M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna
8 Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon. 2 Pero sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo. Kahit ang maliit na ginawa nʼyo ay higit pa kung ikukumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin. 3 Hinayaan ng Dios na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara roon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.
4 Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang 300 tauhan niya sa Ilog ng Jordan. Kahit pagod na pagod na, patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila. 5 Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga taga-roon. Sinabi niya, “Pahingi po ng pagkain. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.” 6 Pero sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.” 7 Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”
8 Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel[a] at ganoon din ang hiniling niya sa mga taga-roon, pero ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. 9 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Pagkatapos naming manalo sa mga kalaban namin, babalik kami rito at gigibain ko ang tore ninyo.”
10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang 15,000 nilang sundalo na natira. Mga 120,000 na ang namatay sa kanila. 11 Nagpatuloy sina Gideon sa paghabol. Dumaan sila Gideon sa lugar ng mga taong nakatira sa tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha. Saka nila biglang sinalakay ang mga Midianita. 12 Tumakas sina Zeba at Zalmuna, pero hinabol sila ni Gideon at nadakip, kaya nataranta ang lahat ng sundalo nila.
13 Nang umuwi na sina Gideon mula sa labanan, doon sila dumaan sa Paahong Daan ng Heres. 14 Nakahuli sila ng isang kabataang lalaki na taga-Sucot, at tinanong nila kung sinu-sino ang mga opisyal ng Sucot. At isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng 77 opisyal na tagapamahala ng Sucot. 15 Pagkatapos, pinuntahan nina Gideon ang mga taga-Sucot at sinabi, “Natatandaan pa ba ninyo ang inyong pang-iinsulto sa akin? Sinabi ninyo, ‘Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.’ Ngayon, heto na sina Zeba at Zalmuna!” 16 Kinuha ni Gideon ang mga tagapamahala ng Sucot at tinuruan sila ng leksyon sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng matitinik na sanga. 17 Giniba rin niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.
18 At tinanong ni Gideon sina Zeba at Zalmuna, “Ano ba ang itsura ng mga lalaking pinatay nʼyo sa Tabor?” Sumagot sila, “Katulad mo na parang mga anak ng hari.” 19 Sinabi ni Gideon, “Mga kapatid ko sila; mga anak mismo ng aking ina. Nangangako ako sa buhay na Panginoon na hindi ko kayo papatayin kung hindi nʼyo sila pinatay.” 20 Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang anak na si Jeter, “Patayin sila!” Pero dahil bata pa si Jeter, natakot siya, kaya hindi niya binunot ang kanyang espada. 21 Sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi na lang ikaw ang pumatay sa amin? Kung tunay kang lalaki, ikaw na ang pumatay sa amin.” Kaya pinatay sila ni Gideon at kinuha niya ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
Ang Espesyal na Damit ni Gideon
22 Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.” 23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako o ang mga angkan ko ang mamumuno sa inyo kundi ang Panginoon. 24 Pero may hihilingin ako sa inyo: maaari bang ang bawat isa sa inyo ay magbigay sa akin ng mga hikaw na nasamsam nʼyo sa mga Midianita?” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita ayon sa kanilang nakaugalian bilang mga Ishmaelita.) 25 Sumagot ang mga tao, “Oo, bibigyan ka namin.” Naglatag sila ng isang damit at naglagay ang bawat isa roon ng hikaw mula sa nasamsam nila sa mga Midianita. 26 Ang bigat ng mga gintong hikaw na natipon ay 20 kilo, hindi pa kasama ang mga dekorasyon, kwintas, damit na kulay ube ng mga hari ng Midian at ang mga nakasabit sa leeg ng mga kamelyo nila. 27 Mula sa natipon na ginto, nagpagawa si Gideon ng isang espesyal na damit[b] at inilagay ito sa bayan niya sa Ofra. Muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumamba sa ipinagawa ni Gideon. Naging malaking bitag ito kay Gideon at sa kanyang pamilya.
