M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Abimelec
9 Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon[a] sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila, 2 “Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng 70 anak ni Gideon o ng isang tao? Alalahanin ninyo na ako ay kadugo ninyo.”
3 Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito. 4 Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya. 5 Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70[b] kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito. 6 Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.
7 Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios. 8 Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ 9 Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
10 “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 11 Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!’
12 “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
14 “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 15 Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”
16 At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya? 17 Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama para iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo. 18 Pero ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang 70 anak niya sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya. 19 Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo. 20 Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.” 21 At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.
22 Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, 23 pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. 24 Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. 26 Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. 27 Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. 29 Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”
30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. 31 Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. 32 Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”
34 Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. 35 Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”
37 Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[c]
38 Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”
39 Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. 40 Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.
41 Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.
42 Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. 43 Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. 44 Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. 45 Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.
46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit[d] na napapalibutan ng pader. 47 Nang malaman ito ni Abimelec, 48 dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. 49 Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.
50 Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. 51 Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. 52 Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, 53 hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. 54 Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. 55 Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec[e] na patay na siya, nagsiuwi sila.
56 Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. 57 Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.
Ipinadala sina Bernabe at Saulo ng Banal na Espiritu
13 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata[a] ni Gobernador Herodes, at si Saulo. 2 Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.
Ang Unang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
4 Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus. 5 Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain. 6 Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus. 7 Kaibigan siya ni Sergius Paulus, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Dios. 8 Pero hinadlangan sila ng salamangkerong si Elimas. (Ito ang pangalan ni Bar Jesus sa wikang Griego.) Ginawa niya ang lahat ng paraan para huwag sumampalataya ang gobernador kay Jesus. 9 Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi, 10 “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon. 11 Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya. 12 Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.
Nangaral si Pablo sa Antioc ng Pisidia
13 Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem. 14 Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon. 15 May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.
“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”
23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[b]
26 “Mga kapatid, na mula sa lahi ni Abraham at mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios, tayo ang pinadalhan ng Dios ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan. 27 Pero ang mga Judiong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Pero sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Jesus ng kamatayan. 28 Kahit wala silang matibay na ebidensya para patayin siya, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay si Jesus. 29 Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na mangyari kay Jesus, kinuha nila siya sa krus at inilibing. 30 Pero muli siyang binuhay ng Dios. 31 At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus. 32 At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, 33 na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,
‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’[c]
34 Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,
‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’[d]
35 At sinabi pa sa isa pang Salmo,
‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’[e]
36 Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok. 37 Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok. 38-39 Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,
41 ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.
Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”[f]
42 Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.
Bumaling si Pablo sa mga Hindi Judio
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon. 45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda. 46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita. 47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:
‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”
48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.
49 Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon. 50 Pero sinulsulan ng mga pinuno ng mga Judio ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila. At tumuloy sila sa Iconium. 52 Ang mga tagasunod ni Jesus doon sa Antioc ay puspos ng Banal na Espiritu at masayang-masaya.
Ang Parusa ng Panginoon sa mga Hari ng Juda
22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito: 2 O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon: 3 Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan. 4 Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo. 5 Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan. 7 Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy. 8 Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’ 9 At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Dios, at sumamba sila at naglingkod sa mga dios-diosan.’ ”
Ang Mensahe tungkol kay Jehoahaz
10-11 Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik. 12 Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.
Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakim
13 Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo. 14 Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”
15 Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan. 16 Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin. 17 Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
18 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoyakim ng Juda, na anak ni Josia, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya. 19 Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.
20 “Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim. 21 Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin. 22 Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.
23 “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.
Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakin
24 “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay[a] na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko. 25 Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal[b] niya. 26 Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan. 28 Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi nʼyo alam.”
29 O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon. 30 Sapagkat ito ang sinasabi niya, “Isulat nʼyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa pamumuhay niya.”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Pagkatapos ng ilang araw, muling nagtipon ang maraming tao sa kinaroroonan ni Jesus. Nang wala na silang makain, tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, 2 “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. 3 Kung pauuwiin ko naman sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.” 4 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po.”
6 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pinasalamatan din iyon ni Jesus at iniutos na ipamigay din sa mga tao. 8 Kumain sila at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng pitong basket. 9 Ang bilang ng mga taong kumain ay mga 4,000. Pagkatapos ay pinauwi na ni Jesus ang mga tao, 10 at agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga tagasunod niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.
Humingi ng Himala ang mga Pariseo(B)
11 Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukin siya kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo nga siya ng Dios. 12 Pero napabuntong-hininga si Jesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng himala ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang himalang ipapakita sa inyo.” 13 Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa.
Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(C)
14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Bulag sa Betsaida
22 Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Jesus. Nagmakaawa sila na kung maaari ay hipuin niya ang bulag upang makakita. 23 Kaya inakay ni Jesus ang bulag palabas ng Betsaida. Pagdating nila sa labas, dinuraan niya ang mga mata ng bulag. Pagkatapos, ipinatong niya ang kamay niya sa bulag at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?” 24 Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.” 25 Kaya muling ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa mata ng bulag. Pagkatapos, tumingin ulit ang lalaki at lumiwanag ang kanyang paningin. 26 Bago siya pinauwi ni Jesus ay binilinan siya, “Huwag ka nang bumalik sa Betsaida.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)
27 Pagkatapos, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa mga nayon na sakop ng Cesarea Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 28 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.” 29 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”[c] 30 Sinabihan sila ni Jesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)
31 Nagsimulang mangaral si Jesus sa mga tagasunod niya na siya na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila siya, pero sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila. Nang marinig iyon ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan. 33 Pero humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at saka sinabi kay Pedro, “Lumayo ka sa akin Satanas! Ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Dios kundi ayon sa kalooban ng tao!”
34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[d] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®