkaw ng dagat hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon ang pangalan ko. 36 Habang nananatili ang langit at ang mundo, mananatili rin ang bansang Israel magpakailanman. 37 Kung paanong hindi masusukat ang langit at hindi malalaman ang pundasyon ng lupa, ganoon din naman, hindi ko maitatakwil ang lahat ng angkan ng Israel kahit na marami silang nagawang kasalanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

38 Patuloy na sinabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na ang lungsod ng Jerusalem ay muling itatayo mula sa Tore ni Hananel hanggang sa Panulukang Pintuan. 39 Mula sa mga lugar na iyon, magpapatuloy ang hangganan patungo sa burol ng Gareb at saka liliko sa Goa. 40 Ang buong lambak na tinatapunan ng mga bangkay at mga basura ay nakatalaga sa akin pati ang lahat ng bukirin sa Lambak ng Kidron hanggang sa pintuan na tinatawag na Kabayo sa silangan. Ang lungsod na itoʼy hindi na mawawasak o muling magigiba.”

Marcos 16

Muling Nabuhay si Jesus(A)

16 Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.” Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.

[Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Jesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. (Siya ang babaeng may pitong masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus.) 10 Pinuntahan ni Maria ang mga tagasunod ni Jesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita ang mga pangyayari. 11 Pero hindi sila naniwala sa ibinalita niyang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. 12 Pagkatapos noon, nagpakita rin si Jesus sa dalawa pa niyang tagasunod na naglalakad patungo sa bukid, pero iba ang kanyang anyo. 13 Kaya bumalik sa Jerusalem ang dalawang tagasunod, at sinabi sa iba nilang kasamahan na nagpakita sa kanila si Jesus. Pero hindi rin naniwala ang mga ito.

14 Nang bandang huli, nagpakita rin si Jesus sa 11 apostol niya habang kumakain ang mga ito. Pinagsabihan niya ang mga ito dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at sa katigasan ng kanilang puso, dahil hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya matapos na muli siyang mabuhay. 15 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ninyo ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang lahat ng sasampalataya at magpapabautismo ay maliligtas, ngunit ang hindi sasampalataya ay parurusahan. 17 At ito ang mga palatandaang makikita sa mga taong sumasampalataya sa akin: sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,[a] magpapalayas sila ng masasamang espiritu; magsasalita sila sa ibang mga wika; 18 kung dumampot man sila ng mga ahas o makainom ng anumang lason ay hindi sila mapapahamak; at gagaling ang mga may sakit na papatungan nila ng kanilang mga kamay.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(B)

19 Pagkatapos magsalita ni Jesus sa kanila, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Dios. 20 Pumunta naman ang mga tagasunod niya sa ibaʼt ibang lugar at nangaral. Tinulungan sila ng Panginoon at pinatunayan niya ang ipinangangaral nila sa pamamagitan ng mga himala na kanilang ginagawa.]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®