M’Cheyne Bible Reading Plan
12 Nagsugo si Jefta ng mga mensahero para itanong sa hari ng mga Ammonita kung bakit nilulusob nila ang Israel. 13 Ito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Egipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Arnon hanggang sa Jabok, papunta sa Ilog ng Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang maayos.”
14 Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin, “Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kadesh.
17 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kadesh.
18 “Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.
19 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Heshbon) para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito para makarating sila sa lugar nila. 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita. 21 Pero ipinatalo sila ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon: 22 mula sa Arnon hanggang sa Jabok, at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Jordan.
23 “Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? 24 Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Kemosh na inyong dios. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng Panginoon naming Dios. 25 Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? 26 May 300 taon nang nakatira ang mga Israelita sa Heshbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? 27 Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang Panginoon na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”
28 Pero hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita ang mensahe ni Jefta.
29 At pinagharian si Jefta ng Espiritu ng Panginoon. Pumunta siya sa Gilead at sa Manase para tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Ammonita. 30 Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Ammonita, 31 iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”
32 Nakipaglaban si Jefta sa mga Ammonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33 Natalo nila ang mga Ammonita, at napakarami nilang pinatay. Sinakop nila ang 20 bayan mula sa Aroer papunta sa paligid ng Minit hanggang sa Abel Keramim.
Ang Anak ni Jefta
34 Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35 Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan, at sinabi, “Anak ko, pinalungkot mo ako dahil nangako ako sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang sasalubong sa akin, at hindi ko na ito mababawi.”
36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Ammonita. 37 Pero may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok para makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” 38 Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya para maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39 Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40 na sa bawat taon, nagpabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. 2 Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito.
3 Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. 4 Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. 5 Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.”
6 Kaya nagpulong ang mga apostol at ang mga namumuno sa iglesya para pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, alam ninyo na pinili ako ng Dios noong una mula sa inyo para ituro ang Magandang Balita sa mga hindi Judio, nang sa gayoʼy makarinig din sila at sumampalataya. 8 Alam ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. At ipinakita niya na tinatanggap din niya ang mga hindi Judio, dahil binigyan din sila ng Banal na Espiritu katulad ng ginawa niya sa atin noon. 9 Sa paningin ng Dios, tayong mga Judio at silang mga hindi Judio ay pare-pareho lang. Dahil nilinis din niya ang kanilang puso nang sumampalataya sila. 10 Ngayon, bakit nʼyo sinusubukan ang Dios? Bakit nʼyo pinipilit ang mga hindi Judiong tagasunod ni Jesus na sumunod sa mga kautusan na kahit ang ating mga ninuno at tayo mismo ay hindi makasunod? 11 Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ganito rin naman sa mga hindi Judio.”
12 Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nilang magsalita, sinabi ni Santiago, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Ikinuwento sa atin ni Simon Pedro ang unang pagtawag ng Dios sa mga hindi Judio para may mga tao ring mula sa kanila na maging kanya. 15 Itoʼy ayon din sa mga isinulat ng mga propeta noon, dahil sinasabi sa Kasulatan,
16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako,
at itatayo kong muli ang kaharian ni David na bumagsak.
Ibabangon ko itong muli mula sa pagkaguho,
17 para hanapin ako ng ibang tao – ang lahat ng hindi Judio na aking tinawag na maging akin.
Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito,
18 at matagal ko na itong ipinahayag.’ ”
19 Sinabi pa ni Santiago, “Kaya kung sa akin lang, huwag na nating pahirapan ang mga hindi Judio na lumalapit sa Dios. 20 Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan, dahil itoʼy itinuturing nating marumi. Iwasan nila ang sekswal na imoralidad. At huwag kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. 21 Ito ang mga utos ni Moises na dapat nilang sundin para hindi mandiri ang mga Judio sa kanila, dahil mula pa noon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na ng mga Judio sa kanilang sambahan tuwing Araw ng Pamamahinga. At itinuturo nila ito sa bawat bayan.”
Ang Sulat para sa mga Hindi Judio
22 Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, 23 at sila ang magdadala ng sulat na ito:
“Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya.
“Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia:
24 “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. 25 Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. 26 Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. 28 Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: 29 Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.”
30 At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. 31 Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. 32 Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. 33 Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [34 Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Bumalik tayo sa lahat ng bayan na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at dalawin natin ang ating mga kapatid para malaman natin ang kalagayan nila.” 37 Sumang-ayon si Bernabe pero gusto niyang isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Pero ayaw pumayag ni Pablo, dahil noong una nakasama nila si Marcos pero iniwan sila nito noong nasa Pamfilia sila. 39 Matindi ang kanilang pagtatalo, kaya naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at pumunta sila sa Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas. Bago sila umalis, ipinanalangin sila ng mga kapatid na tulungan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. 41 Pumunta sina Pablo sa Syria at sa Cilicia at pinatatag nila ang mga iglesya roon.
Ang Dalawang Basket ng Igos
24 May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Juda. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon. 2 Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Pero ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.
3 Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon, “Jeremias, ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”
4 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 5 “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing ituturing kong parang magagandang igos ang mga Israelitang ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.[a] 6 Iingatan ko sila para maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin. 7 Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon. Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso.
8 “Pero si Haring Zedekia ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain, pati ang mga pinuno niya at ang lahat ng Israelitang natitirang buhay sa Jerusalem o sa Egipto. 9 Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila pangangalatin. 10 Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa mamatay sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)
10 Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.
2 Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” 3 Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” 4 Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[a] 5 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. 6 Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[b] 7 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. 8 At silang dalawa ay magiging isa.’[c] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. 9 Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”
10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)
13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.
Ang Mayamang Lalaking(C)
17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[d] 20 Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.
23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”
28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(E)
35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[e] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(F)
46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[f] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[g] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®