M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagharap ni Esteban sa Sanhedrin
7 Sinabi ng pinakapunong-saserdote: Totoo ba ang mga bagay na ito?
2 Sinabi niya: Mga kapatid, at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham nang siya ay nasa Mesopotamia. Siya ay nagpakita sa kaniya bago siya manirahan sa Haran. 3 Sinabi niya sa kaniya: Umalis ka sa iyong bayan at sa iyong kamag-anakan. Pumunta ka sa bayang ipakikita ko sa iyo.
4 Nang magkagayon, siya ay umalis mula sa bayan ng Caldea at nanirahan sa Haran. Mula roon, nang mamatay ang kaniyang ama, siya ay dinala sa bayang ito kung saan kayo ay nananahan ngayon. 5 Hindi siya nagbigay sa kaniya ng pamana roon, kahit na maliit na mayayapakan. Ngunit ito ay ipinangakong ibibigay upang maging kaniyang pag-aari, at sa kaniyang lahi pagkatapos niya, kahit siya ay walang anak. 6 Sa ganito nagsalita ang Diyos: Ang kaniyang binhi ay maninirahan bilang isang dayuhan sa ibang bayan. Sila ay aalipinin at pagmamalupitan sa loob ng apatnaraang taon. 7 Hahatulan ko ang bansa na aalipin sa kanila, sabi ng Diyos. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sila ay lalabas at maglilingkod sa akin sa dakong ito. 8 Ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli. Sa ganito ay naging anak ni Abraham si Isaac at siya ay tinuli sa ikawalong araw.Naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.
9 Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasakaniya. 10 At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.
11 Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasumpungang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14 Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu’t limang katao. 15 Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16 Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
17 Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18 Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19 Siya ang nagsamantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.
20 Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21 Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22 Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.
23 Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25 Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa’t isa?
27 Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28 Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29 Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.
30 Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31 Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32 Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.
33 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.
35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.
39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41 Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42 Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit hindi ninyo ito inihandog sa akin.
43 Lagi ninyong dala ang tolda ni Moloc at ang bituin ng inyong diyos na si Refan. Lagi ninyong dala ang mga diyos-diyosang ginawa ninyo upang inyong sambahin. Dadalhin ko kayo sa dakong lagpas pa sa Babilonia.
44 Ang tolda ng patotoo ay nasa ating mga ninuno sa ilang, ayon sa iniutos nang siya ay nagsalita kay Moises. Sinabi niya kay Moises na gawin iyon ayon sa huwarang nakita niya. 45 Tinanggap ito ng ating mga ninuno. Dala nila ito nang sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Josue nang makapasok sila sa lupain ng mga Gentil. Ang mga Gentil ay pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ang tolda ay nanatili roon hanggang sa araw ni David. 46 Si David ay naging kaluguran sa paningin ng Diyos. Hiniling niyang siya ay makapagpatayo ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob. 47 Ngunit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kaniya.
48 Subalit ang Kataas-taasan ay hindi tumitira sa mga banal na dakong gawa ng mga kamay, tulad sa sinasabi ng propeta:
49 Ang langit ay aking trono. Ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Sabi ng Panginoon: Anong bahay ang itatayo ninyo sa akin? O, anong dako ang pagpapahingahan ko? 50 Hindi ba ang lahat ng ito ay ginawa ng aking kamay?
51 Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53 Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.
Binato Nila si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.
55 Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56 Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.
57 Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58 Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.
59 Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigawng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.
Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko
2 Makalipas ang ilang araw muling pumasok si Jesus sa Capernaum. Kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay.
2 Kaagad na natipon ang maraming tao, anupa’t wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Ipinangaral niya ang salita sa kanila. 3 At pumunta sa kaniya ang apat na tao na pasan-pasan ang isang paralitiko. 4 Hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kayat binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya. Kanilang inihugos ang higaan na kinararatayan ng paralitiko. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.
6 Ang ilang mga guro ng kautusan na nakaupo roon ay nagtatalo-talo sa kani-kanilang sarili: 7 Bakit namumusong ng ganito ang taong ito? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?
8 Nang matalos ni Jesus sa kaniyang espiritu ang kanilang pagtatalo, sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito? 9 Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko: Pinatawad na ang iyong mga kasalanan o tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka? 10 Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, sasabihin ko ito sa kaniya: 11 Sinasabi ko sa iyo: Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 12 Kaagad na tumindig ang paralitiko at binuhat ang kaniyang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Kaya nga, ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabi: Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!
Tinawag ni Jesus si Levi
13 Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa. Lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya.
14 Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa may singilan ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus: Sumunod ka sa akin. At siya ay tumindig at sumunod kay Jesus.
15 Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming mga maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Marami sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang sumusunod kay Jesus. 16 Nakita ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis. Sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Ang nangangailangan ng manggagamot ay ang mga maysakit, hindi ang mga malulusog. Hindi ako naparito upang tawagin sa pagsisisi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.
Tinanong ng mga Tao si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno
18 Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. At sila ay lumapit kay Jesus at sinabi nila sa kaniya: Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?
19 At sinabi ni Jesus sa kanila: Makapag-aayuno ba ang mga panauhin ng lalaking ikakasal habang siya ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal. 20 Subalit darating ang mga araw na aalisin siya sa kanila at sila ay mag-aayuno sa mga araw na iyon.
21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang bagong telang itinagpi, kapag umurong ay babatak sa lumang tela at ang punit ay lalong lalaki. 22 Walang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat. Masisira ang balat at matatapon ang alak. Ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.
Panginoon ng Sabat
23 Nangyari nga, isang araw ng Sabat, nang dumaan si Jesus sa triguhan ay kasama ang kaniyang mga alagad. Habang naglalakad sila, namigtal ng uhay ng mga trigo ang mga alagad.
24 Kaya nga, ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya: Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng Sabat ang hindi ayon sa kautusan?
25 Sumagot si Jesus: Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David at ng kaniyang mga kasama nang sila ay nangailangan at nagutom? 26 Nang si Abiatar ang pinunong-saserdote, pumasok si David sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na itinalaga sa Diyos na hindi dapat kainin. Ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyaon, ngunit kinain iyon ni David. Binigyan pa niya ang mga kasama niya. Hindi ba ninyo nabasa ito?
27 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang araw ng Sabat ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa araw ng Sabat. 28 Kaya nga, ako na Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.
Copyright © 1998 by Bibles International