Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 6

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Midianita sa loob ng pitong taon. Napakalupit ng mga Midianita, kaya napilitan ang mga Israelita na magtago sa mga bundok, mga kweba at sa iba pang tagong lugar. Tuwing magtatanim ang mga Israelita, nilulusob sila ng mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan. Nagkampo sila sa lugar ng mga Israelita at sinira ang mga pananim nito hanggang sa Gaza. Kinuha nila ang lahat ng tupa, baka at asno; wala talaga silang itinira para sa mga Israelita. Sumalakay sila na dala ang kanilang tolda at mga hayop na parang kasindami ng mga balang. Hindi sila mabilang pati ang kanilang mga kamelyo. Winasak nila ang lugar ng mga Israelita. Naging kahabag-habag ang kalagayan ng mga Israelita, dahil sa mga Midianita, kaya humingi sila ng tulong sa Panginoon.

Nang tumawag sila sa Panginoon, pinadalhan sila ng Panginoon ng isang propeta na nagsabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Dios:[a] ‘Inilabas ko kayo sa Egipto na kung saan inalipin kayo. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain. 10 Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Dios at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga dios ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Pero hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

11 Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joash na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joash ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”

13 Sumagot si Gideon, “Kung[b] sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”

16 Sumagot ang Panginoon, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”

17 Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”

Sumagot ang Panginoon, “Hihintayin kita.”

19 Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.

20 Sinabi sa kanya ng anghel ng Dios, “Ipatong mo ang karne at tinapay sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon. 21 Pagkatapos, inabot ng anghel ng Panginoon ang pagkain, sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay. At nawala na ang anghel ng Panginoon.

22 Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong Dios, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.” 23 Pero sinabihan siya ng Panginoon, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.

25 Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawa sa pinakamagandang toro ng iyong ama, iyong pitong taong gulang na. Pagkatapos, gibain mo ang altar para kay Baal na ipinatayo ng iyong ama at gibain mo rin ang posteng simbolo ng diosang si Ashera na nasa tabi ng altar nito. 26 Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Dios sa ibabaw ng bundok na ito. Pagkatapos, ialay mo sa akin ang baka bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong poste ni Ashera.” 27 Kaya isinama ni Gideon ang sampu niyang utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Pero ginawa niya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan.

28 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na giba na ang altar para kay Baal, at putol-putol na ang poste ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa baka na inihandog sa bagong altar. 29 Tinanong nila ang isaʼt isa kung sino ang gumawa noon. Inusisa nila ito at nalamang si Gideon na anak ni Joash ang gumawa nito. 30 Kayaʼt sinabihan nila si Joash, “Palabasin mo rito ang anak mo! Dapat siyang patayin! Dahil giniba niya ang altar para kay Baal at pinagputol-putol ang poste ni Ashera sa tabi nito.”

31 Sumagot si Joash sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang nagtatanggol sa kanya ang dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong dios, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.” 32 Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.

33 Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel. 34 Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta para tawagin ang mga angkan ni Abiezer para sumunod sa kanya. 35 Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manase, Asher, Zebulun at Naftali para tawagin sila na sumama sa pakikipaglaban. At sumama sila kay Gideon.

36 Sinabi ni Gideon sa Dios, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako para iligtas ang Israel. 37 Ngayon, maglalagay po ako ng balahibo ng tupa sa lupang ginigiikan namin ng trigo. Kung mabasa po ito ng hamog kahit tuyo ang lupa, malalaman ko po na ako nga ang gagamitin nʼyo para iligtas ang Israel ayon sa sinabi ninyo.” 38 At ganoon nga ang nangyari. Nang sumunod na araw, maagang gumising si Gideon at kinuha ang balahibo ng tupa at piniga, at napuno ng tubig ang isang mangkok. 39 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Dios, “Huwag po kayong magalit sa akin; may isa na lang po akong kahilingan sa inyo. Nais ko po ng isa pang pagsubok para sa balahibo ng tupa. Gusto ko po sanang mabasa ng hamog ang lupa pero manatiling tuyo ang balahibo ng tupa.” 40 Kinagabihan, ginawa nga ito ng Dios. Tuyo ang balahibo ng tupa pero basa naman ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Gawa 10

Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro

10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[a] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.

Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[b] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.

17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”

30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”

Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius

34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Jeremias 19

Ang Basag na Banga

19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari, at pumunta kayo sa Lambak ng Ben Hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo. Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot. Gagawin ko ito dahil itinakwil ako ng mga mamamayan ko at ginawa nilang handugan ng mga handog na sinusunog para sa mga dios-diosan ang kapatagang ito. Hindi naman nila kilala ang mga dios-diosang ito, at hindi rin kilala ng mga ninuno nila o ng mga hari sa Juda. Pumatay pa sila ng mga walang malay na bata sa lugar na ito. Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal, at sinunog nila roon ang mga anak nila bilang mga handog sa kanya. Hindi ko ito iniutos sa kanila, ni hindi man lang ito pumasok sa isip ko. Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing darating ang panahon na ang lugar na itoʼy hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom, kundi Lambak ng Patayan. Sisirain ko sa lugar na ito ang binabalak ng Juda at Jerusalem. Ipapapatay ko sila sa mga kaaway nila sa pamamagitan ng digmaan, at ipapakain ko ang mga bangkay nila sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Wawasakin ko ang lungsod na ito at hahamakin. Ang mga dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala dahil sa nangyari rito. Papalibutan ng mga kaaway ang lungsod na ito hanggang sa ang mga mamamayan dito ay maubusan ng pagkain. Kaya kakainin nila ang kapwa nila at pati na ang sarili nilang anak.’ ”

10 Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Panginoon, “Basagin mo ang banga sa harap ng mga taong sumama sa iyo. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabing wawasakin ko ang bansa ng Juda at ang lungsod ng Jerusalem katulad ng pagbasag ko sa bangang ito na hindi na muling mabubuo. Ililibing nila ang maraming bangkay sa Tofet hanggang sa wala nang mapaglibingan. 12 Ito ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito. Ituturing itong marumi gaya ng Tofet. 13 Ang lahat ng bahay sa Jerusalem, pati ang palasyo ng hari ng Juda ay ituturing na marumi katulad ng Tofet. Sapagkat sa bubungan ng mga bahay na ito ay nagsunog sila ng mga insenso para sa kanilang dios na mga bituin, at nag-alay ng mga handog na inumin para sa mga dios.”

14 Nang masabi na ni Jeremias ang ipinapasabi ng Panginoon, umalis siya sa Tofet at pumunta sa bulwagan ng templo ng Panginoon at sinabi sa mga tao, 15 “Makinig kayo, dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Ipapadala ko sa lungsod na ito at sa mga baryo sa palibot ang sinabi kong parusa dahil matigas ang ulo nila at ayaw nilang makinig sa mga sinabi ko.”

Marcos 5

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[a] Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.

Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,[b] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(B)

21 Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22 Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24 Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[c] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”

35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42 Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43 Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®