Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 2

Ang Anghel ng Panginoon sa Bokim

Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Bokim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita, ito ang ipinapasabi ng Panginoon: “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo. Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito kundi gibain nʼyo ang mga altar nila. Pero ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging parang tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga dios nila ay magiging parang bitag sa inyo.”

Nang marinig ito ng mga Israelita, humagulgol sila. Kaya tinawag nilang Bokim[a] ang lugar na iyon. At doon sila naghandog sa Panginoon.

Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis sila upang angkinin ang lupain na nakalaan para sa kanila. At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel. Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110. Inilibing siya sa kanyang lupain doon sa Timnat Heres, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Huminto ang mga Israelita sa Paglilingkod sa Panginoon

10 Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. 11 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. 12 Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang dios ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon, 13 dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod kay Baal at kay Ashtoret. 14 Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan para samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway nila sa paligid at hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili. 15 Kapag nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16 Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga pinuno[b] na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan. 17 Pero hindi nila pinansin ang kanilang mga pinuno. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga dios. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Dios na sinunod noon ng mga ninuno nila. 18 Ang lahat na pinunong ibinigay ng Panginoon sa kanila ay tinulungan niya. At habang buhay ang pinuno nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila. 19 Pero kapag namatay na ang pinuno, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga dios mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20 Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon, “Dahil nilabag ng bansang ito ang kasunduan ko sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod, 21 hindi ko itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni bago siya namatay. 22 Gagamitin ko ang mga bansang ito para subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ito ni Josue.

Gawa 6

Ang Pagpili ng Pitong Lalaki

Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda. Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong. At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.” Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio. Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.

Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.

Jeremias 15

Ang Parusa para sa mga Taga-Juda

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila! Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ko: ‘Ang mga itinalagang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinalagang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinalagang bihagin.’

Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng mamumuksa: Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop. Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manase na anak ni Hezekia sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.

O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang malulungkot para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan? Itinakwil nʼyo ako; palagi nʼyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko na ang mga kamay ko para lipulin kayo. Sawa na akong kahabagan kayo. Parurusahan ko kayo na parang ipa na tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali. Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga kabataan ninyong lalaki. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot. May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Dumaing si Jeremias

10 Kaawa-awa ako! Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina! Palagi akong kinakalaban sa buong Juda. Wala akong utang kaninuman, at hindi rin ako nagpapautang, pero isinusumpa ako ng lahat. 11 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang totoo, magiging mabuti ang lahat para sa iyo. Makikiusap sa iyo ang mga kaaway mo na ipanalangin mo sila sa panahon ng paghihirap at pagdadalamhati nila.

12 Kung papaanong walang makakabali ng piraso ng bakal o tanso, wala ring makakatalo sa mga kaaway na galing sa hilaga. 13 Ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 14 Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, at ipadarama ko sa inyo ang galit ko na parang nagliliyab na apoy.”

15 Sinabi ni Jeremias,Panginoon, alam nʼyo po ang lahat! Alalahanin at tulungan nʼyo po ako. Ipaghiganti nʼyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam ko na hindi kayo madaling magalit, kaya huwag nʼyo po akong hayaang mamatay. Alalahanin nʼyo po ang mga paghihirap ko dahil sa inyo. 16 Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Dios na Makapangyarihan. 17 Hindi po ako sumama sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa galit ninyo. 18 Bakit hindi po natatapos ang paghihirap ko? Bakit hindi na gumagaling ang mga sugat ko? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin nʼyo po ba ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”

19 Kaya sinabi sa akin ng Panginoon, “Kung magsisisi ka, pababalikin kita sa piling ko para patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing tagapagsalita ko. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito. Kakalabanin ka nila pero hindi ka nila matatalo, dahil kasama mo ako. Iingatan kita at ililigtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at mararahas na tao.”

Marcos 1

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.[a] Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,

‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[b]

4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[c] Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(B)

Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.

Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(C)

14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios. 15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na[d] ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”

16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[e] 18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila. 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.

Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(D)

21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!” 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.

Maraming Pinagaling si Jesus(E)

29 Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus. 31 Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.

32 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu. 33 At ang lahat ng tao sa bayang iyon ay nagkatipon-tipon sa harapan ng pinto ng bahay. 34 Maraming may sakit ang pinagaling ni Jesus, anuman ang kanilang karamdaman, at pinalayas din niya ang maraming masamang espiritu. Hindi niya pinayagang magsalita ang masasamang espiritu, dahil alam nila kung sino siya.

Nangaral si Jesus sa Galilea(F)

35 Kinabukasan ng madaling-araw, bumangon si Jesus at pumunta sa ilang upang manalangin. 36 Hinanap siya nina Simon at ng kanyang mga kasama. 37 Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.” 39 Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(G)

40 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat.[f] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”[g] 41 Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” 42 Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis. 43-44 Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 45 Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®