Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 4

Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin

Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo.

Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumam­palataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.

Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalemang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10 Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11 Siya ang:

Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo. Siya ang naging batong-panulok.

12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

13 Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14 Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15 At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa’t isa. 16 Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.

18 Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19 Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20 Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.

21 Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22 Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.

24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:

Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?

26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.

27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.

31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtiti­punan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari

32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.

33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tina­tangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.

36 Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37 Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Mateo 27

Nagbigti si Judas

27 Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay sumangguni sa isa’t isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya.

Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.

Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan, nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo.

Ngunit sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.

Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis niya roon, siya ay nagbigti.

Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak.Kanilang sinabi: Labag sa kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang salaping ito. Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan. Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na itona: Bukid ng dugo. Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng mga anak ni Israel. 10 Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.

Si Jesus sa Harap ni Pilato

11 Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

12 Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala siyang isinagot. 13 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa iyo? 14 Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.

15 Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila. 16 Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17 Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18 Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa kaniya.

19 Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa lalaking iyan.

20 Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.

21 Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa inyo?

Sinabi nila: Si Barabas!

22 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?

Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!

23 Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama?

Ngunit lalo silang sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!

24 Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.

25 Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.

26 Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.

Kinutya ng mga Kawal si Jesus

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng buong batalyon ng mga kawal.

28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29 Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio! 30 Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo. 31 Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.

Ipinako nila sa Krus si Jesus

32 Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.

33 Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34 Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35 Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpala­bunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpala­bunutan sa aking kasuotan. 36 Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37 Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39 Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40 Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.

41 Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42 Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43 Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44 Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.

Si Jesus ay Namatay

45 Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras.

46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

47 Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.

48 Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49 Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.

50 Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.

51 Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato. 52 Ang mga libingan ay nabuksan atmaraming katawan ng mga banal na namatay ang bumangon. 53 Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.

54 Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus. Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot. Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.

55 Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo.Sila yaong sumunod kay Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

 

Inilibing si Jesus

57 Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay si Jose na naging alagad ni Jesus.

58 Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus. 59 Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang lino. 60 At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan ay umalis na siya. 61 Naroroon si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria. Sila ay nakaupo sa harap libingan.

Ang mga Bantay ng Libingan

62 Kinabukasan ay ang araw pagkatapos ng paghahanda. Ang mga pinunong-saserdote at mga Fariseo ay nagtipun-tipon sa harap ni Pilato.

63 Sinabi nila: Ginoo, naala-ala namin ang sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya. Sinabi niya: Pagkalipas ng tatlong araw, ako ay babangon. 64 Ipag-utos mo nga na bantayang maigi ang libingan hanggang sa ikatlong araw at baka sa gabi ay nakawin siya ng kaniyang mga alagad. At sabihin nila sa mga tao: Siya ay nabuhay mula sa mga patay. Kung magkakagayon, ang pandaraya ay magiging malala kaysa una.

65 Sinabi ni Pilato sa kanila: Mayroon kayong tagapag­bantay. Humayo kayo at ipabantayang mahigpit ayon sa inyong kakayanan. 66 Sa pag-alis nila, tiniyak nila na nakasara na ang libingan at nilagyan ng selyo ang bato at ipinabantayan sa mga bantay.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International