M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Natirang Tao sa Canaan
3 Nagtira ang Panginoon ng ibang mga tao sa Canaan para subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan. 2 Ginawa ito ng Panginoon para maturuan niyang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito. 3 Ito ang mga taong itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga Sidoneo, at ang mga Hiveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal Hermon hanggang sa Lebo Hamat. 4 Itinira sila para subukin kung tutuparin ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoon na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. 5 Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 6 Nagsipag-asawa ang mga Israelita ng mga anak ng mga taong ito at ibinigay nila ang kanilang mga anak na babae para maging asawa rin ng mga ito, at sumamba rin sila sa mga dios-diosan ng mga ito.
Si Otniel
7 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera. 8 Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim.[a] Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.
9 Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 11 Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.
Si Ehud
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[b] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.
15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.
23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.
26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.
Si Shamgar
31 Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang pinuno. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng 600 Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy sa baka.
Ang Pangangaral ni Esteban
7 Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” 2 Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. 3 Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[a] 4 Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. 5 Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. 6 Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. 7 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ 8 At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.
9 “Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.
17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.
23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.
30 “Pagkalipas ng 40 taon, may isang anghel na nagpakita kay Moises habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai. Nakita ni Moises ang anghel sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, kaya nilapitan niya ito para tingnan. Nang papalapit na siya, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, 32 ‘Ako ang Dios ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nang marinig ito ni Moises, nanginig siya sa takot at hindi na nangahas pang tumingin. 33 Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 34 Nakikita ko ang mga paghihirap na tinitiis ng aking mga mamamayan sa Egipto, at narinig ko rin ang kanilang mga pagtangis. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil susuguin kita sa Egipto.’
35 “Ito ang Moises na itinakwil noon ng kanyang mga kapwa Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin?’ Pero siya ang sinugo ng Dios na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na kanyang nakita roon sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 36 Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa Egipto. Gumawa siya ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng 40 taon. 37 Ito rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Magtatalaga ang Dios sa inyo ng isang propeta na katulad ko na sa inyo rin manggagaling.’ 38 Nang naroon na ang ating mga ninuno sa disyerto, si Moises din ang namagitan sa mga tao at sa anghel na nakipag-usap sa kanya sa Bundok ng Sinai; at doon niya natanggap ang salita ng Dios na nagbibigay ng buhay para ibigay din sa atin.
39 “Pero nang hindi pa nakakabalik si Moises galing sa bundok, hindi tinupad ng ating mga ninuno ang ipinagawa sa kanila ni Moises. Itinakwil nila si Moises bilang kanilang pinuno, dahil gusto nilang bumalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na nagpalabas sa amin sa Egipto.’ 41 Pagkatapos, gumawa sila ng dios-diosang kaanyo ng guya.[b] Naghandog sila rito, at ipinagdiwang nila ang gawa ng sarili nilang mga kamay. 42 Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Dios at hinayaan na lang na sumamba sa mga bituin sa langit. Ganito ang isinulat ng mga propeta:
‘Kayong mga Israelita, naghandog kayo ng ibaʼt ibang uri ng handog sa loob ng 40 taon doon sa disyerto.
Ngunit hindi ako ang inyong pinaghandugan.
43 Dala-dala pa ninyo ang tolda ng inyong dios-diosan na si Molec,
at ang bituing imahen ng inyong dios-diosang si Refan.
Ginawa ninyo ang mga iyon upang sambahin.
Kaya itataboy ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’ ”
44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.
48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”
51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[c] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.
Hindi Pinayagang Mag-asawa si Jeremias
16 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, 2 “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak man sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo kung bakit, at kung ano ang mangyayari sa mga batang ipapanganak sa lugar na ito at sa mga magulang nila. 4 Mamamatay sila dahil sa malubhang karamdaman. Walang magluluksa sa kanila o maglilibing ng mga bangkay nila. Kakalat ang mga bangkay nila sa lupain na parang mga dumi. May mga mamamatay sa digmaan at taggutom, at ang mga bangkay nilaʼy kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Huwag kang papasok sa mga bahay na may mga patay. Huwag kang makikidalamhati sa kanila o magpapakita ng pagkahabag sa kaninuman. Sapagkat inalis ko na ang pag-ibig at pagkahabag ko sa mga taong ito. 6 Mamamatay sila sa lupaing ito, mayaman man o dukha, at walang maglilibing sa kanila. Walang taong susugat sa sarili nila o magpapakalbo para ipahayag ang pagluluksa nila sa mga namatay. 7 Walang magbibigay ng pagkain o inumin para aliwin ang mga nagdadalamhati, kahit na ama o ina ang namatay. 8 Huwag ka ring papasok sa mga tahanang may mga handaan para kumain at uminom doon. 9 Sapagkat ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Makikita mo sa kapanahunan mo na patitigilin ko ang kasiyahan at kagalakan sa lugar na ito, pati ang kaligayahan ng mga bagong kasal.’
10 “Kapag sinabi mo sa mga tao ang mga bagay na ito at magtanong sila, ‘Ano ang nagawa naming kasalanan sa Panginoon naming Dios? Bakit kami binigyan ng babala ng Panginoon na darating sa amin ang ganoong kapahamakan?’ 11 Sabihin mo sa kanilang ito ang sagot ko: ‘Ginawa ko ito dahil itinakwil ako ng mga ninuno nila. Naglingkod at sumamba sila sa mga dios-diosan. Itinakwil nila ako at hindi nila sinunod ang kautusan ko. 12 At mas higit pa kayong masama kaysa sa mga ninuno ninyo. Ang kasamaan at katigasan ng mga puso nʼyo ang sinunod ninyo, sa halip na ako ang sundin ninyo. 13 Kaya palalayasin ko kayo sa lupaing ito patungo sa lupaing hindi nʼyo alam, ni ng mga ninuno ninyo. At doon, magpapakasawa kayo sa paglilingkod sa ibang dios araw at gabi, at hindi ko na kayo kahahabagan.’
14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.
16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”
19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[a] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”
21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
2 1-2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. At ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. 3 Habang siya ay nangangaral, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong nasa higaan na buhat-buhat ng apat na lalaki. 4 Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, 7 “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 8 Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!” 12 Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
Tinawag ni Jesus si Levi(B)
13 Muling pumunta si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. 14 Habang naglalakad siya, nakita niya ang maniningil ng buwis na si Levi na anak ni Alfeus. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Jesus.
15 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kasama nilang kumakain, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus. 16 May mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nang makita nilang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga itinuturing nilang makasalanan, sinabi nila sa mga tagasunod niya, “Bakit kumakain siyang kasama ng mga taong iyan?” 17 Narinig iyon ni Jesus, kaya sinagot niya ang mga ito, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(C)
18 Nang minsang nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan na tagapagbautismo at ang mga Pariseo, lumapit ang ilang mga tao kay Jesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan at ang mga Pariseo pero ang mga tagasunod nʼyo ay hindi?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 20 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
21 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong[a] ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”[b]
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(D)
23 Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya. 24 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain? 26 Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.” 27 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga. 28 Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®