28 Lubusang natalo ng mga Israelita ang mga Midianita at hindi na nakabawi pa ang mga ito. Naging mapayapa ang Israel sa loob ng 40 taon habang nabubuhay si Gideon.
Ang Pagkamatay ni Gideon
29 Umuwi si Gideon[c] sa sarili niyang bahay at doon tumira. 30 May 70 siyang anak dahil marami siyang asawa. 31 May asawa pa siyang alipin sa Shekem at may anak silang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Namatay si Gideon sa katandaan. Inilibing siya sa libingan ng ama niyang si Joash sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer. 33 Hindi pa nagtatagal mula nang mamatay si Gideon nang muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumambang muli sa mga imahen ni Baal. Ginawa nilang dios si Baal Berit. 34 Kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios na siyang nagligtas sa kanila laban sa lahat ng kaaway nilang nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila nagpakita ng utang na loob sa pamilya ni Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa Israel.
Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya
12 Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes[a] sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. 2 Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. 3 Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 5 Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.
Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan
6 Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. 7 Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. 8 Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” 9 At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. 11 Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”
12 Nang maunawaan niya ang nangyari,[b] pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. 15 Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” 16 Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. 17 Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.
18 Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.
Ang Pagkamatay ni Haring Herodes
20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.
24 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.
25 Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioc galing sa Jerusalem[c] matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.
Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Ngayon, nagsalita sa akin ang Panginoon nang sinugo sa akin ni Haring Zedekia si Pashur na anak ni Malkia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila sa akin, 2 “Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, para mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”
3 Pero sinagot ko sila, 4 “Sabihin nʼyo kay Zedekia na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma nʼyo kay Nebucadnezar at sa mga kawal niya[a] na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila[b] sa gitna ng lungsod na ito. 5 Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit. 6 Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot. 7 At ikaw, Haring Zedekia ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
8 “Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinapasabi ng Panginoon, ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan. 9 Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Pero ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay. 10 Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Tradisyon(A)
7 May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. 2 Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.
3 Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[a] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” 6 Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[b]
8 Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[c] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[d] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(B)
14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]
17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(C)
24 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre. Pagdating niya roon, tumuloy siya sa isang bahay. Ayaw sana niyang malaman ng mga tao na naroon siya; pero hindi rin niya ito naitago. 25-26 Sa katunayan, nalaman agad ito ng isang ina na may anak na babaeng sinaniban ng masamang espiritu. Ang babaeng itoʼy taga-Fenicia na sakop ng Syria, at Griego ang kanyang salita. Pinuntahan niya agad si Jesus at nagpatirapa sa paanan nito, at nagmamakaawang palayasin ang masamang espiritu sa kanyang anak. 27 Pero sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 28 Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nailalaglag ng mga anak.” 29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sagot mong iyan, maaari ka nang umuwi. Lumabas na sa anak mo ang masamang espiritu.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na nga ang masamang espiritu sa kanya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipiʼt Bingi
31 Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tyre, dumaan siya ng Sidon at umikot sa lupain ng Decapolis, at pagkatapos ay tumuloy sa lawa ng Galilea. 32 Doon, dinala sa kanya ng mga tao ang isang lalaking pipiʼt bingi. Nakiusap sila na ipatong ni Jesus ang mga kamay niya sa lalaki. 33 Inilayo muna ni Jesus ang lalaki sa mga tao. Pagkatapos, ipinasok niya ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, saka dinuraan ang kanyang mga daliri at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ang ibig sabihin, “Mabuksan ka!” 35 Pagkatapos nito, nakarinig na ang lalaki at nakapagsalita nang maayos. 36 Pinagbilinan niya ang mga tao na huwag ipamalita ang nangyari. Pero kahit pinagbawalan sila, lalo pa nila itong ipinamalita. 37 Manghang-mangha ang mga tao, at sinabi nila, “Napakagaling[e] ng ginawa niya! Kahit mga pipiʼt bingi ay nagagawa niyang pagalingin!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®